Sa Ancestral House ni Segunda Katigbak sa Lipa, Batangas o ang “Casa de Segunda” ay marami kang makikita na alaala ni Rizal. Kapag pumunta ka nga rito ay para ka na ring bumalik noong panahon ng mga Kastila. Sa pagpasok mo pa lang sa bahay ay makikita mo ang larawan ni Segunda. Sa pagtingin mo sa kanyang larawan ay kahit paano ay magkakaroon ka ng ideya bakit nagka gusto si Rizal kay Segunda.

Ayon kay Rizal, si Segunda ay hindi ang pinakamagandang babae na kanyang nakita pero si Segunda ay may matang nangungusap at ngiting nakapang -aakit. Noong nagkita sila, si Rizal ay edad 16 at si Segunda naman ay 14. Si Segunda ang itinuturing na unang pag-ibig ni Rizal at ang una rin niyang heart break.

Si Segunda ay mula sa may kaya na pamilya sa Lipa, Batangas. Nag-aaral noon si Segunda sa La Concordia College. Si Segunda ay malapit na kaibigan ng kapatid ni Rizal na si Olimpia. Si Rizal naman ay kaibigan ng kapatid ni Segunda na si Mariano Katigbak. Unang nagkita si Rizal at Segunda sa bahay ng lola ni Rizal sa Trozo, Maynila na ngayon ay Tutuban.

Hindi talaga naging sila ni Rizal. Si Segunda kasi ay engaged na sa isa ring may kayang taga Batangas din na si Manuel Luz na naging asawa ni Segunda. Sabi ang namagitan lang kay Rizal at Segunda ay “MU” o puppy love lang. Inisketch at ginawan ni Rizal ng tula si Segunda. Si Segunda naman ay nagbigay kay Rizal ng puting rosas na gawa sa papel.

Marahil ay may feelings talaga si Rizal kay Segunda. Ngunit dahil kay Manuel Luz ay hindi naituloy ni Rizal ang kanyang diskarte.

Meron pa ngang eksena kung saan hinabol ni Rizal habang nakasakay sya ng kabayo ang karwahe nila Segunda sa Binan patungong Batangas. Nakita sya ni Segunda at ngumiti ito at iwinagayway ang kanyang puting panyolito. Inaya pa raw ni Segunda si Rizal na sumunod sa kanila hanggang Batangas. Natameme lang si Rizal, tumahimik at walang nagawa kundi ang mag-pugay kay Segunda.

Ikinasal si Segunda at Manuel Luz. Nagkaroon sila ng 12 na anak pero 9 lang ang nag-survive. Si Rizal naman ay nagtungo sa Europe para mag-aral.

Ang tanong ko, nagkita ba si Rizal at Segunda sa bahay ng huli sa Lipa, Batangas? Ang nangangalaga ngayon sa Ancestral House ni Segunda sa Batangas ay ang kanyang great great granddaughter na si Lileth Dimayuga-Malabanan. Ayon sa kanya ay naalala nya ang kwento sa kanya at kanyang mga pinsan tungkol sa pagbisita ni Rizal sa Casa Segunda upang humingi ng tulong o suporta para sa rebolusyon. Kilala kasing isa sa mayamang pamilya ang mga Luz sa Batangas.

Makikita rin sa Casa de Segunda ang chessboard o chess table kung saan naglaro ng chess si Rizal at Manuel Luz. Kaya masasabi natin na sa bahay na ito maaaring nagkita rin si Rizal at Segunda. Nakapag-usap kaya sina Rizal at Segunda? Hindi ba akward ito kasi naroon ang fiancee ni Segunda na si Manuel Luz.

Gaya ng nasabi ko, 16 lang si Rizal noong nakilala nya si Segunda na mas bata sa kanya ng 2 taon. Sinasabi na nag ka crush si Rizal kay Segunda. Si Segunda naman ay tipo din si Rizal. Totoo marahil na ang namagitan lang sa dalawa ay puppy love kang at hindi seryosohan kasi mga bata pa sila noon.

Noong nakita ni Rizal si Segunda ay alam nya na naipagkasundo na itong ikasal kay Manuel Luz. Kaya’t hindi talaga pwedeng ituloy ni Rizal ang nararamdaman nya kay Segunda.

Si Segunda ay naipagkasundo na ikasal kay Manuel Luz dahil mula ito sa prominenteng pamilya at noong araw ay tradisyon na ikasal ang taga Batangas sa taga Batangas din. Masunurin din ang mga babae noong araw kayat hindi sumuway si Segunda sa kanyang mga magulang at pumayag siyang makasal kay Manuel Luz kahit may feelings sya kay Rizal.

Siguro ay nag ka crush si Rizal kay Segunda noong binigyan sya nito ng puting papel na rosas. Noong una ayaw pa ngang umamin ni Segunda na sya ang may gawa ng rosas na iyon. Sabi nya si Olimpia daw. Pero sa totoo ay siya naman talaga ang may gawa ng papel na rosas na ibinigay nya kay Rizal. Noong panahon talaga ng mga Kastila, ang mga babae ay mahiyain at reserved.

Sana ay muli kong mabisita ang Casa de Segunda. Mabuti na lang at na preserve ito para makita ng mga bagong henerasyon. Simple lang talaga ang buhay noon. Pero nakatutuwang balikan ang nakaraan at muling pag-aralan ang kasaysayan.

Posted in

Mag-iwan ng puna