Nagpunta kami sa Manila Bay malapit sa SM Mall of Asia (“MOA).  Naging isa ng sikat na pasyalan ang lugar na ito. Matapos mamasyal at mamili sa SM ay diretso na agad sa parteng ito ng MOA.

Gayunpaman, kahit wala pa ang dambuhalang mall na ito ay isa ng sikat na lugar pasyalan ang Manila Bay.  Usong usong puntahan ang lugar na ito ng mga mag-sing irog na bumuo sa baybaying ito ng kanilang sumpaan at mga pangarap.

Ang “Sunset at Manila Bay” ay sikat sa buong mundo at ang mga larawang kuha sa paglubog ng araw sa lugar na ito ay nailathala sa ibat-ibang mga magazine.

Noong araw kapag may sipon ka ay maglakad lang daw sa gilid ng Manila Bay at matapos langhapin ang hangin mula rito ay tiyak ka ng gagaling. Ngayon, ay mahirap maiwasang masuka sa hanging nagmumula rito.

Image
Manila Bay (25 August 2012)

Image

Maganda sana ang lugar. Masarap tumambay at magpalipas ng oras. Kaya lang langhap pa rin ang mabahong amoy mula sa Manila Bay. Talagang nakapanghihinayang ang lugar na ito. Natatandaan ko pa noong araw ay maaari pang lumangoy sa bahaging ito ng Manila Bay sa may Cultural Center. Nakakakuha pa nga noon ng halaan. Ngayon, halos wala nang lamang dagat na nabubuhay sa Manila Bay.  Ang napapakinabangan na lang ay ang mga plastik at iba pang basura na nakalutang sa dagat.

Image
Kapansin-pansin ang mga basurang nakasiksik sa mga bato ng breakwater ng Manila Bay

Ang buong Manila Bay ay para bang isa na lang na tapunan at tambakan ng basura ng buong Metro Manila. Daang trak na ang nakukuhang basura sa Manila Bay at marami pa rin ang naglutangan. Talagang nakakalungkot ang sinapit ng lugar na ito. Marami sanang mga tao ang makikinabang at masisiyahan kung napanatili lamang nating malinis ang Manila Bay.

Image

Ano kaya ang sasabihin ni Rizal kung makikita nya ang hitsura ngayon ng Manila Bay? Alam ko na noong naglakad siya mula Fort Santiago hanggang sa Luneta bago siya barilin ay napagmasdan niya ang dating magandang dagat at dalampasigan ng Manila Bay.

Noong nakaraang bagyo at baha ay ibinalik rin sa atin ng kalikasan ang mga basurang tayo rin ang nagtapon. Tayo rin ang napinsala sa ating kapabayaan.

Tuwing may pagkilos upang linisin ang Manila Bay ay tumulong at makiayon tayong lahat.  Sana ay hindi pa huli ang lahat upang ating masagip ang Manila Bay!

Posted in

Mag-iwan ng puna