• Mag-online ka muna bago ka pumunta sa mga NBI Branch para kumuha ng NBI Clearance! Iyan sa tingin ko ang dapat nating tandaan sa pagkuha ng NBI Clearance. Hindi katulad ng dati, mas madali na ngayon ang pagkuha ng NBI Clearance. Maayos na ang proseso dahil online o sa website ka na mag-aaply .

    Pagkatapos mong mag-online ay maari mo ng makuha ang iyong NBI Clearance sa mall na iyong pinili. Sa may Riverbanks Mall sa Marikina ay mayroon ding branch ang NBI duon. Pwede mong piliin online kung saang Mall mo gusto mong kunin ang iyong clearance pati na ang petsa at oras ng iyong pagkuha. Kapag kukunin mo na ang clearance mo ay dapat may dalawang government issued ID ka gaya ng UMID at Driver’s license.

    Paano ba ang proseso sa pagkuha ng NBI Clearance? Ang dapat mo lang gawin ay pumunta ka sa website ng NBI. I-google mo lang ang NBI Clearance at lalabas na duon ang website kung saan ka pwedeng mag-apply online. Nanduon na rin ang halaga na dapat mong bayaran. Maari mong bayaran ang clearance mo sa bangko, online, bayad center, 7/11 at iba pang nakasaad na payment methods.

    Pagdating mo sa napili mong branch ay mabilis lang proseso sa pag-kuha ng NBI Clearance depende sa dami ng nakapila. Kapag next ka na – kukuhanan ka ng litrato, fingerprint at papipirmahin ka ng digital. Basta wala kang kapangalan o yung wala kang hit ay makukuha mo agad ang clearance mo. Pag may hit ka ay sasabihan ka kung kailan ka pwedeng bumalik.

    Ang tandaan mo lang bago ka pumunta sa mall o saan mang branch ng NBI na iyong napili ay dapat naka-pag online ka na. Dapat dala mo rin ang patunay ng binayaran mo o detalye ng iyong binayaran. May dala kang at least dalawang government issued ID. Pumunta ka sa araw at oras ng iyong schedule. Magtyaga at pumila ka ng maayos. Makinig ng maigi sa nagtatawag. Higit sa lahat sundin ang health protocols ng gobyerno dahil sa pandemya gaya ng pagsusuot ng mask at face shield pati na ang social distancing.

  • Umikot kami sa Intramuros, Maynila. Nabalitaan kasi namin na bukas na uli ang Fort Santiago. Matagal na rin akong hindi nakapunta rito. Kaya nang nagkaroon ng oras ay naisip naming bumisita sa historical na lugar na ito.

    Madami ng magagandang ipinagbago ang Maynila mula ng umupo si Yorme. Maraming lugar ang naayos at nagkaroon ng buhay. Yung mga dating lugar na nakakatakot lakaran dahil madilim ay may ilaw na at mga halaman pa. Sana all…

    Noong pumasok kami sa Intramuros ay napansin ko kaagad na parang dumami ang mga informal settlers. Minsan naisip ko na kung pagagandahin lng ang Intramuros ay marami ang magkakaroon ng trabaho. Historical na lugar kasi ang Intramuros at maraming mga turista, foreign at local man, ang gugustuhing bumisita dito. Bakit hindi linisin at pagandahin ang Intramuros para sa kahat ng mga gustong bumisita rito. Sana magkaroon ng programa upang mapaalis ang mga informal settlers sa loob ng Intramuros kung saan maaari silang mabigyan ng maayos na matitirihan. Maaari rin bigyan sila ng prayoridad sa mga trabahong malilikha kapag naging maayos na ang Intramuros.

    Napakalaki ng potential ng Intramuros para maging isang primyadong tourist attraction ng bansa. Sa ngayon pa lang at tuwing makikita ko na maraming turista ang namamasyal sa Intramuros ay talagang nakakatuwa. Marami ang nagagandahan at namamangha sa Intramuros.

    Bukod sa historical ang lugar na ito, ang Intramuros rin ay isang magandang lugar para magbike. Lalo na sa umaga at sa bandang hapon ay masarap magbisekleta dito sa Intramuros. Kung wala kang sariling bisekleta ay pwede naman na mag-renta dito ng bisekleta. May mga bisikleta ritong pwedeng arkilahin na gawa sa kawayan.

    Sa loob ng Intramuros ay matatagpuan ang Fort Santiago. Dito ay ikinulong si Jose Rizal bago sya barilin sa Luneta noong December 30, 1896. Kapag nadalaw ka rito sa loob ng Fort Santiago ay madaling balikan ang mga huling araw ng ating Pambansang Bayani. Narito ang kanyang imahe o estatwa na nagpapakita kung saan sya namalagi. Marami rin makikitang mga bagay na naiwan si Rizal dito na matatagpuan sa Museum sa loob ng Fort Santiago. Kaya lang dahil sa pandemic ay sarado ang Museum na yun noong bumisita kami.

    Sa loob ng Intramuros rin ay makikita ang mga ibat- ibang pamantasan gaya ng Letran, Mapua, Lyceum at PLM. Noong nagbisikleta ako rito ay sarado ang mga paaralang ito dahil sa pandemya. Nakaka- miss tuloy ang maraming estudyante noong wala pa ang Covid. Noong unang ibinalita na walang pasok sa mga eskwelahan ay tuwang-tuwang ang mga estudyante pero habang tumatagal ang walang pasok ay nakakalungkot na rin. Iba pa rin kapag face to face ang pag-aaral kaysa online. Iba pa rin ang interaksyon sa kapwa mo estudyante.

    Habang tinitingnan ko nga ang mga saradong eskwelahan sa loob ng Intramuros ay naiisip ko kung ano ang itsura ng lugar na ito noong panahon ni Rizal. Noong nag-aaral pa si Rizal sa Ateneo, ang Ateneo ay matatagpuan sa loob ng Intramuros. Si Rizal ang isa sa mga unang graduate ng Bachelor of Arts noong 1877 sa Ateneo Municipal de Manila na nasa loob ng Intramuros. Tama po ba? Ayon sa ating kasaysayan, si Paciano ang kasama ni Rizal noong naghanap sila ng matitirahan sa loob ng Intramuros. Si Paciano ang nakatatandang kapatid ni Rizal.

    Nakakatuwang isipin na ang ating pambansang bayani ay naglakad, nag-aral at namalagi sa loob ng Intramuros. Ang sarap balikan ng panahon na iyon kung saan nag-aaral pa si Rizal sa loob ng Intramuros. Ano kaya ang itsura ng Intramuros noong panahon ni Rizal?

    Hanggang dito na lang muna at kapag may pagkatataon ay susulat ako ng tungkol kay Rizal at sa iba pang naiisip ko.

  • Ito ay base lang sa na experience ko noong nawala ang Driver’s License ko. Maari na iba ang maging karanasan mo sa pagkuha ng replacement ng lisensya mo. Pero, ang suma ng kwentong ito ay kapag nawala ang driver’s license mo ay pwede pumunta ka sa LTO Office Branch na pwede mong makita sa mga malls katulad ng Ever Gotesco Commonwealth. Ang dapat mong dalhin ay (1) Notaryadong Affidavit of Loss at (2) Government issued ID. Ang bayad ay P 200.00 mahigit.

    Noong nalaman ko na nawala ang Driver’s License ko nagpunta ako sa opisina ng LTO sa Ever Commonwealth. Pagdating ko dun sinabihan ako na kailangang ng Affidavit of loss at valid ID. Kaya bumalik na lang ako. Okay lang naman sa akin ang bumalik kasi along-the-way lang naman ang mall na ito sa akin.

    Noong bumalik ako sa opisina ng LTO ay may dala na akong Affidavit of loss pero hindi pa notaryado. Inisip ko kasi na may notaryo na duon o malapit o walking distance sa mall. Wow, mali pala! Ang pinakamalapit na notaryo ay sa kabilang bahagi ng kalsada ng Commonwealth na halos tapat ng Sandiganbayan.

    Mabuti na lang at may sasakyan ako. Paano na kung wala? Hindi naman pwede lakarin ang opisina ng notaryo mula sa Ever Commonwealth. Pagkatapos kong mag panotaryo at makaltasan ng 100.00 ay bumalik ako sa Ever Commonwealth. Opo, nadoble ang babayaran kong parking fee.

    Pagbalik ko LTO office, kailangan din daw ng xerox copy ng Valid ID na government issued. Kaya bumaba na naman ako para magxerox ng ID ko. Saan ako nag pa xerox? Dun malapit sa photography shop. Nagtanong ako kung saan. Mabuti na lang mayroong xerox sa loob ng Ever Mall. Mabuti na lang at hindi gaanong mahaba ang pila sa pagxexerox. Para sigurado, bukod sa valid ID ay nag xerox na rin ako ng Affidavit of loss.

    Pag akyat ko sa taas ng LTO Office ng Ever ay dala ko na lahat ng kailangan. May babaeng empleyado nila ang mag aasist sa iyo. Ang napansin ko ay walang mga fixer dito. Malinid at maayos ang opisina. Noong dumating ako ay kaunti lang ang tao.

    Nang naibigay ko na ang mga papeles ko ay pinaupo ako sandali at ng tawagin na ang pangalan ko ay pinaharap agad ako sa computer. Dito ay nag fill-up ako ng mga detalye tungkol sa lisenya ko gaya ng address ko at iba pa. Gumawa na rin ako ng password para sa online access ko sa LTO Portal. Sa mga hindi gaanong bihasa sa pag gamit ng computer, wag po kayo mag alala. Tutulungan kayo ng empleyado ng LTO at sasagutin ang mga tanong ninyo.

    Ilang sandali pa ay natapos ko na i-fill up ang mga kailangang detalye para sa computer records ko. Sandali lang ako naghintay at tinawag na ang pangalan ko. Pag-lapit ko sa lamesa ng tumawag sa akin may mga kaunti syang tanong at pirma. Tinanong pa nga ako kung gusto ko mag pa-picture uli. Sagot ko ay hindi para makuha ko na agad ang lisensya ko. Ilang saglit lang ay na print na ang bago kong Driver’s License.

    Maaari pa lang ganito ang proseso ng pagkuha ng Driver’s License. Mabilis at maayos. Gayunpaman, ang proseso na naikwento ko ay kung nawala ang iyong Driver’s License. Ibig sabihin ito po ay replacement lang ng lost Driver’s License. Kapag renewal ay madali na rin ang proseso. Pero kung ang Driver’s License mo ay expired na ng more than 3 years ay dapat ka nang pumunta sa main office ng LTO sa East Avenue, Quezon City.