Mag-online ka muna bago ka pumunta sa mga NBI Branch para kumuha ng NBI Clearance! Iyan sa tingin ko ang dapat nating tandaan sa pagkuha ng NBI Clearance. Hindi katulad ng dati, mas madali na ngayon ang pagkuha ng NBI Clearance. Maayos na ang proseso dahil online o sa website ka na mag-aaply .
Pagkatapos mong mag-online ay maari mo ng makuha ang iyong NBI Clearance sa mall na iyong pinili. Sa may Riverbanks Mall sa Marikina ay mayroon ding branch ang NBI duon. Pwede mong piliin online kung saang Mall mo gusto mong kunin ang iyong clearance pati na ang petsa at oras ng iyong pagkuha. Kapag kukunin mo na ang clearance mo ay dapat may dalawang government issued ID ka gaya ng UMID at Driver’s license.
Paano ba ang proseso sa pagkuha ng NBI Clearance? Ang dapat mo lang gawin ay pumunta ka sa website ng NBI. I-google mo lang ang NBI Clearance at lalabas na duon ang website kung saan ka pwedeng mag-apply online. Nanduon na rin ang halaga na dapat mong bayaran. Maari mong bayaran ang clearance mo sa bangko, online, bayad center, 7/11 at iba pang nakasaad na payment methods.
Pagdating mo sa napili mong branch ay mabilis lang proseso sa pag-kuha ng NBI Clearance depende sa dami ng nakapila. Kapag next ka na – kukuhanan ka ng litrato, fingerprint at papipirmahin ka ng digital. Basta wala kang kapangalan o yung wala kang hit ay makukuha mo agad ang clearance mo. Pag may hit ka ay sasabihan ka kung kailan ka pwedeng bumalik.
Ang tandaan mo lang bago ka pumunta sa mall o saan mang branch ng NBI na iyong napili ay dapat naka-pag online ka na. Dapat dala mo rin ang patunay ng binayaran mo o detalye ng iyong binayaran. May dala kang at least dalawang government issued ID. Pumunta ka sa araw at oras ng iyong schedule. Magtyaga at pumila ka ng maayos. Makinig ng maigi sa nagtatawag. Higit sa lahat sundin ang health protocols ng gobyerno dahil sa pandemya gaya ng pagsusuot ng mask at face shield pati na ang social distancing.
Mag-iwan ng puna