Dumating ako sa Canada noong August 18, 2022. Bago ako umalis sa Pilipinas, ang sabi ng mga nauna ng nakapunta sa Canada ay mura raw ang mga pagkain o mga bilihin dito sa Canada.

Noong dumating ako sa Canada ay nakapunta ako sa Walmart, No Frills Supermarket, Basic Foods Store, Seafood Island Supermarket at iba pa. Dito ay tiningnan ko ang mga presyo ng ibat-ibang mga produkto.

Mga example lang ito ng presyo ng mga bilihin dito sa Canada. Iniisip ko nga kung mura ba ito o mahal. Kasi kung iisipin ay nasa ‘times 43’ ang mga presyong ito base sa palitan ng Canadian Dollar at Philippine Peso sa panahong ito.

Kapag bagong dating ka sa Canada ay hindi mo minsan maiwasan ang “mag-times” ng mga bilihin. Lagi mong iniisip na para bang ang mahal ng mga bilihin. Kapag lagi mong kino-convert ang binibili mo sa pera natin sa Pilipinas ay parang ayaw mo ng bumili kasi “mahal”.

Yun nga ang sinasabi nila, huwag kang mag-convert para hindi ka mamahalan sa mga bilihin dito sa Canada. Pero yun ang unang na realize ko pagdating dito sa Canada. Dollar nga ang kikitain mo pero, dollar din ang gastos mo.

Sa Pilipinas kasi iniisip na kapag nasa Canada, US, o ibang bansa ka, basta nasa abroad ka, ay akala nila marami ka ng pera. Ang hindi nila alam, kapag nasa abroad ka ay halos ganun na rin ang gastos. Lalo na kapag bago ka sa ibang bansa sa abroad ay kailangan mo talagang magtipid kasi wala kang aasahan kundi ang sarili mo lang.

Ano ngayon ang sagot sa tanong kung mahal ba o mura ang mga bilihin sa Canada? Depende ang tamang sagot dyan. Depende sa kita mo at kung anong produkto ang iyong nais bilhin. Hindi rin talaga masasabi na mura ang mga bilihin dito sa Canada. May mga mahal din na ibang mga produkto.

Dahil sa mahal din ang ibang mga produkto dito sa Canada ay marami rin ang mga namimili tuwing “sales” o may “discounts”. Kagaya rin sa atin sa Pilipinas, gusto rin ng mga tao rito sa Canada ang makatipid.

Kahit nasaan ka, sa Canada man o sa Pilipinas, kailangan mo ang maging “budget conscious”. Wag basta bibili ng mga bagay lalo na kung hindi kailangan. Bilihin lang ang mga bagay na masasabi mong necessary lalo na kung nagsisimula ka pa lang dito sa Canada.

Posted in

Mag-iwan ng puna