• Uso din ang pag-gamit ng Bisekleta dito sa Toronto Canada. Sa Downtown (ito yung lugar sa Toronto na maikukumpara mo sa Bonifacio Global City o BGC sa atin) ay marami kang makikitang nag-bibisekleta.

    Masasabi ko nga na-ini encourage ang biking dito sa Toronto, Canada. Kahit ang mga bus rito ay may lagayan ng bisikleta sa harap. Meron rin sign akong nakita sa isang bus stop dito sa Toronto na nag-papaalala na gumamit na lang ng bisekleta para sa climate change.

    Mayroon ding mga bisekleta na pwede mong arkilahin. Marami rin akong nakitang mga bike racks sa mga establishments dito sa Toronto area sa Canada.

    Bicycles For Rent

    Maganda at maluwag ang daan dito sa Canada. Malamig ang hangin. Pero mainit din kapag Summer.

    Kapag dumating ang winter ay ikukewento ko naman ang karanasan at mga na-obserbahan ko tungkol sa pagbibisekleta dito sa lugar ng Toronto, Canada.

  • Dito sa Canada, mahalaga ang tinatawag na SIN Number o Social Insurance Number. Ang numerong ito ay kailangan mo sa pag-open mo ng bank account at sa iba pang mga transaksiyon mo dito sa Canada.

    Bago ka makakuha ng SIN number ay kailangan mo ng telephone number mo sa Canada at address mo sa Canada. Kailangan alam mo ang postal number ng iyong address sa Canada.

    Sa madaling salita, bago ka makakuha ng SIN Number ay dapat mayroon ka ng telephone number at address sa Canada. Ito kasi ang hihinging impormasyon sa pag-apply mo ng SIN number.

    Kaya bago kami nag-apply ng SIN number ay nag-apply muna kami ng cellphone sa Rogers. (Sa susunod kong blog, ay ikukwento ko ang karanasan ko sa pag-kuha o pag-apply ng cellphone dito sa Canada).

    Pila ng mga tao na nag-aaply ng SIN number sa Canada

    Noong nag-apply kami ng SIN number ay mahaba ang na ang pila sa may Scarborough Town Center (STC) sa Toronto, Ontario, Canada.

    Noong una kaming pumunta upang mag-apply ng SIN dumating kami ng mga 8:30 ng umaga. Marami ng tao ang nakapila noong dumating kami. Ibat-ibang lahi ang ang makikita mong nakapila na nag-aaply sa pagkuha ng SIN number.

    Ang oras ng bukas ng opisina ay 8:30 ng umaga pero ang cut-off ay alas-kwatro ng hapon. Habang nakapila kami ay umiikot na ang guard upang paalalahanan ang mga tao ng oras ng cut-off.

    Paulit ulit na ipinaalala ng guard na eksakto 4pm ang cut-off. Ibig sabihin, kahit nakapila ka pa ay titigil na ang pag-process ng SIN. At ganuon nga ang nangyari. Kahit nasa loob na kami ng opisina at malapit na kami sa pila ay pinauwi na kami noong dumating na ang 4pm.

    Naalala ko na sa atin sa Pilipinas, ay tatapusin ang mga taong nakapila lalo na kung nasa loob na ng opisina.

    Bumalik kami kinabukasan. Ang ginawa namin ay mas maaga kaming umalis ng bahay. Dumating kami sa STC ng 6 ng umaga. Kaunti pa lang ang nakapila nang dumating kami. Pero noong nakapasok kami ay mag- aalasdose na ng tanghali. Marami na rin pa lang mga tao sa loob ng opisina.

    Sampung tao lang ang pinapapasok para mag-process ng SIN number. Pagkapasok sa loob ng opisina ay pinaupo muna kami. Binigyan kami ng papel at may lapis na rin duon upang ma fill- up ang ilang information. Ito ang pangalan ng parents, telephone number at address sa Canada na may postal code.

    Mabilis lang naman ang proseso. Sandali lang ay natawag na ako. Pumasok ako at duon ako tinanong sa cubicle. Binigyan din ako ng papel na nagsasabi ng tamang pag-gamit ng SIN number. Matapos mailagay sa computer ang information ko ay nakuha ko na agad ang aking SIN number.

  • Naobserbahan ko dito sa Canada na kapag sumasakay ng bus, ang karaniwang gamit ay ang “Presto Card”. Pero pwede ring magbayad gamit ang barya.

    Ano ba itong “Presto Card”? Ang card na ito ay sina-swipe bago ka pumasok sa bus. Nilalagyan ito ng load malapit sa may istasyon ng bus. Dahil card ang gamit ng karamihan ng mga sumasakay sa bus ay mas madali ang proseso ng pagsakay sa bus.

    Ang mga kiosks na ito ay makikita sa may Scarborough Town Center (STC). Sa may terminal ng bus. Dito ay maari kang bumili ng Presto Card, lagyan ng load ang iyong card o alamin ang balance ng iyong card.

    Ang bus fare ngayon dito sa may Ontario, Canada ay 3.25 CAD. Ang maganda sa pagsakay ng bus rito ay may tinatawag na “free transfer”. Ibig sabihin mula sa una mong pagsakay sa bus ay libre sa loob ng dalawang oras. Hindi mababawasan ang laman ng card mo kahit mag palit-palit ka ng bus sa loob ng dalawang oras.

    Gusto ko ring banggitin na hindi masyadong siksikan ang mga bus dito sa Ontario, Canada. Minsan ay maraming tao sa ilang bus stops. Pero, hindi sya kasing dami ng mga tao o siksikan kumpara dyan sa atin sa Pilipinas.

    Yung mga Persons With Disabilities o (PWD) ay accessible para sa kanila ang sumakay ng bus. Nag “lo lower” ang mga bus dito upang bigyang daan ang mga PWD. Marami nga akong nakita na matatanda rito sa Canada na naka-walker. Yung “walker” ay para itong may gulong na itinutulak ng mga matatanda para tulungan silang tumayo at makalakad.

    Sa loob ng bus ay may tinatawag na “priority seating” kung saan ay naka reserve ang mga upuan para sa mga bata o sa nga PWD. Kapag may dumating na matanda, PWD o nanay na may dalang mga bata dapat ay pagbigyan sila sa nga upuan. Kailangan mong lumipat sa likod.

    Masasabi kong maayos at efficient ang pagsakay ng bus dito sa Toronto, Canada area. May sistema at malinaw na proseso sa pagsakay ng bus. Ang kailangan lang ay alam mo kung saan ka bababa o ang iyong destinasyon.

    Dapat din ay lagi kang may dalang cellphone para ma track mo via google map apps ang destinasyon mo, numero ng bus na dapat mong sakyan at ang oras ng dating bus.