• August 18, 2022- ito ang petsa kung kelan ako unang nakatapak sa bansang Canada. Ngayon habang sinusulat ko ito ay nasa Canada ako. Ang petsa ay 20 August 2022. Ang oras ngayon ay 3:44 ng madaling araw. Sa madaling salita ay halos isang araw pa lang ako sa Canada.

    Mahabang Kwento kung bakit ako pumunta dito sa bansang Canada. Maayos at maganda ang buhay ko sa Pilipinas. Abogado kasi ako dun at maayos ang aking trabaho. Mataas na rin ang sahod ko. Kaya kung tutuusin ay wala na talagang dahilan pa upang pumunta ako sa Canada o kahit saan mang bansa.

    Siguro sa ngayon ay hindi na muna mahalagang alamin ang dahilan kung bakit ako pumunta rito sa bansang Canada. Ang gusto ko muna pong ipaalam sa inyo ay mag-aaral ako dito. At habang naninirahan at nag-aaral ako dito ay ibabahagi ko mga nakita at naobserbahan ko dito sa bansang Canada. Ikukwento ko rin ang mga nangyari sa akin dito kahit hindi nyo po ako lubusang kilala.

    Ang intensyon ko po talaga sa pagsusulat rito ay magbigay ng kaalaman tungkol sa batas at buhay sa Pilipinas at dito na rin sa Canada. Matagal ko na pong gustong gawin ang pagsusulat. Masyado lang talagang busy ako noong nasa Pilipinas pa ako.

    Ngayong narito na ako sa Canada at mag-aaral “lang” ako ay marahil magkaroon ako ng mas maraming oras sa pagsusulat. Hindi pa naman kasi nagsisimula ang klase ko. Kung sakali rin po naman na maging busy rin ako sa schedule ko ay pilit kong isisingit ang pagsusulat. Kahit paunti-unti ay pipilitin kong magsulat tungkol sa halos lahat ng bagay na nais ko pong maibahagi sa inyo.

  • Dumating ako sa Canada noong August 18, 2022. Bago ako umalis sa Pilipinas, ang sabi ng mga nauna ng nakapunta sa Canada ay mura raw ang mga pagkain o mga bilihin dito sa Canada.

    Noong dumating ako sa Canada ay nakapunta ako sa Walmart, No Frills Supermarket, Basic Foods Store, Seafood Island Supermarket at iba pa. Dito ay tiningnan ko ang mga presyo ng ibat-ibang mga produkto.

    Mga example lang ito ng presyo ng mga bilihin dito sa Canada. Iniisip ko nga kung mura ba ito o mahal. Kasi kung iisipin ay nasa ‘times 43’ ang mga presyong ito base sa palitan ng Canadian Dollar at Philippine Peso sa panahong ito.

    Kapag bagong dating ka sa Canada ay hindi mo minsan maiwasan ang “mag-times” ng mga bilihin. Lagi mong iniisip na para bang ang mahal ng mga bilihin. Kapag lagi mong kino-convert ang binibili mo sa pera natin sa Pilipinas ay parang ayaw mo ng bumili kasi “mahal”.

    Yun nga ang sinasabi nila, huwag kang mag-convert para hindi ka mamahalan sa mga bilihin dito sa Canada. Pero yun ang unang na realize ko pagdating dito sa Canada. Dollar nga ang kikitain mo pero, dollar din ang gastos mo.

    Sa Pilipinas kasi iniisip na kapag nasa Canada, US, o ibang bansa ka, basta nasa abroad ka, ay akala nila marami ka ng pera. Ang hindi nila alam, kapag nasa abroad ka ay halos ganun na rin ang gastos. Lalo na kapag bago ka sa ibang bansa sa abroad ay kailangan mo talagang magtipid kasi wala kang aasahan kundi ang sarili mo lang.

    Ano ngayon ang sagot sa tanong kung mahal ba o mura ang mga bilihin sa Canada? Depende ang tamang sagot dyan. Depende sa kita mo at kung anong produkto ang iyong nais bilhin. Hindi rin talaga masasabi na mura ang mga bilihin dito sa Canada. May mga mahal din na ibang mga produkto.

    Dahil sa mahal din ang ibang mga produkto dito sa Canada ay marami rin ang mga namimili tuwing “sales” o may “discounts”. Kagaya rin sa atin sa Pilipinas, gusto rin ng mga tao rito sa Canada ang makatipid.

    Kahit nasaan ka, sa Canada man o sa Pilipinas, kailangan mo ang maging “budget conscious”. Wag basta bibili ng mga bagay lalo na kung hindi kailangan. Bilihin lang ang mga bagay na masasabi mong necessary lalo na kung nagsisimula ka pa lang dito sa Canada.

  • Noong dumating ako dito sa Canada naka “lock” pa rin ang cellphone ko dyan sa atin sa Pilipinas. Ibig sabihin hindi ko magagamit ang cellphone ko na dala ko dito sa Canada. Dahil naka-lock ang cellphone ko sa Pilipinas ay hindi ko magagamit ang “sim only plan” na kinuha ko dito sa Canada.

    Kaya sa mga pupunta rito sa Canada, dapat ay siguraduhin ninyong naka- “open line” o “unlocked” ang cellphone nyo upang magamit nyo ang kukunin ninyong bagong “sim” dito sa Canada.

    Mahalaga ang cellphone dito sa Canada at ang pagkakaroon ng “telephone number” mo ay magagamit mo sa pag-kuha ng Social Insurance Number (SIN). Ang cellphone din na may sapat na data ay magagamit mo sa pagtravel o sa pagsakay mo sa mga bus gamit ang mga apps gaya ng “google maps” at iba pa.

    Madali bang kumuha o magkaroon ng cellphone dito sa Canada? Para sa isang international student, madali lang basta dala mo ang iyong passport at letter of acceptance (LOA) sa school. Mayroon kasi silang tinatawag na “student promo” noong nag-inquire kami sa Rogers. Ang Rogers kasi ang katapat ng Globe o Smart dito sa Canada.

    Sa student promo, makakakuha ka ng latest na Iphone o Samsung sa murang halaga. Bukod sa Rogers, mayroon rin ibang telecom companies rito kagaya ng Bell at Telus na nag-oofer din ng cellphone ibat-ibang cellphone plans.

    Noong nag-inquire ako sa Rogers ay mabait ang staff na nakausap ko. Ibang lahi sila. Wala akong napansin na Pilipino. Dito nga sa Canada ay napansin kong marami na talaga ang mga Indian Nationals. Karamihan naman ay mababait silang kausap.

    Hindi madali magpa -openline ng cellphone dito sa Canada. Kaya uulitin ko po ang advise sa mga pupunta rito sa Canada na dapat ay naka-openline na ang phone mo. Ito ay para kung mag-decide kang kumuha ng “sim only plan” ay madali mong magagamit ang cellphone na dala mo galing Pilipinas.

    Kapag bagong dating ka sa Canada, dapat kasi ay maging masinop at matipid ka. Kahit madali lang kumuha ng mga “cellphone plans” na may kasamang latest phone kagaya ng Iphone o Samsung ay mas okay pa rin ang maging matipid.

    Gaya sa atin sa Pilipinas, mas mura pa rin ang “sim only plans”. Kaya sa unang lapag mo rito sa Canada at habang hindi ka pa nakakahanap ng trabaho, mas matipid pa rin kung magagamit mo ang dati mong cellphone na dala mo sa Pilipinas. Saka ka na lang mag-upgrade kung meron ka ng magandang trabaho.

    Pag-lapag mo rito sa Canada ay hindi naman “instant” na may trabaho ka khit meron kang open work permit o ikaw ay international student. Kahit marami nga ang trabaho rito (kung hindi ka mapili) ay daraan pa rin sa proseso ang iyong application.

    Kaya huwag pa ring kalimutan ang ang magtipid. Isiping mabuti kung dapat bang kumuha agad ng latest na Iphone o Samsung. Kung magagamit pa naman ang dati mong cellphone sa Pilipinas mas mura pa rin ang “sim-only plans” dito sa Canada.