August 18, 2022 noong dumating ako sa Canada. Kaya bale halos apat na buwan na ako rito. International student (“IS”) ako rito at katatapos lang ng first semester sa college kung saan ako nag-aaral. May mga kaklase akong Pinoy. Ikwekwento ko lang ang ilan sa mga naging karanasan ko at pananaw tungkol sa pagpunta ko sa Canada bilang IS. Duon sa mga napla-plano na maging IS sa Canada (para kalaunan ay maging permanent resident o Canadian Citizen) ay magbibigay po ako ng opinyon tungkol sa bagay na ito. Ibabahagi ko rin ang ilan sa aking naging mga karanasan.

Tama ba ang desisyon na maging IS sa Canada? Mahirap sagutin ang tanong na ito. Walang tama at maling sagot sa tanong na ito kung tama bang maging IS sa Canada. Ito ay isang personal na desisyon na nararapat mong pag-isipan ng maraming beses. Isa kasi sa pathway upang maging permanent resident o maging citizen dito sa Canada ay ang maging international student.

Bago ako umalis sa Pilipinas ay ilang beses ko ring pinag-isipan kung tama ba na umalis ako sa Pilipinas. Maayos naman ang trabaho ko sa ating bansa. Sa madaling salita, ay masasabi kong okay naman ang buhay ko sa ating bansa. Nami- miss ko nga ngayon ang night life at masasarap na pagkain sa Pilipinas. Nami-miss ko rin ang mag-bike tuwing may oras ako. Kaya ilang beses ko ring pinag-isipan kung tama ba na pumunta ako rito sa Canada para mag-aral o maging isang IS.

Pero naisip ko na hindi mo malalaman kung tama ba o mali na umalis sa Pilipinas kung hindi mo susubukan. Malaking risk ang iwanan ang buhay na meron ka sa Pilipinas at makipagsapalaran sa ibang bansa. Gayunpaman, higit na malaking risk sa buhay ang hindi ka mag take ng risk! Kaya noong nabigyan ako ng pagkakataon na maging IS sa Canada ay naisipan ko ang mag-take ng risk.

Ngayon na narito na ako sa Canada ay ikukwento ko ang mga naobserbahan ko rito at ilan sa mga karanasan ko upang mag-bigay ng ideya sa mga nagbabalak rin na mag-risk at pumunta rito sa Canada. Hanggat maari ay nais kong maging anonymous upang maging non-personal o objective ang mga ibabahagi ko sa inyo.

Madali ba ang maging IS sa Canada? Magastos at maraming kailangang ayusing mga papeleles para mabigyan ka ng visa bilang isang international student sa Canada. Kapag nabigyan ka ng visa ay mahal ang tuition rito kumpara sa mga domestic students. Halos triple ang laki ng tuition ng mga IS kumpara sa mga permanent residents o Canadian Citizens.

Madali ba mag-aral sa Canada? Depende sa course. Pag-dating mo sa Canada dapat mag-aral ka ng mabuti. Sa karanasan ko ay magagaling at fair ang mga teachers dito sa Canada. Kapag binigyan ka ng grade ay malalaman mo talaga bakit ganun ang natanggap mong grade. Mababasa mo kasi sa course shell mo bakit ganun ang natanggap mong grade. Kaya alam mo kung saang area ng subject ka magaling at kung saan ka pwedeng mag-improve. Talagang ipinaliliwanag ng mga professors ang kanilang itinuturo kaya marami ka talagang matututunan.

Madali rin ang sumakay papunta ng school. Ito ang isa sa mga nagustuhan ko dito sa Canada particularly sa lugar ko sa may Scarborough, Toronto sa Ontario. Maayos ang kanilang transportation system. Hindi masyadong siksikan sa mga bus at train kumpara sa Pilipinas. Karaniwang gamit sa pagsakay ng bus at train dito sa Canada ay ang presto card.

Kapag IS ka rito sa Canada ay may discount ka sa pamasahe sa bus at train. Mayroong tinatawag na “monthly pass” ang mga estudyante kung saan “unli” ang pagsakay sa bus at train sa loob ng isang buwan. Kaya kung may oras ka ay maari kang mamasyal sa maraming lugar dito sa Canada. Marami ring magagandang parks na maaari mong puntahan gaya ng Valley Land Trail at Morningside Park.

Marami akong nais ikwento sa mga karanasan ko bilang IS dito sa Canada. Kung mayroon kang tanong o gustong malaman, pwede kang sumulat sa comment section. Hanggang dito na lang muna. Itutuloy ko sa mga susunod na blog ang tungkol sa iba ko pang karanasan bilang isang IS dito sa Canada.

Posted in

Mag-iwan ng puna