Umikot kami sa Intramuros, Maynila. Nabalitaan kasi namin na bukas na uli ang Fort Santiago. Matagal na rin akong hindi nakapunta rito. Kaya nang nagkaroon ng oras ay naisip naming bumisita sa historical na lugar na ito.

Madami ng magagandang ipinagbago ang Maynila mula ng umupo si Yorme. Maraming lugar ang naayos at nagkaroon ng buhay. Yung mga dating lugar na nakakatakot lakaran dahil madilim ay may ilaw na at mga halaman pa. Sana all…
Noong pumasok kami sa Intramuros ay napansin ko kaagad na parang dumami ang mga informal settlers. Minsan naisip ko na kung pagagandahin lng ang Intramuros ay marami ang magkakaroon ng trabaho. Historical na lugar kasi ang Intramuros at maraming mga turista, foreign at local man, ang gugustuhing bumisita dito. Bakit hindi linisin at pagandahin ang Intramuros para sa kahat ng mga gustong bumisita rito. Sana magkaroon ng programa upang mapaalis ang mga informal settlers sa loob ng Intramuros kung saan maaari silang mabigyan ng maayos na matitirihan. Maaari rin bigyan sila ng prayoridad sa mga trabahong malilikha kapag naging maayos na ang Intramuros.
Napakalaki ng potential ng Intramuros para maging isang primyadong tourist attraction ng bansa. Sa ngayon pa lang at tuwing makikita ko na maraming turista ang namamasyal sa Intramuros ay talagang nakakatuwa. Marami ang nagagandahan at namamangha sa Intramuros.
Bukod sa historical ang lugar na ito, ang Intramuros rin ay isang magandang lugar para magbike. Lalo na sa umaga at sa bandang hapon ay masarap magbisekleta dito sa Intramuros. Kung wala kang sariling bisekleta ay pwede naman na mag-renta dito ng bisekleta. May mga bisikleta ritong pwedeng arkilahin na gawa sa kawayan.
Sa loob ng Intramuros ay matatagpuan ang Fort Santiago. Dito ay ikinulong si Jose Rizal bago sya barilin sa Luneta noong December 30, 1896. Kapag nadalaw ka rito sa loob ng Fort Santiago ay madaling balikan ang mga huling araw ng ating Pambansang Bayani. Narito ang kanyang imahe o estatwa na nagpapakita kung saan sya namalagi. Marami rin makikitang mga bagay na naiwan si Rizal dito na matatagpuan sa Museum sa loob ng Fort Santiago. Kaya lang dahil sa pandemic ay sarado ang Museum na yun noong bumisita kami.
Sa loob ng Intramuros rin ay makikita ang mga ibat- ibang pamantasan gaya ng Letran, Mapua, Lyceum at PLM. Noong nagbisikleta ako rito ay sarado ang mga paaralang ito dahil sa pandemya. Nakaka- miss tuloy ang maraming estudyante noong wala pa ang Covid. Noong unang ibinalita na walang pasok sa mga eskwelahan ay tuwang-tuwang ang mga estudyante pero habang tumatagal ang walang pasok ay nakakalungkot na rin. Iba pa rin kapag face to face ang pag-aaral kaysa online. Iba pa rin ang interaksyon sa kapwa mo estudyante.
Habang tinitingnan ko nga ang mga saradong eskwelahan sa loob ng Intramuros ay naiisip ko kung ano ang itsura ng lugar na ito noong panahon ni Rizal. Noong nag-aaral pa si Rizal sa Ateneo, ang Ateneo ay matatagpuan sa loob ng Intramuros. Si Rizal ang isa sa mga unang graduate ng Bachelor of Arts noong 1877 sa Ateneo Municipal de Manila na nasa loob ng Intramuros. Tama po ba? Ayon sa ating kasaysayan, si Paciano ang kasama ni Rizal noong naghanap sila ng matitirahan sa loob ng Intramuros. Si Paciano ang nakatatandang kapatid ni Rizal.
Nakakatuwang isipin na ang ating pambansang bayani ay naglakad, nag-aral at namalagi sa loob ng Intramuros. Ang sarap balikan ng panahon na iyon kung saan nag-aaral pa si Rizal sa loob ng Intramuros. Ano kaya ang itsura ng Intramuros noong panahon ni Rizal?
Hanggang dito na lang muna at kapag may pagkatataon ay susulat ako ng tungkol kay Rizal at sa iba pang naiisip ko.
Mag-iwan ng puna