Ang tagal ko ring hindi nagsulat sa blog na ito. Sa totoo lang nakalimutan ko na nga ang blog na ito. Pero noong 30 January 2021 ay mayroong nag-comment sa isinulat ko tungkol sa Aguinaldo Shrine at ang sabi nya ay –
“Assignment ng anak ko pero naaliw ako sa pagbabasa nito..napahanap tuloy kami ng asawa ko sa mga lumang collection ng pera, nasa 2 pisong lumang papel pala ito naka lagay. he he”
Maraming salamat sa iyo sa nag-comment at natutuwa ako dahil kahit paano ay may naaliw sa isinulat ko. At least, nalaman ko na kahit payak lamang ang mga sinisulat ko rito ay mayroon pa ring nakakabasa at kahit paano ay na-aaliw. Nagkaroon tuloy uli ako ng lakas ng loob at inspirasyon na ituloy ang pagsusulat ko sa blog na ito…
Sa totoo lang, ang hirap ng buhay nating mga Pilipino ngayon. Mula ng magsimula ang pandemic ng Covid-19 ay higit na naging mahirap ang buhay nating mga Pilipino. Maraming mga negosyo ang ngayon ay lugmok na naging dahilan naman para mawalan ng trabaho ang maraming mga empleyado. Ang tagal na ng pandemic na ito. Sa susunod na buwan ay mag-iisang taon na. Kung hindi ako nagkakamali ay nagsimula ang Covid-19 dito sa ating bansa noong huling linggo ng Marso 2020. Sobrang nakakalito at magulo nga ang nangyari noong unang ipinatupad ang lockdown. Marami ang nagulat na lang na hindi na sila pwedeng dumaan sa dati. Natigil din ang pasada ng mga dyip, bus at tricycle.
Okay, hanggang dito na lang muna ang pagbabalik tanaw ko sa mga nangyari noong pandemic. Alam ko naman na hanggang ngayon ay naalala nyo pa rin ang mga nangyari dahil sa pandemic. Sa ngayon nga narito pa rin ang virus at hindi pa rin natin tiyak kung kailan matatapos. Gayunpaman, kahit ano mangyari huwag tayo panghinaan ng loob. Ingat lang lagi at patuloy tayong magdasal.
Ngayon ay araw ng mga puso – valentines day. Pero bago ko matapos ang blog na ito ay tapos na ang valentine. Gabi na kasi ngayon at inaantok na ako…
Salamat matatapos na rin ang Valentine’s Day!
Mag-iwan ng puna