Lagi kong nadaraanan ang Manila Bay at ang Baywalk. Kapag napasyal ako sa may Cultural Center o CCP ay pupunta ako sa Harbour View. Sa tuwing magagawi ako sa lugar na ito ay lagi kong iniiisip kung ano ang itsura ng Manila Bay noong panahon ni Rizal. Noong panahon ng Kastila. Noong mga unang panahon kung saan hindi pa uso ang pag-gamit ng plastik. Sa ngayon kasi ang karaniwang basura na makukuha sa Manila Bay ay iba’t ibang uri ng mga plastik.
Marami ang mga umaasa na sana ay muling maging malinis ang Manila Bay. Marami ang nangangarap na sana ay muling maibalik ang ang dating ganda ng Manila Bay. Isa na ako sa maraming Pilipino na ang hangad ay muling maging malinis ang Manila Bay. Sino ba sa atin ang ang hindi na nagnanais na magkaroon ng isang malinis na dagat na malapit lang sa Metro Manila? Kapag nagkatotoo ang hangarin na muling maging malinis ang Manila Bay ay tiyak na matutuwa hindi lamang tayong mga Pilipino pati na ang mga dayuhan at turista sa ating bansa.
Ngayon ay nakikita na ang seryosong aksyon upang linisin ang Manila Bay. Mayroon ng ginagawang White Beach sa bahagi ng Manila Bay na malapit sa US Embassy. Ang beach na ito ay tinambakan ng Dolomite Sands kaya tinatawag rin itong “Dolomite Beach” o ang “Manila Bay Sands Project“. Kontrobersiyal ang Beach na ito na gawa sa Dolomite. Iba’t ibang opinyon tungkol sa dapat bang tambakan ng Dolomite ang bahaging ito ng Manila Bay. Mayroong ibang sektor na nagsasabing makasisira daw ng kalikasan ang paglagay ng Dolomite. Kapag umulan rin daw ng malakas ay mawa-wash out lang daw ang Dolomite. Sayang lang daw ang pera na ginamit sa pagbili ng Dolomite na madadala rin ng dagat kung sakaling magkaroon ng bagyo.
Ang pananaw naman ng iba ay mas okay na Dolomite ang itinambak doon kaysa sa basura. Mayroon din naman daw plano ang pagtambak ng Dolomite kaya hindi ito madaling maanod ng dagat. Karaniwan na rin daw ginagamit ang Dolomite bilang puting buhangin sa Beach. Pinag aralan din daw ng mabuti ang Dolomite Project bago ito sinimulang gawin.
Panahon lang ang magsasabi kung tama ang naging desisyon na tambakan ng Dolomite Sands ang ilang bahagi ng Manila Bay para gawing White Beach. Kapag may dumaang malakas na bagyo, iyon ang pagkakataon para malaman natin kung hindi mawa-wash out ang buhangin na Dolomite. Gayunpaman, mas okay na may ginagawa ang gobyerno para maging malinis ang Manila Bay kaysa sa wala.
Upang maging malinis ang Manila Bay ay kailangan nating magtulungan lahat. Kailangan nating magkaisa! Hindi pwedeng iasa lang natin sa gobyerno ang pag-lilinis ng Manila Bay. Sa simpleng paraan lang ng hindi natin pagtatapon ng basura sa Manila Bay ay makatutulong na tayo sa layunin nating maging malinis ang Manila Bay.
Noong panahon ng mga Kastila ay tiyak na napakalinis ng Manila Bay. Noong naglakad si Rizal mula Fort Santiago hanggang Luneta noong umaga ng Disyembre 30, 1896 ay tiyak na nakita ni Rizal ang malinis na dagat ng Manila Bay. Marahil ay nalanghap din ni Rizal ng araw na iyon ang mabangong na simoy ng dagat ng Manila Bay bago siya binaril ng mga Kastila.
Kung magiging malinis lang muli ang Manila Bay ay marami ang makikinabang. Marami na namang isda at iba pang lamang-dagat ang makukuha. Marami rin ang maliligo sa ginagawang White Beach kapag natapos ang proyektong ito. Excited ka na rin bang matapos ang Dolomite Beach at maligo dito? Sana maging maayos at successful ang proyektong ito ng gobyerno para sa ikagaganda ng Manila Bay.
Kung nabubuhay kaya si Rizal ngayon, ano kaya ang sasabihin nya sa proyektong ito na tambakan ng Dolomite ang bahaging iyon ng Manila Bay. Marahil kung nabubuhay si Rizal ngayon ay hindi nya makikilala ang Manila Bay dahil sa kalagayan nito ngayon. Isa pa, noong panahon ni Rizal ay hindi pa na reclaim ang malaking bahagi ng Manila Bay.
Hanggang dito na lamang muna tayo. Aabangan na lang natin kung ano ang mangyayari sa White Sands o Dolomite Project na ito ng gobyerno.
Mag-iwan ng puna