• Ang tagal ko ring hindi nagsulat sa blog na ito. Sa totoo lang nakalimutan ko na nga ang blog na ito. Pero noong 30 January 2021 ay mayroong nag-comment sa isinulat ko tungkol sa Aguinaldo Shrine at ang sabi nya ay –

    “Assignment ng anak ko pero naaliw ako sa pagbabasa nito..napahanap tuloy kami ng asawa ko sa mga lumang collection ng pera, nasa 2 pisong lumang papel pala ito naka lagay. he he”

    Maraming salamat sa iyo sa nag-comment at natutuwa ako dahil kahit paano ay may naaliw sa isinulat ko. At least, nalaman ko na kahit payak lamang ang mga sinisulat ko rito ay mayroon pa ring nakakabasa at kahit paano ay na-aaliw. Nagkaroon tuloy uli ako ng lakas ng loob at inspirasyon na ituloy ang pagsusulat ko sa blog na ito…

    Sa totoo lang, ang hirap ng buhay nating mga Pilipino ngayon. Mula ng magsimula ang pandemic ng Covid-19 ay higit na naging mahirap ang buhay nating mga Pilipino. Maraming mga negosyo ang ngayon ay lugmok na naging dahilan naman para mawalan ng trabaho ang maraming mga empleyado. Ang tagal na ng pandemic na ito. Sa susunod na buwan ay mag-iisang taon na. Kung hindi ako nagkakamali ay nagsimula ang Covid-19 dito sa ating bansa noong huling linggo ng Marso 2020. Sobrang nakakalito at magulo nga ang nangyari noong unang ipinatupad ang lockdown. Marami ang nagulat na lang na hindi na sila pwedeng dumaan sa dati. Natigil din ang pasada ng mga dyip, bus at tricycle.

    Okay, hanggang dito na lang muna ang pagbabalik tanaw ko sa mga nangyari noong pandemic. Alam ko naman na hanggang ngayon ay naalala nyo pa rin ang mga nangyari dahil sa pandemic. Sa ngayon nga narito pa rin ang virus at hindi pa rin natin tiyak kung kailan matatapos. Gayunpaman, kahit ano mangyari huwag tayo panghinaan ng loob. Ingat lang lagi at patuloy tayong magdasal.

    Ngayon ay araw ng mga puso – valentines day. Pero bago ko matapos ang blog na ito ay tapos na ang valentine. Gabi na kasi ngayon at inaantok na ako…

    Salamat matatapos na rin ang Valentine’s Day!

  • Huwebes Santo ngayon. Wala na naman akong magawa. Actually, ang dami kong gustong gawin. Kaya lang ang problema ay pera. Nakakahiya naman manghingi kina ermat at erpat. Dapat kasi nagtrabaho na ako bago ako pumasok ng law school.

    Sa totoo lang, ayaw ko naman talaga maging abogado. Tahimik kasi ako at mahiyain. Kaysa makipag-argumento, mas gusto ko ang mag-sulat. Hilig ko din ang magbasa. Sabi nga nila nerd daw ako. Ang paborito ko pang laro ay chess.

    Pero talaga sa totoo lang, ayaw ko maging abogado. Ayaw kong problemahin ang problema ng iba! Pero nuong nag-take ng entrance exam sa law school ang mga friends ko as AB, nag-take na rin ako.

    Grabe nga. Kung sino pa yung nag-review para as entrance law exams, yun pa ang hindi pumasa. Actually, binigyan din ako ng pera nila erpats para sa “review ng entrance law exam”, kaya lang nanghinayang ako. Ibinili ko na lang ng sapatos ang pera. Sabi ko bahala na. Kapag pumasa ako sa entrance exam ng law school, ibig sabihin – good to to go ako – tuloy ang pag-aaral ng abogasya.

    Sabi ko grabe nga. Gulat talaga ako noong nakapasa ako sa entrance exam ng College of Law! Marami kasi sa kabarkada kong nangangarap rin maging “attorney in the future” ang hindi nakapasa. Yung isa ko ngang kaibigan na naunang nagbayad para sa review bagsak. Ang sabi ko na lang, swertihan lang talaga ang buhay he he he. Alam ko naman na hindi talaga kailangan ang review para sa entrance exam ng law school. Pakana lang siguro yun ng College prof namin sa AB.

    Kaya naman nang pumasa ako sa entrance exam ng law school, itinuloy ko na rin. Ang erpat ko gusto magtrabaho na ako. Matanda na raw ako. Ilang siglo pa raw bago ako maging abogado. Kaya lang nuong gumaradweyt ako ng AB, nahirapan din ako maghanap ng trabaho. Freeze hiring daw! Okay na rin sana ang call center kaya lang di ko trip mag-puyat. Di ko talaga kaya! Ang payat ko na kasi.

    Isa rin iyon sa mga dahilan kung bakit gomo na rin akong mag-aral ng law school. Sabi ko para tumagal pa ang pagiging estudyante ko – mag lololaw school na lang ako. Ang sarap kaya mag-buhay estudyante! Ang ermat ko suportado ako. Kaya lang siempre, ayaw ko rin pahirapan ang mga magulang ko habang buhay. Ngayong bakasyon, naghahanap pa rin ako ng trabaho. Susubukan ko maging working law student. Joke lang. Pero bahala na si batman. Pag may kumagat sa resume ko, okay work na ako. Pag wala, sana suportahan pa rin ako ni mother.

    Iyun ang dahilan kung bakit matagal ko na ring hindi na update ang blog na ito. Akala ko nga na delete na ito sa wordpress. Noong sinubukan kong hanapin, buhay pa pala. Nangingiti nga ako habang binabasa ko ang mga sinulat ko rito noon. Parang wala lang. Sa mga nag comment thank you po.

    Anyway, ngayong Huwebes Santo saan ang punta nyo? Ako sa bahay lang kahit mainit. Wala nga kaming tubig ngayon. Sabi kasi ng Maynilad, mawawalan daw ng tubig ngayong mahal na araw. Grabe nga eh. Bakit ngayon pa? Talaga naman. Parang ang sama ng timing bro. Hindi pa nga ako naliligo. Tinitipid kasi namin yung naipon naming tubig kahapon. Eto nga panay ang abang namin sa tanker ng Maynilad. Ang tagal naman. Kanina pa. Saan na kaya yun? Pawis na pawis na ako…

    Nagsusulat ako ngayon para mag mukhang busy. Kunwari may rush na case digest. Pero sana dumaan na ang tanker ng Maynilad. Ayoko mag-igib. Ang bigat magpasan ng container. Hindi ko kaya mag-pingga ng dalawang container ng sabay.

    Ngayong binuhay ko na uli ang blog na ito, sana may bumasa. Pero kahit wala, magsusulat pa rin ako. Hindi lang para mag-mukhang busy kundi para mag-share ng buhay ko at mag-bahagi ng natutunan ko, kung meron man, sa mga batas sa Pilipinas.

     

     

     

     

     

  • Nagpunta kami sa Manila Bay malapit sa SM Mall of Asia (“MOA).  Naging isa ng sikat na pasyalan ang lugar na ito. Matapos mamasyal at mamili sa SM ay diretso na agad sa parteng ito ng MOA.

    Gayunpaman, kahit wala pa ang dambuhalang mall na ito ay isa ng sikat na lugar pasyalan ang Manila Bay.  Usong usong puntahan ang lugar na ito ng mga mag-sing irog na bumuo sa baybaying ito ng kanilang sumpaan at mga pangarap.

    Ang “Sunset at Manila Bay” ay sikat sa buong mundo at ang mga larawang kuha sa paglubog ng araw sa lugar na ito ay nailathala sa ibat-ibang mga magazine.

    Noong araw kapag may sipon ka ay maglakad lang daw sa gilid ng Manila Bay at matapos langhapin ang hangin mula rito ay tiyak ka ng gagaling. Ngayon, ay mahirap maiwasang masuka sa hanging nagmumula rito.

    Image
    Manila Bay (25 August 2012)

    Image

    Maganda sana ang lugar. Masarap tumambay at magpalipas ng oras. Kaya lang langhap pa rin ang mabahong amoy mula sa Manila Bay. Talagang nakapanghihinayang ang lugar na ito. Natatandaan ko pa noong araw ay maaari pang lumangoy sa bahaging ito ng Manila Bay sa may Cultural Center. Nakakakuha pa nga noon ng halaan. Ngayon, halos wala nang lamang dagat na nabubuhay sa Manila Bay.  Ang napapakinabangan na lang ay ang mga plastik at iba pang basura na nakalutang sa dagat.

    Image
    Kapansin-pansin ang mga basurang nakasiksik sa mga bato ng breakwater ng Manila Bay

    Ang buong Manila Bay ay para bang isa na lang na tapunan at tambakan ng basura ng buong Metro Manila. Daang trak na ang nakukuhang basura sa Manila Bay at marami pa rin ang naglutangan. Talagang nakakalungkot ang sinapit ng lugar na ito. Marami sanang mga tao ang makikinabang at masisiyahan kung napanatili lamang nating malinis ang Manila Bay.

    Image

    Ano kaya ang sasabihin ni Rizal kung makikita nya ang hitsura ngayon ng Manila Bay? Alam ko na noong naglakad siya mula Fort Santiago hanggang sa Luneta bago siya barilin ay napagmasdan niya ang dating magandang dagat at dalampasigan ng Manila Bay.

    Noong nakaraang bagyo at baha ay ibinalik rin sa atin ng kalikasan ang mga basurang tayo rin ang nagtapon. Tayo rin ang napinsala sa ating kapabayaan.

    Tuwing may pagkilos upang linisin ang Manila Bay ay tumulong at makiayon tayong lahat.  Sana ay hindi pa huli ang lahat upang ating masagip ang Manila Bay!