Dito sa Canada, mahalaga ang tinatawag na SIN Number o Social Insurance Number. Ang numerong ito ay kailangan mo sa pag-open mo ng bank account at sa iba pang mga transaksiyon mo dito sa Canada.

Bago ka makakuha ng SIN number ay kailangan mo ng telephone number mo sa Canada at address mo sa Canada. Kailangan alam mo ang postal number ng iyong address sa Canada.

Sa madaling salita, bago ka makakuha ng SIN Number ay dapat mayroon ka ng telephone number at address sa Canada. Ito kasi ang hihinging impormasyon sa pag-apply mo ng SIN number.

Kaya bago kami nag-apply ng SIN number ay nag-apply muna kami ng cellphone sa Rogers. (Sa susunod kong blog, ay ikukwento ko ang karanasan ko sa pag-kuha o pag-apply ng cellphone dito sa Canada).

Pila ng mga tao na nag-aaply ng SIN number sa Canada

Noong nag-apply kami ng SIN number ay mahaba ang na ang pila sa may Scarborough Town Center (STC) sa Toronto, Ontario, Canada.

Noong una kaming pumunta upang mag-apply ng SIN dumating kami ng mga 8:30 ng umaga. Marami ng tao ang nakapila noong dumating kami. Ibat-ibang lahi ang ang makikita mong nakapila na nag-aaply sa pagkuha ng SIN number.

Ang oras ng bukas ng opisina ay 8:30 ng umaga pero ang cut-off ay alas-kwatro ng hapon. Habang nakapila kami ay umiikot na ang guard upang paalalahanan ang mga tao ng oras ng cut-off.

Paulit ulit na ipinaalala ng guard na eksakto 4pm ang cut-off. Ibig sabihin, kahit nakapila ka pa ay titigil na ang pag-process ng SIN. At ganuon nga ang nangyari. Kahit nasa loob na kami ng opisina at malapit na kami sa pila ay pinauwi na kami noong dumating na ang 4pm.

Naalala ko na sa atin sa Pilipinas, ay tatapusin ang mga taong nakapila lalo na kung nasa loob na ng opisina.

Bumalik kami kinabukasan. Ang ginawa namin ay mas maaga kaming umalis ng bahay. Dumating kami sa STC ng 6 ng umaga. Kaunti pa lang ang nakapila nang dumating kami. Pero noong nakapasok kami ay mag- aalasdose na ng tanghali. Marami na rin pa lang mga tao sa loob ng opisina.

Sampung tao lang ang pinapapasok para mag-process ng SIN number. Pagkapasok sa loob ng opisina ay pinaupo muna kami. Binigyan kami ng papel at may lapis na rin duon upang ma fill- up ang ilang information. Ito ang pangalan ng parents, telephone number at address sa Canada na may postal code.

Mabilis lang naman ang proseso. Sandali lang ay natawag na ako. Pumasok ako at duon ako tinanong sa cubicle. Binigyan din ako ng papel na nagsasabi ng tamang pag-gamit ng SIN number. Matapos mailagay sa computer ang information ko ay nakuha ko na agad ang aking SIN number.

Posted in

Mag-iwan ng puna