August 18, 2022- ito ang petsa kung kelan ako unang nakatapak sa bansang Canada. Ngayon habang sinusulat ko ito ay nasa Canada ako. Ang petsa ay 20 August 2022. Ang oras ngayon ay 3:44 ng madaling araw. Sa madaling salita ay halos isang araw pa lang ako sa Canada.

Mahabang Kwento kung bakit ako pumunta dito sa bansang Canada. Maayos at maganda ang buhay ko sa Pilipinas. Abogado kasi ako dun at maayos ang aking trabaho. Mataas na rin ang sahod ko. Kaya kung tutuusin ay wala na talagang dahilan pa upang pumunta ako sa Canada o kahit saan mang bansa.

Siguro sa ngayon ay hindi na muna mahalagang alamin ang dahilan kung bakit ako pumunta rito sa bansang Canada. Ang gusto ko muna pong ipaalam sa inyo ay mag-aaral ako dito. At habang naninirahan at nag-aaral ako dito ay ibabahagi ko mga nakita at naobserbahan ko dito sa bansang Canada. Ikukwento ko rin ang mga nangyari sa akin dito kahit hindi nyo po ako lubusang kilala.

Ang intensyon ko po talaga sa pagsusulat rito ay magbigay ng kaalaman tungkol sa batas at buhay sa Pilipinas at dito na rin sa Canada. Matagal ko na pong gustong gawin ang pagsusulat. Masyado lang talagang busy ako noong nasa Pilipinas pa ako.

Ngayong narito na ako sa Canada at mag-aaral “lang” ako ay marahil magkaroon ako ng mas maraming oras sa pagsusulat. Hindi pa naman kasi nagsisimula ang klase ko. Kung sakali rin po naman na maging busy rin ako sa schedule ko ay pilit kong isisingit ang pagsusulat. Kahit paunti-unti ay pipilitin kong magsulat tungkol sa halos lahat ng bagay na nais ko pong maibahagi sa inyo.

Posted in

Mag-iwan ng puna