Sa Fort Santiago ay maraming bagay ang mag-papaalala sa iyo sa buhay ni Jose Rizal. At upang hindi natin makalimutan ang kadakilaan n’ya ay isinabatas ang Rizal Law. Ito ang Republic Act No. 1425 na nilagdaan noong June 12, 1956. Itinatakda ng batas na ito ang pagtuturo ng mga kursyo tungkol sa ating Pambansang Bayani na si Jose Rizal. Ang batas na ito ang dahilan kung bakit itinuturo sa mga paaralan ang mga libro ni Rizal na Noli Me Tangere at ang El Filibusterismo.
Dahil sa RA 1425 ay maaari nating sabihin na lahat ng estudyante sa Pilipinas ay nabasa ang mga librong ito ni Rizal. Naaalala mo pa ba ang kwento ng mga librong ito? Kung ikaw ay papipiliin, alin ang mas magandang libro pa sa iyo – ang Noli o ang Fili? Masasabi ko na kahit requirement ang Noli at Fili ay nag-enjoy ako sa pagbabasa nito. Nabasa ko ang tagalog at english na bersyon ng mga nobelang ito.
Pero kung hindi dahil kay Senador Claro M. Recto ay hindi magiging isang batas ang RA 1425. Ayaw kasi ng Simbahang Katoliko ang gusto ni Recto na gawing sapilitan ang pagbabasa ng mga librong ito ni Rizal. Labag daw ito sa kalayaang pangrelihiyon. Upang mapigilan ang batas na ito ay ginawa ng Simbahang Katoliko ang lahat ng aksyon para lang huwag matuloy ang RA 1425 gaya ng sabihan nito ang mga tagasunod nila na sumulat sa mga Senador at Congressman par -ioppose si Recto. Isa sa mga dahilan kung bakit ayaw ng Simbahang Katoliko noon ang panukala ni Recto ay dahil daw ang mga sinulat ni Rizal na librong ay umaatake sa mga turo at paniniwala ng simbahan.
Naging kontrobersyal ang panukalang ito ni Recto at iba-ibang mga opinyon at pananaw ang lumabas ukol dito. May nagsasabi na okay lang na gawing kompulsaryo ang pagbabasa ng Noli at Fili sa mga paaralan bilang pag-alala na rin sa kadakilaan ni Rizal. Ngunit, may iba namang nagsasabi na ang ang sapilitang pagbabasa ng Noli at Fili ay magiging mapanganib sa paniniwala ng simbahan. Ang mga Pari noong panahon na iyon ang siyang pangunahing tumututol sa panukalang ito ni Recto.
Sa isang misa kung saan tinuligsa ang Rizal Law ay napilitang lumabas ng simbahan ang dating Mayor ng Maynila na si Lacson. Sumusuporta kasi sa Lacson sa panukalang ito ni Recto. Dahil sa pag- walk out ni Lacson sa isang misa ay masasabi nating matindi talaga ang pagtutol ng Simbahan na gawing sapilitan ang pagbabasa ng Noli at Fili sa mga paaralan.
Bakit kaya ganun na lang katindi ang pagsalungat ng simbahan sa gusto ni Recto? Sabi ng simbahan ang pagbabasa ng Noli at Fili ay labag sa tinatawag na “freedom of religion and conscience”. Ang lalim naman nitong dahilan ng pagtutol ng simbahan. Kailangang arukin ng mabuti ang ibig sabihin ng “freedom of religion at conscience”. Sa totoo lang kaya ayaw ng simbahan na ipabasa sa mga mag-aaral noon ang Noli at Fili ay dahil ibinuking ni Rizal sa mga librong ito ang mga hindi magandang asal at gawain ng mga Pari noong panahon ng Kastila. Isa rito ay ang malaking eskandalo na si Maria Clara pala ay anak ni Padre Damaso.
Kahit sa Senado ay naging mainit ang debate tungkol sa panukalang ito ni Recto. Nagtalo ang mga Senador kung dapat nga bang isama sa kurso ng mga mag-aaral ang tungkol sa buhay ni Rizal at ang pagbabasa ng Noli at Fili. Naging masalimuot ang isyung ito dahil ay pag-babanta pang nangyari mula sa mga Catholic Schools. Ang sabi ng mga ito ay mag-sasara daw sila kapag naipasa ng batas ang panukala ni Recto. Pero, alam ni Recto na nananakot lang mga eskwelahang ito dahil kapag nagsara sila ay tiyak na mawawalan sila ng kita.
Mabuti na lang talaga na noong mga panahong iyon ay may Senador tayo gaya ni Recto na matapang at may paninindigan. Hindi sya natakot sa bantang ito ng mga Catholic Schools. At ang nangyari ay hindi ito natuloy. Inatras din nila ang bantang magsasara pero sinabi ng mga Catholic Schools na hindi susuportahan sa eleksyon ang mga Senador na aayon sa panukala ni Recto.
Hindi nagpatinag si Recto at ang sumusuporta sa kaniyang panukala na isama sa kurso ng mga estudyante ang pag- aaral sa buhay ni Rizal at ang pagbabasa ng Noli at Fili. Matapos ang mahabang pagtatalo at diskusyon, ay nagkaroon na lang ng kasunduan na ang gagamitin na lang sa mga eskwelahan ay yung na edit na na bersyon ng Noli at Fili. Ito yung bersyon na tinanggal na yung mga kwento o bahagi sa Noli at Fili na tinututulan ng simbahan.
Hindi pa rin sang-ayon si Recto sa kasunduang ito na ang babasahin lang ng mga estudyante ay yung edited bersyon na ng Noli at Fili sapagkat maapektuhan nito ang mga iniwang alala ni Rizal. Ngunit sa bandang huli ay natuloy pa rin ang usapan na ang edited na bersyon na lang ng Noli at Fili ang gagamitin. Yung mga estudyante na lang daw sa kolehiyo ang maaaring pumili kung gusto nilang basahin ang “unedited version” ng Noli at Fili.
Kung titingnan natin sa ngayon ay wala naman talagang basehan ang pagtutol ng simbahan sa panukala ni Recto. Dahil sa RA 1425 ay marami ang napilitang basahin ang Noli at Fili. Marami ang namulat tungkol sa kalabisan ng mga Pari noong panahon ng mga Kastila. Nagkaisa ang mga Pilipino upang ipaglaban ang kalayaan ng Pilipinas.
Mabuti na lang talaga ay may isang Senador na gaya ni Recto. Kung wala si Recto ay malamang na nabaon na sa limot ang alaala ni Rizal. Kaunti lang ang magtyatyagang magbasa ng mga sinulat ni Rizal gaya ng Noli at Fili. Dahil sa Rizal Law, maraming mga estudyante ang marahil ay napilitang basahin ang mga nobelang ito. Gayunpaman, masasabi natin na marami ring mga estudyante ang nag- enjoy na basahin ang mga nobelang ito ni Rizal. Gaya nga ng nasabi ko, isa ako sa mga nasiyahan sa pagbabasa ng Noli at Fili. Mas nakilala ko si Rizal at nagkaroon ako ng ideya kung ano ang buhay ng mga Pilipino noong panahon ng mga Kastila.
Mag-iwan ng puna