Ang Ateneo kung saan nag-aral si Rizal ay matatagpuan sa loob ng Intramuros. Nangupahan si Rizal sa isang bahay sa may Caraballo Street na kapag nilakad ay may 25 to 30 minutes ang layo. Ang paupahang bahay na ito ay pag-aari ng isang nag-ngangalang Titay na may utang sa pamilya ni Rizal ng P300.00. Kaya dahil may utang si Titay ay pumayag itong duon manirahan si Rizal sa kanyang Boarding House.

Napuntahan ko sa loob ng Intramuros ang Ateneo ni Rizal. Wala na duon ang dating Ateneo. Ang naroon na lang ay ang marker na nagsasabi kung saan dating nakatayo ang Ateneo. Noong nanduon ako ay sandali kong inisip kung ano ang itsura ng lugar na ito noong nag-aaral pa si Rizal. Minsan nakakatuwa ring isipin na sa mga kalye at lugar malapit sa kinatatayuan ng Ateneo ay nag-lakad duon si Rizal kasama ang kaniyang mga kaklase.

Sabi ng kasaysayan, noong December 30, 1896, noong naglakad si Rizal mula Fort Santiago papuntang Luneta (Bagumbayan noon) ay nakita niya ang Ateneo. Nagtanong si Rizal kung yun nga ang Ateneo at sinabi nya na maraming masasayang araw ang kaniyang inilagi sa paaralang ito.

Noong huling araw ni Rizal mula Fort Santiago ay dumaan sila sa Fort Bonifacio Drive (dating Paseo Maria Cristina) kung saan nakita rin nya ang madilim pang Manila Bay at ang Intramuros. Naglakad si Rizal sa gitna ng dalawang Paring Jesuits na sina Padre Estanislao March at Padre Jose Villaclara. Sa likod ni Rizal ay si Lieutenant Luis Taviel de Andrade na naging abogado nya. Kulay itim ang tema ng kanilang mga kasuotan ng malungkot na araw na iyon.

Si Rizal ang pinakatanyag na estudyante ng Ateneo. Noong nag-graduate si Rizal dito ay nakuha niya ang pinakamataas na grade. Alam natin na noong nag-aral si Rizal sa Ateneo ay naging tanyag siya bilang isang mag-aaral. Ipinakita nya na ang isang Pilipino ay hindi inferior sa mga Kastila.

Pero muntik ng hindi sa Ateneo nag-aral si Rizal. Kasama ni Rizal ang kapatid niyang si Paciano, ay unang nag-entrance exam si Rizal sa Letran at naipasa nya ito. Mabuti na lang at nagbago ang desisyon ng tatay ni Rizal na sa Ateneo sya pag-aralin keysa sa Letran. Pero ano kaya ang dahilan bakit nagbago ang isipan ng tatay ni Rizal na sa Ateneo na lang siya pag-aralin? Dito rin sa Ateneo unang ginamit niya ang apelyidong “Rizal” at hindi ang “Mercado” upang makaiwas sa suspetsa ng mga Kastila.

Tuwing nagba-bike ako sa Intramuros ay lagi kong nadaraanan ang mga eskwelahan dito gaya ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila, Mapua, Lyceum at Letran. Minsan iniisip ko kung ano ang itsura ng Intramuros noong panahon ni Rizal noong nandito pa ang Ateneo at UST. Makasaysayan talaga ang Intramuros. Sana higit na bigyang pansin ng gobyerno ang Intramuros.

Si Rizal ay nag-aral sa Ateneo mula June 10, 1872 hanggang March 23, 1877. Nagtapos sya ng Bachelor of Arts na may highest honors. Ang Bachelor of Arts noong panahon ni Rizal ay katumbas ng High School Diploma ngayon. Si Rizal ay isa (1) sa siyam (9) na estudyante na may grade na “sobresaliente” sa graduating class nila na doseng (12) estudyante. Ganito lang kaunti ang estudyante noong panahon ni Rizal sa Ateneo.

Noong first year ni Rizal sa Ateneo (1872-73) ay kumuha sya ng extra classes sa Santa Isabel College. Noong nag- aral si Rizal sa UST (1877-1882) ay kumuha siya ng surveying course sa Ateneo at patuloy pa ring sumali sa mga extra-curricular activities dito. Kaya’t sinasabi na kahit nasa UST na si Rizal ay mas malapit pa rin siya sa Ateneo.

Noong nasa Ateneo si Rizal ay na love at first sight siya kay Segunda Katigbak ng Lipa, Batangas. Si Segunda ay malapit na kaibigan ng kapatid ni Rizal na si Olimpia. Dahil si Segunda ay engaged na kay Manuel Luz ay hindi sila nagkatuluyan ni Rizal. Sa Ancestral House ni Segunda Katigbak sa Batangas ay naroon pa ang ilang alaala ni Rizal. Naroon pa nga rin ang chessboard kung saan daw nag-laro ng chess si Rizal.

Marami tayong pag-uusapan tungkol sa naging buhay ni Rizal sa Ateneo. Kung mayroon kayong nais sabihin tungkol dito ay mag- comment lang po kayo.

Posted in

Mag-iwan ng puna