Tuwing may pagkakataon ay naglalakad ako dito sa neighborhood sa Canada. Ginagawa ko ang paglalakad para na rin mag-exercise at mabawasan ang stress. Dito sa neighborhood sa Toronto, Ontario ay maganda ang maglakad. Mayroon mga walkways na pwede kang maglakad at ikutin ang buong neighborhood.
Tuwing naglalakad nga ako natutuwa ako sa mga nakikita ko. Mayroon akong nakitang Squirrels, Raccoons, Rabbits, Fox at Coyote. Alam mo ba ang kaibahan ng Fox at Coyote? Ang Fox ay mas maliit kumpara sa Coyote. Parehas silang mukhang mga aso. Species sila ng wild dogs.
Ito ang isang maganda sa Canada. Malinis ang hangin at malamig. Maayos din ang daan at hindi mausok. Hindi rin masyadong matrapik at maayos mag-commute. Sa simpleng paglalakad ko sa Canada, masasabi ko na kahit paano ay worth it na ang pumunta sa Canada.
Lilinawin ko lang na tuwing sinasabi ko ay sa “Canada” ibig kong sabihin ay dito lang sa area ng Toronto, Ontario or sa mga lugar lang na narating ko at hindi sa buong Canada. Malaki kasi masyado ang Canada. 33 times na mas malaki ang Canada sa Pilipinas! Ibig ko pong sabihin ay may mga lugar din dito sa Canada na hindi maayos o kagandahan. Wala namang perpektong lugar.
Ang tanong lang, worth it ba ang risk at gastos na pumunta o mag – migrate dito sa Canada? Hindi lang naman ang malinis na kapaligiran, sariwang hangin, opportunities at good healthcare system ang maaring maging dahilan para masabing sulit ang pagpunta sa Canada. Maraming factors ang dapat isa alang-alang .
International Student ako ngayon dito sa Canada. Habang nag-aaral ako ay marami akong masasabing mga dahilan kung bakit okay ang mag-aral dito sa Canada. Totoo. Magastos ang maging isang International Student. Mahal ang tuition at mataas din ang renta ng mga bahay dito sa Canada.
Noong una akong nag-groceri dito sa Canada, sa “No Frills”, ay pakiramdam ko mahal ang bilihin. Namahalan ako kasi nag-ko convert pa ako from Philippine Peso to Dollar. Noong bagong dating ako sa Canada ay hindi ko maiwasan ang mag-convert. Dito ko rin napagtanto na halos wala ng value ang pera natin kumpara sa Canadian dollar. Kaya kapag dumating ka sa Canada ay talagang maninibago ka.
Mahirap mag-adjust kapag dumating ka sa Canada. Marami kang pagsubok na pagdaraanan lalo na kapag winter. Noong una exciting pa ang snow. Pero kapag ilang beses mo na itong nararanasan ay nagiging ordinaryo na lang. May mga pagkakataon din na nagkakaroon ng tinatawag na Snowstorm. Kapag may Snowstorm ay mataas ang snow sa daan at sobrang lamig.
Kapag dumating ka sa Canada ay “back to zero” ka. Balik sa simula! Para kang bumalik sa pinakababa ng hagdan. Ang isa sa pinakamahirap gawin ay ang magsimula at tapusin ang iyong nasimulan. Dapat handa kang ituloy ang iyong nasimulan. Laban lang! Kapag napagod ka, pahinga lang! Tapos laban uli. Wag kang susuko.
Kahit mahirap ang magsimula dito sa Canada ay masasabi kong “worth it” ang pag-punta dito. Kahit sabihin nating hindi lahat ng sumusubok pumunta dito sa Canada bilang International Student, trabahador or immigrant ay hindi nagiging matagumpay, kung may chance ka why not take the risk?
Maikli lang ang buhay at malawak ang mundo! Imposibleng mabago mo ang sistemang ginagalawan mo sa Pilipinas pero kayang kaya mong baguhin ang sistema ng buhay mo. Isa pa, kung hindi ka naman maging successful sa Canada pwedeng pwede ka naman bumalik sa Pilipinas. At least, you tried. Wala kang “what if” sa buhay.
Gayunpaman, bago magdesisyong pumunta rito sa Canada (bukod sa tourist visa) ay pag-isipan mo ng ilang beses. Kapag decided ka na, paghandaan mo ng maigi. Inuulit ko, hindi madali magsimula dito sa Canada. But, staying in your comfort zone will not improve your life for the better.
Mag-iwan ng puna