Isa ka rin ba sa mga dumaraming Pinoy na gusto ring mag-migrate sa Canada? Ibat-iba ang dahilan ng mga kababayan natin kung bakit ninais nilang manirahan sa Canada. Marami ang naghahanap ng mas magandang buhay o higit na maayos na kinabukasan. Marami rin ang gustong mag-migrate sa Canada dahil sa magandang healthcare system. Yung iba naman ay naghahanap ng mas magandang trabaho. Mataas din ang standard ng education sa Canada.
Maraming pag-kakaiba ang Pilipinas at Canada. Sabi nga nila, hindi tamang ikumpara ang dalawang bansa. Ang Canada ay isang “first world country”. Samantalang ang Pilipinas naman ay isang “third world country”. Ano ba ang kaibahan ng isang third world country sa first world country? Marahil ay anng sagot sa tanong na ito ay maisasalarawan sa pag-daan ng train. Sa Pilipinas ganito ang eksena sa pag-daan ng train. Sa Canada, ay ito ang napansin ko sa tuwing dumaraan ang train. Dito pa lang ay makikita na ninyo ang pag-kakaiba ng dalawang bansa.
Sa pagdaan pa lang ng train ay makikita mo na rin ang dahilan kung bakit maraming pinoy ang nais manirahan sa Canada. Sa paglalakbay sa buhay, gaya sa pag-daan ng train, ay malaki ang pag-kakaiba ng Canada at Pilipinas. Sa tingin ng marami ay mabibigyan ka ng mas maraming oportunidad sa buhay kung sasakay ka sa train sa Canada.
Noong dumating ako dito sa Canada noong August 2022, ang una kong napansin any hindi gaanong matrapik at mausok sa daan. Makikita na maluwag ang mga kalye dito sa Toronto, Canada kagaya dito sa Ellsemere sa Morningside Avenue. Kahit summer ay hindi masyadong mainit ang panahon kumpara sa Pilipinas. Ang isa pa sa mga nagustuhan ko dito sa Canada ay hindi gaanong siksikan sa pagsakay ng bus at subway. Mas madali kang makakarating sa nais mong puntahan.
Yung maginhawang pagbyahe na walang mahabang pila, hindi siksikan, maluwag at hindi mausok na daan ang ilan sa mga dahilan kung bakit maraming Pinoy ang gustong manirahan sa Canada. Simple lang ang dahilan na ito. Pero para sa akin, isa ito sa importanteng dahilan kung bakit maraming Pinoy ang gustong mag-migrate sa Canada. Kahit mayaman ka sa Pilipinas at mayroong magarang sasakyan ay hindi ka pa rin exempted sa malalang trapik sa kalsada.
Sa Pilipinas ay naranasan ko ang halos anim na oras sa kalsada dahil lang sa trapik. Dito sa Canada, sa halos dalawang taon ng paglagi ko dito ay hindi ko pa naranasan ang sobrang trapik. Minsan may aberya sa subway at kailangan kang lumipat ng bus o kaya naman ay may nasirang sasakyan sa daan. Pero, hindi ganun kalala kumpara sa naranasan ko sa ating bansa.
Mahirap o imposible mong baguhin ang sistema ng isang lugar, pero kayang-kaya mong baguhin ang sistema ng iyong buhay. Ibig sabihin, hindi mo kayang baguhin ang sistema gaya na lang ng trapik sa Pilipinas pero kayang-kaya mong pumunta sa ibang bansa para maiwasan mo ang bigat ng trapik. Kung masyadong ka ng apektado ng trapik sa ating bansa, isang magandang option ay mag-migrate para iwasan ang trapik. Mag-migrate ka sa ibang bansa tulad ng Canada kung saan walang gaanong trapik.
Tama po. Minsan mayroong mga pagkakataon kung saan makakaranas ka pa rin ng trapik dito sa Canada. Gaya nga ng nasabi ko, kapag mayroong disgrasya o nasirang sasakyan sa kalsada o kaya naman ay mayroong inaayos sa daan. Tuwing rush hour ay nagkakaroon din ng trapik pero hindi kasing sikap tulad ng naranasan ko sa Pilipinas. Kapag araw ng linggo o holidays ay kapansin-pansin talaga ang luwag ng kalsada kahit malapit sa City Hall ng Toronto. Sa madaling salita, maaayos ang trasportation system dito sa Canada.
Bukod sa universal health care system, isa sa mga dahilan kung bakit maraming mga kababayan natin ang gustong mag-migrate sa Canada ay dahil sa magandang transportation system nila. Kapag maayos kasi ang transportation system hindi masasayang ang oras mo sa daan. Marami kang mapupuntahan at magagawa. Maraming lugar kang mararating.
Mag-iwan ng puna