• Ang Ateneo kung saan nag-aral si Rizal ay matatagpuan sa loob ng Intramuros. Nangupahan si Rizal sa isang bahay sa may Caraballo Street na kapag nilakad ay may 25 to 30 minutes ang layo. Ang paupahang bahay na ito ay pag-aari ng isang nag-ngangalang Titay na may utang sa pamilya ni Rizal ng P300.00. Kaya dahil may utang si Titay ay pumayag itong duon manirahan si Rizal sa kanyang Boarding House.

    Napuntahan ko sa loob ng Intramuros ang Ateneo ni Rizal. Wala na duon ang dating Ateneo. Ang naroon na lang ay ang marker na nagsasabi kung saan dating nakatayo ang Ateneo. Noong nanduon ako ay sandali kong inisip kung ano ang itsura ng lugar na ito noong nag-aaral pa si Rizal. Minsan nakakatuwa ring isipin na sa mga kalye at lugar malapit sa kinatatayuan ng Ateneo ay nag-lakad duon si Rizal kasama ang kaniyang mga kaklase.

    Sabi ng kasaysayan, noong December 30, 1896, noong naglakad si Rizal mula Fort Santiago papuntang Luneta (Bagumbayan noon) ay nakita niya ang Ateneo. Nagtanong si Rizal kung yun nga ang Ateneo at sinabi nya na maraming masasayang araw ang kaniyang inilagi sa paaralang ito.

    Noong huling araw ni Rizal mula Fort Santiago ay dumaan sila sa Fort Bonifacio Drive (dating Paseo Maria Cristina) kung saan nakita rin nya ang madilim pang Manila Bay at ang Intramuros. Naglakad si Rizal sa gitna ng dalawang Paring Jesuits na sina Padre Estanislao March at Padre Jose Villaclara. Sa likod ni Rizal ay si Lieutenant Luis Taviel de Andrade na naging abogado nya. Kulay itim ang tema ng kanilang mga kasuotan ng malungkot na araw na iyon.

    Si Rizal ang pinakatanyag na estudyante ng Ateneo. Noong nag-graduate si Rizal dito ay nakuha niya ang pinakamataas na grade. Alam natin na noong nag-aral si Rizal sa Ateneo ay naging tanyag siya bilang isang mag-aaral. Ipinakita nya na ang isang Pilipino ay hindi inferior sa mga Kastila.

    Pero muntik ng hindi sa Ateneo nag-aral si Rizal. Kasama ni Rizal ang kapatid niyang si Paciano, ay unang nag-entrance exam si Rizal sa Letran at naipasa nya ito. Mabuti na lang at nagbago ang desisyon ng tatay ni Rizal na sa Ateneo sya pag-aralin keysa sa Letran. Pero ano kaya ang dahilan bakit nagbago ang isipan ng tatay ni Rizal na sa Ateneo na lang siya pag-aralin? Dito rin sa Ateneo unang ginamit niya ang apelyidong “Rizal” at hindi ang “Mercado” upang makaiwas sa suspetsa ng mga Kastila.

    Tuwing nagba-bike ako sa Intramuros ay lagi kong nadaraanan ang mga eskwelahan dito gaya ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila, Mapua, Lyceum at Letran. Minsan iniisip ko kung ano ang itsura ng Intramuros noong panahon ni Rizal noong nandito pa ang Ateneo at UST. Makasaysayan talaga ang Intramuros. Sana higit na bigyang pansin ng gobyerno ang Intramuros.

    Si Rizal ay nag-aral sa Ateneo mula June 10, 1872 hanggang March 23, 1877. Nagtapos sya ng Bachelor of Arts na may highest honors. Ang Bachelor of Arts noong panahon ni Rizal ay katumbas ng High School Diploma ngayon. Si Rizal ay isa (1) sa siyam (9) na estudyante na may grade na “sobresaliente” sa graduating class nila na doseng (12) estudyante. Ganito lang kaunti ang estudyante noong panahon ni Rizal sa Ateneo.

    Noong first year ni Rizal sa Ateneo (1872-73) ay kumuha sya ng extra classes sa Santa Isabel College. Noong nag- aral si Rizal sa UST (1877-1882) ay kumuha siya ng surveying course sa Ateneo at patuloy pa ring sumali sa mga extra-curricular activities dito. Kaya’t sinasabi na kahit nasa UST na si Rizal ay mas malapit pa rin siya sa Ateneo.

    Noong nasa Ateneo si Rizal ay na love at first sight siya kay Segunda Katigbak ng Lipa, Batangas. Si Segunda ay malapit na kaibigan ng kapatid ni Rizal na si Olimpia. Dahil si Segunda ay engaged na kay Manuel Luz ay hindi sila nagkatuluyan ni Rizal. Sa Ancestral House ni Segunda Katigbak sa Batangas ay naroon pa ang ilang alaala ni Rizal. Naroon pa nga rin ang chessboard kung saan daw nag-laro ng chess si Rizal.

    Marami tayong pag-uusapan tungkol sa naging buhay ni Rizal sa Ateneo. Kung mayroon kayong nais sabihin tungkol dito ay mag- comment lang po kayo.

  • Sa Fort Santiago ay maraming bagay ang mag-papaalala sa iyo sa buhay ni Jose Rizal. At upang hindi natin makalimutan ang kadakilaan n’ya ay isinabatas ang Rizal Law. Ito ang Republic Act No. 1425 na nilagdaan noong June 12, 1956. Itinatakda ng batas na ito ang pagtuturo ng mga kursyo tungkol sa ating Pambansang Bayani na si Jose Rizal. Ang batas na ito ang dahilan kung bakit itinuturo sa mga paaralan ang mga libro ni Rizal na Noli Me Tangere at ang El Filibusterismo.

    Dahil sa RA 1425 ay maaari nating sabihin na lahat ng estudyante sa Pilipinas ay nabasa ang mga librong ito ni Rizal. Naaalala mo pa ba ang kwento ng mga librong ito? Kung ikaw ay papipiliin, alin ang mas magandang libro pa sa iyo – ang Noli o ang Fili? Masasabi ko na kahit requirement ang Noli at Fili ay nag-enjoy ako sa pagbabasa nito. Nabasa ko ang tagalog at english na bersyon ng mga nobelang ito.

    Pero kung hindi dahil kay Senador Claro M. Recto ay hindi magiging isang batas ang RA 1425. Ayaw kasi ng Simbahang Katoliko ang gusto ni Recto na gawing sapilitan ang pagbabasa ng mga librong ito ni Rizal. Labag daw ito sa kalayaang pangrelihiyon. Upang mapigilan ang batas na ito ay ginawa ng Simbahang Katoliko ang lahat ng aksyon para lang huwag matuloy ang RA 1425 gaya ng sabihan nito ang mga tagasunod nila na sumulat sa mga Senador at Congressman par -ioppose si Recto. Isa sa mga dahilan kung bakit ayaw ng Simbahang Katoliko noon ang panukala ni Recto ay dahil daw ang mga sinulat ni Rizal na librong ay umaatake sa mga turo at paniniwala ng simbahan.

    Naging kontrobersyal ang panukalang ito ni Recto at iba-ibang mga opinyon at pananaw ang lumabas ukol dito. May nagsasabi na okay lang na gawing kompulsaryo ang pagbabasa ng Noli at Fili sa mga paaralan bilang pag-alala na rin sa kadakilaan ni Rizal. Ngunit, may iba namang nagsasabi na ang ang sapilitang pagbabasa ng Noli at Fili ay magiging mapanganib sa paniniwala ng simbahan. Ang mga Pari noong panahon na iyon ang siyang pangunahing tumututol sa panukalang ito ni Recto.

    Sa isang misa kung saan tinuligsa ang Rizal Law ay napilitang lumabas ng simbahan ang dating Mayor ng Maynila na si Lacson. Sumusuporta kasi sa Lacson sa panukalang ito ni Recto. Dahil sa pag- walk out ni Lacson sa isang misa ay masasabi nating matindi talaga ang pagtutol ng Simbahan na gawing sapilitan ang pagbabasa ng Noli at Fili sa mga paaralan.

    Bakit kaya ganun na lang katindi ang pagsalungat ng simbahan sa gusto ni Recto? Sabi ng simbahan ang pagbabasa ng Noli at Fili ay labag sa tinatawag na “freedom of religion and conscience”. Ang lalim naman nitong dahilan ng pagtutol ng simbahan. Kailangang arukin ng mabuti ang ibig sabihin ng “freedom of religion at conscience”. Sa totoo lang kaya ayaw ng simbahan na ipabasa sa mga mag-aaral noon ang Noli at Fili ay dahil ibinuking ni Rizal sa mga librong ito ang mga hindi magandang asal at gawain ng mga Pari noong panahon ng Kastila. Isa rito ay ang malaking eskandalo na si Maria Clara pala ay anak ni Padre Damaso.

    Kahit sa Senado ay naging mainit ang debate tungkol sa panukalang ito ni Recto. Nagtalo ang mga Senador kung dapat nga bang isama sa kurso ng mga mag-aaral ang tungkol sa buhay ni Rizal at ang pagbabasa ng Noli at Fili. Naging masalimuot ang isyung ito dahil ay pag-babanta pang nangyari mula sa mga Catholic Schools. Ang sabi ng mga ito ay mag-sasara daw sila kapag naipasa ng batas ang panukala ni Recto. Pero, alam ni Recto na nananakot lang mga eskwelahang ito dahil kapag nagsara sila ay tiyak na mawawalan sila ng kita.

    Mabuti na lang talaga na noong mga panahong iyon ay may Senador tayo gaya ni Recto na matapang at may paninindigan. Hindi sya natakot sa bantang ito ng mga Catholic Schools. At ang nangyari ay hindi ito natuloy. Inatras din nila ang bantang magsasara pero sinabi ng mga Catholic Schools na hindi susuportahan sa eleksyon ang mga Senador na aayon sa panukala ni Recto.

    Hindi nagpatinag si Recto at ang sumusuporta sa kaniyang panukala na isama sa kurso ng mga estudyante ang pag- aaral sa buhay ni Rizal at ang pagbabasa ng Noli at Fili. Matapos ang mahabang pagtatalo at diskusyon, ay nagkaroon na lang ng kasunduan na ang gagamitin na lang sa mga eskwelahan ay yung na edit na na bersyon ng Noli at Fili. Ito yung bersyon na tinanggal na yung mga kwento o bahagi sa Noli at Fili na tinututulan ng simbahan.

    Hindi pa rin sang-ayon si Recto sa kasunduang ito na ang babasahin lang ng mga estudyante ay yung edited bersyon na ng Noli at Fili sapagkat maapektuhan nito ang mga iniwang alala ni Rizal. Ngunit sa bandang huli ay natuloy pa rin ang usapan na ang edited na bersyon na lang ng Noli at Fili ang gagamitin. Yung mga estudyante na lang daw sa kolehiyo ang maaaring pumili kung gusto nilang basahin ang “unedited version” ng Noli at Fili.

    Kung titingnan natin sa ngayon ay wala naman talagang basehan ang pagtutol ng simbahan sa panukala ni Recto. Dahil sa RA 1425 ay marami ang napilitang basahin ang Noli at Fili. Marami ang namulat tungkol sa kalabisan ng mga Pari noong panahon ng mga Kastila. Nagkaisa ang mga Pilipino upang ipaglaban ang kalayaan ng Pilipinas.

    Mabuti na lang talaga ay may isang Senador na gaya ni Recto. Kung wala si Recto ay malamang na nabaon na sa limot ang alaala ni Rizal. Kaunti lang ang magtyatyagang magbasa ng mga sinulat ni Rizal gaya ng Noli at Fili. Dahil sa Rizal Law, maraming mga estudyante ang marahil ay napilitang basahin ang mga nobelang ito. Gayunpaman, masasabi natin na marami ring mga estudyante ang nag- enjoy na basahin ang mga nobelang ito ni Rizal. Gaya nga ng nasabi ko, isa ako sa mga nasiyahan sa pagbabasa ng Noli at Fili. Mas nakilala ko si Rizal at nagkaroon ako ng ideya kung ano ang buhay ng mga Pilipino noong panahon ng mga Kastila.

  • Lagi kong nadaraanan ang Manila Bay at ang Baywalk. Kapag napasyal ako sa may Cultural Center o CCP ay pupunta ako sa Harbour View. Sa tuwing magagawi ako sa lugar na ito ay  lagi kong iniiisip kung ano ang itsura ng Manila Bay noong panahon ni Rizal. Noong panahon ng Kastila. Noong mga unang panahon kung saan hindi pa uso ang pag-gamit ng plastik. Sa ngayon kasi ang karaniwang basura na makukuha sa Manila Bay ay iba’t ibang uri ng mga plastik.

    Marami ang mga umaasa na sana ay muling maging malinis ang Manila Bay. Marami ang nangangarap na sana ay muling maibalik ang ang dating ganda ng Manila Bay. Isa na ako sa maraming Pilipino na ang hangad ay muling maging malinis ang Manila Bay. Sino ba sa atin ang ang hindi na nagnanais na magkaroon ng isang malinis na dagat na malapit lang sa Metro Manila? Kapag nagkatotoo ang hangarin na muling maging malinis ang Manila Bay ay tiyak na matutuwa hindi lamang tayong mga Pilipino pati na ang mga dayuhan at turista sa ating bansa.

    Ngayon ay nakikita na ang seryosong aksyon upang linisin ang Manila Bay. Mayroon ng ginagawang White Beach sa bahagi ng Manila Bay na malapit sa US Embassy. Ang beach na ito ay tinambakan ng Dolomite Sands kaya tinatawag rin itong “Dolomite Beach” o ang “Manila Bay Sands Project“. Kontrobersiyal ang Beach na ito na gawa sa Dolomite. Iba’t ibang opinyon tungkol sa dapat bang tambakan ng Dolomite ang bahaging ito ng Manila Bay. Mayroong ibang sektor na nagsasabing makasisira daw ng kalikasan ang paglagay ng Dolomite. Kapag umulan rin daw ng malakas ay mawa-wash out lang daw ang Dolomite. Sayang lang daw ang pera na ginamit sa pagbili ng Dolomite na madadala rin ng dagat kung sakaling magkaroon ng bagyo.

    Ang pananaw naman ng iba ay mas okay na Dolomite ang itinambak doon kaysa sa basura. Mayroon din naman daw plano ang pagtambak ng Dolomite kaya hindi ito madaling maanod ng dagat. Karaniwan na rin daw ginagamit ang Dolomite bilang puting buhangin sa Beach. Pinag aralan din daw ng mabuti ang Dolomite Project bago ito sinimulang gawin.

    Panahon lang ang magsasabi kung tama ang naging desisyon na tambakan ng Dolomite Sands ang ilang bahagi ng Manila Bay para gawing White Beach. Kapag may dumaang malakas na bagyo, iyon ang pagkakataon para malaman natin kung hindi mawa-wash out ang buhangin na Dolomite. Gayunpaman, mas okay na may ginagawa ang gobyerno para maging malinis ang Manila Bay kaysa sa wala.

    Upang maging malinis ang Manila Bay ay kailangan nating magtulungan lahat. Kailangan nating magkaisa! Hindi pwedeng iasa lang natin sa gobyerno ang pag-lilinis ng Manila Bay. Sa simpleng paraan lang ng hindi natin pagtatapon ng basura sa Manila Bay ay makatutulong na tayo sa layunin nating maging malinis ang Manila Bay.

    Noong panahon ng mga Kastila ay tiyak na napakalinis ng Manila Bay. Noong naglakad si Rizal mula Fort Santiago hanggang Luneta noong umaga ng Disyembre 30, 1896 ay tiyak na nakita ni Rizal ang malinis na dagat ng Manila Bay. Marahil ay nalanghap din ni Rizal ng araw na iyon ang mabangong na simoy ng dagat ng Manila Bay bago siya binaril ng mga Kastila.

    Kung magiging malinis lang muli ang Manila Bay ay marami ang makikinabang. Marami na namang isda at iba pang lamang-dagat ang makukuha. Marami rin ang maliligo sa ginagawang White Beach kapag natapos ang proyektong ito. Excited ka na rin bang matapos ang Dolomite Beach at maligo dito? Sana maging maayos at successful ang proyektong ito ng gobyerno para sa ikagaganda ng Manila Bay.

    Kung nabubuhay kaya si Rizal ngayon, ano kaya ang sasabihin nya sa proyektong ito na tambakan ng Dolomite ang bahaging iyon ng Manila Bay. Marahil kung nabubuhay si Rizal ngayon ay hindi nya makikilala ang Manila Bay dahil sa kalagayan nito ngayon. Isa pa, noong panahon ni Rizal ay hindi pa na reclaim ang malaking bahagi ng Manila Bay.

    Hanggang dito na lamang muna tayo. Aabangan na lang natin kung ano ang mangyayari sa White Sands o Dolomite Project na ito ng gobyerno.