Pangarap mo rin bang nag-migrate sa Canada? Gusto mo rin bang maging isang International Student? Ikaw ba ay kasalukuyang nag-iisip kung magma-migrate o mag-aaral ka sa Canada o hindi?

Mai- share ko lang, noong March 21, 2024 ay natapos ko na ang lahat ng requirements sa 2 year course ko dito sa Canada. Ito na ang last na pag-lalakad ko papuntang school para umatend ng klase. Pumunta ako sa school ngayong araw na ito kasi kailangan namin mag-submit ng isang group project. Kaya kahit mayroong snow ng araw na ito ay magaan ang pakiramdam ko. Sa wakas, natapos ko na rin ang 2 year course ko. Tatapusin ko na lang ang “placement” sa Etobicoke at graduate na ako.

Ang bilis lang talaga ng panahon. Parang kailan noong dumating ako dito sa Canada noong August 2022. Ngayon tapos na ang dalawang taon.

Naalala ko pa nuong nagdedesisyon ako kung pupunta ako sa Canada at iiwanan ko ang maayos kong trabaho sa Pilipinas para maging isang International Student. Makalipas ang dalawang taon dito sa Canada, masasabi ko bang tama ang naging desisyon ko?

Sa dalawang taon ko dito sa Canada ay masasabi kong totoo na hindi madaling magsimulang muli sa simula. Totoo ang sinasabi nila na kapag dumating ka sa Canada ay “back to zero” ka. Babalik ka sa unang hakbang. Babalik ka talaga sa simula.

Ngayon nga ay kasalukuyan kong tinatapos ang placement. Isa ito sa mga requirements para tuluyang maka-graduate sa Canada. Ito na ang huling requirement upang makamit ko na ang aking Canadian diploma. Kapag may diploma na ako, kasunod naman nito ay ang pag-hahanap ng trabaho.

Tuwing umaga ay pumupunta ako sa Etobicoke para sa aking placement. Minsan ay maaraw. Pero kahit maaraw dito sa Canada ay malamig pa rin ang hangin. Ang okay lang talaga ay walang gaanong trapik. Kaya kahit malayo ang tinitirhan ko ay maaga pa rin akong nakakarating sa Etobicoke.

Para makarating ako sa Etobicoke ay sumasakay ako ng bus papuntang Kennedy Station. Dito sa Kennedy Station ay madalas akong makakita ng mga Kalapati or Pigeons. Common nang makakita ng mga Kalapati sa mga subway stations. Kapag masyadong malamig ang panahon, ang mga Kalapati ay namamalagi lang sa loob ng mga subway station. May mga notices na nagsasabing bawal pakainin ang mga Kalapati.

Ang isa sa mga napansin ko rito sa Canada ay ang pagpapahalaga nila sa mga hayop at sa kalikasan. Tuwing nakikita ko ang ilog sa Morningside Park ay naalala ko ang Pasig River. Sana ay maprotektahan din ang mga ilog sa atin sa Pilipinas.

Kapag natapos ko ang placement ko sa Etobicoke ay mag-hahanap ako ng trabaho. Sana ay makahanap ako ng trabaho na naaayon sa course na tinapos ko.

Okay, hanggang dito na lang muna ang kwento ko. Maraming salamat sa pagbasa. Kung may tanong ka o gustong sabihin ay mag-comment ka lang.

Posted in

Mag-iwan ng puna