• Naaalala mo pa ba noong una tayong nagkita sa Davao? Swerte kasing narating ko ang Eagle Farm noong nakasama ako isang seminar na ginanap dun.

    Kailan kaya mauulit ang ganuong pagkakataon? Nang una kitang makita ay agad akong humanga sa iyo!  Nanliit talaga ako sa iyo noon. Ang laki mong ibon! Ang pagaspas ng iyong mga pakpak

    tuwing ikaw ay lumilipad ay sapat na upang lahat ng bumibisita sa iyo ay pumalakpak. Ang talas ng iyung mga kuko ay nagbibigay kilabot sa lahat. Sa linaw raw ng iyong mata ay kitang-kita mo ang buong Mindanao.

    Ang mga tumatayong balahibo sa iyong ulo ay ang koronang bigay raw ng Lumikha. Ikaw nga ang totoo at nag-iisang hari ng mga ibon dito sa Pilipinas!

    Pero ngayong narito ka na sa wildlife sa Quezon City ay magkahalong saya at lungkot ang aking naramdaman.

    Masaya… kasi nagkita tayong muli. Hindi ko na kailangang sumakay pa ng eroplano at pumunta uli sa Davao para makita ka lang. Naalala ko nga noong nakapunta ako sa Davao ay ang saya ko noon. Ang ganda ng lugar. Mababait rin ang mga tao.

    Nag-stay ako noon sa Apo View Hotel. Naranasan ko na masarap din pala makatulog sa ganuong klase ng hotel. Ang ganda ng view  mula sa kwarto at ang lamig ng aircon. Ang lambot din ng kama. Ang sarap nga ng tulog ko noon. Kailan kaya mauulit ang ganuong pagkakataon? Pag-labas ng hotel ay malapit lang ang Gaisano Mall kayat madaling mamasyal. 

    Ang isa pang maganda sa Davao noong naroon ako ay ang mga taxi nag-babalik ng sukli. Sana hindi nagbago ang mga ugaling ito ng mga taxi sa Davao. Dito kasi sa Maynila bukod sa namimili ang mga taxi ay malimit ring hindi nagbabalik ng sukli. Minsan nga “kontratahan” pa ang gusto ng ibang taxi at ayaw patakbuhin ang kanilang mga metro.

    Noong nag-punta rin ako sa Davao ay narating ko rin ang “Pearl Farm”. Tuwang-tuwa ako noon! Ang sarap lumangoy duon sa kanilang pool na para bang konektado sa dagat. Infinity pool daw ang tawag sa mga ganuong klase ng mga swimming pool. Noong lumalangoy nga ako sa pool na iyun ay para bang napawi lahat ng aking mga problema. Talagang napakasaya ko at aking naramdaman na totoo ang kasabihang “there is a world beyond Cubao”!   

    Naalala ko rin na ang sarap ng mga pagkaing nakahanda sa kanilang restawran na mula sa ibat-ibang  mga bansa ang aking natikman. Mayroong American, European, Japanese, Korean at Pilipino na mga pagkain. Sana makabalik ako roon.  Nakakasawa na rin kasi ang  tapsi at longsilog…

    Dahil pahirap na ng pahirap ang buhay dito sa Pinas ay malabo nang madalaw kitang muli sa Davao. Malabo na rin na magkaroon ako ng seminar sa opisina na gaganapin sa lugar na iyun.  Naghihigpit na rin kasi ng sinturon ang pinapasukan ko kayat madalang na rin ang mga seminar sa labas ng Metro Manila. Malabo na ring makaipon ng pamasahe para bumisita sa Davao at sa iba pang mga tourist spots. Nauuna pa nga ang mga foreigner na ma-enjoy ang magagandang lugar rito sa atin sa Pinas.  Kapag dollar rate na kasi ay hindi na talaga kaya ng bulsa. Ikaw Philippine Eagle narating mo na ba ang El Nido sa Palawan?

    Sabi nila maganda raw dun. Kung pwede lang akong lumipad tulad mo ay siguradong pumunta na ako dun. Ang sarap siguro lumangoy sa napakalinaw na tubig ng dagat at pagmasdan ang napakagandang tanawin. Ang Boracay narating mo na ba? “White sands” duon Philippine Eagle. Puting-puti raw ang buhangin kayat sikat ang lugar na iyun sa mga turista. Marami pa ang gimikan.

    Mabuti na lang at narito ka na Philippine Eagle sa Quezon City. Kahit paano ay madalas na kitang madadalaw. Marami na ring mga taga-rito ang makakakita at makaka-kilala sa iyo. Marami kasi rito sa Maynila na sa pera at sa mga larawan ka lang nakikita. Kapag napagmasdan ka ng mga tao ay natitiyak kong hahanga rin sila sa iyo.  Ang imahinasyon ng mga bata ay lalawak at lilipad sa bawat pagaspas ng iyong mga pakpak. Ang kanilang mga puso ay mapupuno ng kagalakan.  Lahat ay mamamangha sa iyong laki. Lahat ay magsasabing tama lang na ikaw ang hiranging pambansang ibon ng Pilipinas.

    Masaya ako at narito ka sa wildlife dahil darami na rin ang makaka-unawa sa iyong kalagayan at makaka-isip na ikaw ay pangalagaan.  Dahil ang iyong buhay ay naka-depende sa malagong kagubatan ay mabibigyan na rin prayoridad ang pangangalaga nito at ng ating kalikasan. Siguro sa pamamagitan mo Philippine Eagle ay masasalba na ang ating mga gubat. Kahit paano ay maiisip nila na may isang tulad mong dakila na nakatira sa mga gubat na ito.

    Kaya lang habang pinagmamasdan kita sa kulungan mo ay aaminin kong hindi ko maiwasan ang malungkot.  Kahit gaano pa kalaki ang iyung kulungan ay alam kong hindi ito sapat para sa isang haring tulad mo.

    Sabi nga nila ang kulungan kahit gaano pa kaganda, kulungan pa rin iyun. Hindi ipagpapalit ng sino man ang isang malayang pamumuhay. Kayat alam ko na kung bibigyan ka lang ng pagkakataong pumili ay pipiliin mo ang makabalik ka sa gubat kung saan ikaw ay hinuli. Siguro ang pagkakahuli mo sa gubat ang isa sa pinakamalungkot na yugto ng iyong buhay.

    Alam ko Philippine Eagle na gusto mong sumigaw ng malakas upang kanilang madinig ang matagal mo ng hinaing na palayain ka sa iyong kulungan. Mas gusto mong bumalik sa malawak na gubat at lumipad ng mataas at malaya. Higit mo ring nanaisin na makasama ang mga tulad mo ring Agila sa gubat at makipaghabulan sa kanila sa himpapawid. Para kasing ang lungkot ng buhay mo ngayon Philippine Eagle. 

    Nag-iisa ka lang dyan sa kulungan mo. Naghahanap ka siguro ng kasama. Alam ko kung gaano kalungkot mabuhay ng mag-isa. Gaya mo Philippine Eagle mag-isa lang ako sa bahay. Minsan nalulungkot din ako.

    Sabi nila dito sa wildlife ay inaalagaan ka naman. May pagkain sa iyong harapan at hindi mo na kailangan pang lumipad ng malayo gaya noong nasa kagubatan ka para makahanap ng makakain.  Duon sa gubat ay hindi sigurado ang iyong pagkain. Halos kalbo na ang gubat na iyong tinitirhan kayat wala na rin ang mga hayop na iyung kinakain. Wala na ang mga unggoy, bayawak, ahas at pati na ang mga kulisap ay naglaho na rin. Kahit gaano pa katalas ang iyong mga mata ay wala ka ng makikitang pagkain. Gutom na raw ang aabutin mo sa gubat. Samantalang dito sa kulungan mo sa Quezon City, kahit paano’y tiyak ang iyong pagkain at inumin. Hindi mo na kailangang makipagsapalaran.

    Sana higit na maging masigasig ang ating pamahalaan sa pag-sugpo ng illegal logging. Dahil sa talamak na pag-putol ng mga puno sa ating mga gubat ay nawawalan ng kaharian ang isang tulad mo. Nawawalan rin ng bahay ang ibang mga nilalang na ang buhay ay umaasa sa ating mayabong na kagubatan.

    Ang mga may kasalanan o iyung kapos sa kapalaran lang daw ang dapat na ikinukulong. Hindi ko tuloy maiwasang itanong habang pinagmamasdan kita, ano kaya ang nagawa mong kasalanan Philippine Eagle at ikaw ay hinuli at ipiniit dito?

    Marahil ay kapos ka rin pala sa kapalaran gaya ng maraming Pilipino. Tulad mo ay marami rin sa ating mga kababayan ang nakakulong kahit wala namang kasalanan. Marami kasi ang walang kakayahang magbayad ng abogado. May kabagalan rin ang pag-gulong ng kaso sa ating mga hukuman. Dahil dito ay marami ang nabubulok sa mga masisikip na piitan. Mayroon pa nga na ang kanilang pagkaka-kulong habang hinihintay ang desisyon ng hukuman sa kanilang kaso ay mas mahaba pa sa kanilang magiging kaparusahan. Paano kaya Philippine Eagle mapapabilis ang pag-usad ng mga kaso dito sa Pinas?

    Siguro iniisip mo rin ang naiwan mong mga kamag-agila. Kamusta na kaya ang ibang kalahi mong Philippine Eagle sa gubat? Ilan na lang kaya ang natira sa kanila? Siguro hirap na hirap sila sa pag-hahanap ng pagkain at madadapuan. Wala na rin siguro silang mataas na puno na pwedeng gawan ng pugad.

    Sana huwag dumating ang panahon na maubos kayong lahat na Philippine Eagle sa kagubatan ng Pilipinas o kaya naman ay lahat kayo ay makulong ng walang kasalanan.

  • Kahit ganito kaliit ang ating bansa ay napakarami ng ating mga batas, ordinansa at mga regulasyon.  Minsan nga sa sobrang dami ng ating mga batas ay nagiging masalimuot  at ibat-iba na ang nagiging interpretasyon. Minsan tuloy ang ating mga batas ay para bang salungat na sa isat-isa.  Ang ibang mga batas naman ay  komplikado at napakahirap intindihan. Hindi na malaman ng masa kung ano ang nararapat sundin.

    Dito sa Pilipinas ang kailangan natin sa aking payak na pananaw ay tamang pagpapatupad ng mga batas! Ang higit na kailangan ay ang tamang implementasyon ng mga batas para tayo umunlad.  Kapuna-puna kasi na kahit ang simpleng ordinansa na “bawal umihi sa pader” ay hindi sinusunod. Iyun din batas na nagbabawal sa pagkakalat sa pampublikong lugar ay basta-basta na lang nilalabag. Napansin ko kasi na kung saan may nakasulat na “bawal umihi sa pader” ay duon sobrang panghi! Kung saan bawal magtapon basura ay duon naman nagtambakan ang mga basura! Ganito ba talaga tayong mga Pilipino?

    Sa may EDSA daw ang nakasulat ay “Bawal Tumawid. Nakamamatay!”  Dahil panay pa rin ang tawid ng mga tao kahit may babala ng ganito ay pinalitan ito ng “Bawal Tumawid. May Namatay na rito!” At dahil hindi pa rin ito sinusunod ay ang ilalagay na raw na babala ng gobyerno ay “Bawal Tumawid. Ang Tumawid Papatayin!” Ang ibig ko lang sabihin ay kung itong mga simpleng batas o regulasyon na ito ay hindi sinusunod paano pa ang mga komplikadong batas dito sa Pinas?

    Minsan nga may nagsabi na ang mga batas raw rito sa Pinas ay depende lang sa kung sino ang nakaupo. Marami raw batas sa atin ang wala ng kabuluhan o iyun bang nakasulat lang sa tubig. Iyong “negotiable instruments law” ba buhay pa?  Mayroon nga akong narinig na komento na dito raw as ating bansa, ang mga batas raw natin ay higit na pabor sa mga kawatan kaysa sa mga napagsamantalahan. Sa inyong palagay totoo kaya ito?  Ober na raw ang “due process” lalo na sa mga kasong kriminal.  Isa pa ang tagal at sobrang mabagal ang usad ng mga kaso. Masyado ring magastos ang ipaglaban ang karapatan at ang humanap ng hustisya!

    Tama nga na sa Pinas ay hindi maraming batas ang kailangan kundi ang tama at seryosong implementasyon!  Kapag ang batas kasi ay hindi naipatutupad ng maayos at tama nagreresulta lang ito sa diskriminasyon. Dapat walang nakakalusot.  Kailangang sa mata ng batas lahat ay pantay-pantay! Mahirap man o mayaman. Sa nakikita ngayon sa ating bansa ay kahit paano’y ipinatutupad ang pangil ng ating batas. Ang dating matataas na opisyal ng gobyerno ay na-aaresto. Yun nga lang, hindi pa rin sila nakikitang humihimas ng malamig na rehas sa kulungan. Kung sabagay ang sabi nila ay respeto na lang daw iyun sa dati nilang naging posisyon sa gobyerno. Sang-ayon ba kayo sa ganuong pananaw?

    Sa totoo lang masalimuot ang pag-gawa ng mga batas dito sa Pilipinas. Mahabang debate ang nangyayari sa Kongreso at Senado bago makapasa ang isang panukalang batas. Kailangan ding pirmahan ng Pangulo ng ating bansa ang panukala upang ito ay maging ganap na batas.  Karaniwan pagkalipas ng labinglimang araw ng pagkalathala sa mga pahayagan saka ito nagkakaroon ng bisa.  Sa sobrang dami nga lang ng mga batas na ipinapasa mayroon pa bang nag-aaral kung mga ito ay hindi na salungat sa isat-isa?

    Ang pag-papatupad ng mga batas ay nakaatang sa balikat ng ekuhutibo. Ang mga  batas ay nararapat ipatupad ng lahat ng sangay nito lalo ng mga pulis. May tiwala pa ba kayo sa mga pulis natin? Kung sabagay hindi naman lahat ng mga pulis ay ganun. Dapat talaga ay patuloy na linisin ng pamunuan ng ating kapulisan ang kanilang hanay.  Huwag nilang hayaan na masira ng iilan lang nilang kabaro ang kanilang imahe.

    Ang tamang interpretasyon ng ating mga batas ay trabaho ng ating mga huwes. Sila ang dapat magbigay ng tamang interpretasyon sa ating mga batas. At kung mayroong para bang salungat sa isat-isa ang korte rin ang dapat magsabi kung aling batas ang nararapat sundin. Ang ating mga hukom rin ang maaring magsabi kung ang isang batas ay dapat ipawalang bisa dahil ito ay hindi tama o hindi naaayon sa ating saligang batas.

    Pero sa  dami ng mga batas na umiiral rito sa atin, ano kaya ang masasabing may pinakamakabuluhan?

    Para sa akin ang pinakamakabuluhang batas dito sa Pilipinas ay “Republic Act No. 1425” o mas kilala sa tawag na “Rizal Law”.  Ito ang batas na nagsasabing dapat isama sa pag-aaral ng lahat ng paaralan, kolehiyo at unibersidad ang buhay, gawa at mga sinulat ni Jose Rizal tulad ng Noli Me Tangere at El Filibusterismo. Ang sabi ng batas na ito –

    “Section 1. Course on the life, works and writings of Jose Rizal, particularly his novel Noli me Tangere and El Filibusterismo, shall be included in the curricula of all schools, colleges and universities, public or private: Provided that in the collegiate courses, the original or unexpurgated editions of the Noli Me Tangere and El Filibusterismo of their English translation shall be used as basic texts.”

    Ito na siguro ang pinaka-maysaysay at makabuluhang batas na nagmula sa ating kongreso! Kung sabagay noong araw kasi ay matatalino at makabayan talaga ang ating mga mambabatas lalong-lalo na si Ginoong Claro M. Recto. Kung hindi dahil sa kanya ay hindi tayo magkakaroon ng Rizal Law.

    Pero hindi naging madali ang pagpasa ng batas na ito. Naging kontrobersyal din ang panukala at umani ng ibat-ibang mga pananaw mula sa magkakaibang sektor ng lipunan. Mariin ang naging pag-tutol ng Simbahang Katoliko at ibat-ibang mga grupo sa gusto ni Recto na isama sa pag-aaral ang buhay ni Rizal pati na ang pagbabasa ng Noli at Fili. Ang sabi ng mga kontrabida noon ay laban daw ito sa  kalayaan ng pagsamba at ng konsensya. May nagsabi pa nga na maari raw madiskaril ang “kaligtasan ng kaluluwa” kapag ipinilit ang pag-babasa ng mga nobela ni Rizal. Mayroon kasing pananaw na si Rizal ay laban sa itinuturo ng simbahan. Magkakaroon din raw ng masamang epekto sa mga estudyanteng katoliko ang panukala ni Recto. Sabi pa ng mga eskwelahang kontra sa panukala ay mapipilitan raw silang magsara kapag masusunod ang nais niya. Para nga talagang “RH Bill” at iyung sa panukalang magkaroon ng “divorce” dito sa Pilipinas ang naging balitaktakan at debate! Ikaw? Pabor ka ba sa RH Bill pati na ang pagkakaroon ng diborsyo dito sa Pinas?

    Mabuti na lang at ipinaglaban ni Recto ang kaniyang panukala kahit tinawag siyang komunista at “anti-catholic”! Ito ang ehemplo ng isang taong may paninindigan at hindi nakikinig sa mga sabi-sabi. Sana magkaroon uli ang ating bansa ng tulad niya! Salamat rin sa dating Alkalde ng Maynila na si Arsenio Lacson at sinuportahan niya ang pag-susulong ng batas na ito!  Ang ating kasaysayan ang nagpatunay na ang mga pangamba ng Simbahang Katoliko pati na ang ibang grupong kumontra noon ay walang basehan at produkto lamang ng kanilang imahinasyon.

    Noong inaprubahan ang batas na ito noong 12 ng Enero 1956 ay isinimento ang kahalagahan ng pag-aaral tungkol sa buhay na ating pambansang bayani. Ang kaniyang mga ginawa para sa ating bayan ay malalaman ng lahat at paulit-ulit na maaalala. Sa madaling salita, ang buhay at mga ginawa ni Rizal ay hindi mababaon sa limot! Ang ating mga kabataan ay makikilala si Rizal ng lubusan.

    Kapag pinag-aralan ang buhay ni Rizal ay magkakaroon rin ng ideya ang ating mga estudyante kung paano ang buhay sa Pinas noong panahon ng mga kastila. Malalaman nila na napakahirap mabuhay sa isang bansang nasa ilalim ng pamununo ng mga mananakop. Dahil dito ay papahalagahan nila ang ating kalayaan at lalong mamahalin ang ating bayan!

    Naalala ko noong bata pa ako ay mayroon akong binasang bersyon ng Noli na makapal at may mga salita pang kastila. May mga larawan pa nga ito ng bahay ni Kapitan Tiyago at ng iba pang mga kabanata.  Ang nanay ko kasi ay dating guro ng kasaysayan sa hayskul kayat maswerte akong nakahawak ng kopya ng Noli. Nasa elementarya pa ata ako noon nang una akong mabasa ang librong ito.  Sa una pa lang na binuklat ko ang mga pahina ng aklat ay nabighani talaga ako sa ganda ng kwento. Nahasa nga ang aking galing sa pagbasa at napukaw ang gusto ko sa mga libro mula ng binasa ko ang nobela ni Rizal.  Sa unang tsapter pa lang ay para bang ayaw ko nang bitiwan ang libro.

    Nanghihinayang nga lang ako dahil nawala na lang ang librong iyon. Hindi ko namalayan ang mabilis na paglipas ng panahon at hindi ko napansing wala na pala ang Noli na una kong nabasa. Noong huling makita ko iyun ay mga punit na ang pahina at wala ang kaniyang pabalat pero ni hindi ko man lang itinago ng mabuti. Kahit anong hanap ko ay hindi ko na talaga ito makita. Totoo ngang ang kahalagahan ng isang bagay ay matatanto lang kung kailan wala na ito.

    Sa ngayon ay may mga binili na rin akong bagong sipi ng Noli at Fili bukod pa sa ginamit ko noong nag-aaral pa lang ako. Pero, kahit nakailang ikot na ako sa mga bookstore ay hindi ko pa rin makita ang kopya ng Noli na una kong nabasa. Minsan pumunta ako sa ating Pambansang Aklatan sa may Luneta pero hindi ko pa rin nakita ang hinahanap ko. Kayat sa aking palagay ay tama ang obserbasyon ni Ginoong Ambeth Ocampo na hindi istriktong naipatutupad ang batas lalo na ang Section 2 (http://www.scribd.com/doc/16610030/RA1425) na nagsasabing –

    Section 2.    It shall be obligatory on all schools, colleges and universities to keep in their libraries an adequate number of copies of the original and unexpurgated editions of the Noli Me Tangere and El Filibusterismo, as well as of Rizal’s other works and biography. The said unexpurgated editions of the Noli Me Tangere and El Filibusterismo or their translations in English as well as other writings of Rizal shall be included in the list of approved books for required reading in all public or private schools, colleges and universities.

    Kahit sinasabi ng batas na ito na obligasyon ng mga paaralan, kolehiyo at mga unibersidad na magkaroon ng “original” at “unexpurgated” na kopya ng Noli at Fili ay pahirapan ang paghahanap nito lalo na sa mga pampublikong paaralan. Sa aking naalala nakakita lang ako ng orihinal na Noli at Fili noong magtungo ako sa ating National Library.

    Gayunpaman, naglipana ang bersyong komiks at pinaikling kwento ng mga nasabing nobela na puro larawan. Kung sabagay, ang mga ganitong bersyon kasi ang madali lang basahin at pwede na para makapasa sa klase. Ang kailangan lang ay magawa ang takdang-aralin. Sana lang ay madiskubre ng ating mga mag-aaral na napakaganda at napakasarap kung pagtitiyagaang basahin ang salin ng Noli at Fili ng buong-buo. Napakagaling at metikuloso ang pagkakalarawan ni Rizal sa bahay ni Kapitan Tiyago at sa inaabangang piging! Sa pagbasa ng kabanatang ito ay para ka na ring nakapasok sa mismong bahay ni Kapitan Tiyago at naging bahagi ka ng selebrasyon!

    Sana bago mag-isip ng iba pang batas ang mga namumuno sa ating gobyerno ay tiyakin muna nila na naipatutupad ang mga naunang batas, regulasyon at mga ordinansa.  Sana siguraduhin muna na ang mga makakabuluhang batas tulad ng Rizal Law ay naipapatupad ng lubusan. Hindi dapat masayang ang pinaglaban nina Recto, Lacson at iba pang mga naniniwala sa kabutihang idudulot ng pag-aaral sa buhay ni Rizal!  Huwag rin nating hayaang makalimutan ng mga bagong henerasyong Pilipino ang pamana sa atin ng ating pambansang bayani.

  • Marahil ay walang Pilipino ang hindi nakakakilala kay Jose Rizal.  Maging matanda o bata man basta’t nagkaroon na ng kamalayan ay kilala si Rizal.  Siguro depende lang kung gaano kakilala sya ng bawat Pilipino. Ang ating mga kabataan ngayon, gaano kaya nila kakilala si Rizal?

    Marahil ang iba ay alam ang bawat yugto ng kaniyang buhay samantalang ang iba naman ay narinig lang ang kaniyang pangalan. Yung iba naman ay limitado lang ang alam tungkol kay Rizal kundi ang “siya ang ating Pambansang Bayani”.  Ang iba naman ay nabasa lang ang kaniyang pangalan sa kalye, parke, kaha ng posporo, punerarya, iba pa.  Pero mayroon ring akong mga kilalang personalidad at mga kabataan na halos ang kanilang buong buhay ay inialay sa pag-aaral ng buhay ni Rizal.

    Pero sino ba naman ang hindi makakakilala kay Rizal? Halos lahat na yata ng bagay ay ipinangalan na kaniya mula sa isang palaka at kulisap hanggang sa malaking probinsya dito sa Pilipinas.  Ang pangalan nya ay makikita kahit saang sulok at  pati ang kanyang mga monumento ay nagkalat sa Pinas pati na sa ibat-ibang bansa. Napakaraming mga libro, kwento, sanaysay at ibat-iba pang mga panulat ang nalathala tungkol sa kanya. Ang kaniyang buhay ay isina-pelikula ng ilang ulit. Sa tingin ko ang pinakamagandang pelikula  na halaw sa buhay ni Rizal ay iyong ginampanan ni Cesar Montano. Sana dumami pa ang ganitong mga pelikula na talagang makatotohanan ang pag-kakasalarawan sa buhay niya.

    Si Rizal ay 35 na taong gulang lamang noong siya binaril sa Luneta noong 30 December 1896! Talagang napakabata pa niya noong namatay . Kaya’t dito ay masasabi na idolo si Rizal ng mga kabataan. Sa mga nabasa ko sa kaniyang buhay ay talagang nakakamangha at kahanga-hanga ang kaniyang mga nagawa.  Naisip ko nga na kahit hindi pa uso noon ang pag-sakay sa eroplano at barko lang ang ginagamit sa paglalakbay ay napakaraming bansa ang kaniyang napuntahan gaya ng Hongkong, Espanya, Europe, England, Japan at Amerika.  Ngayon sa hirap ng buhay dito sa Pinas, napakagastos na ang mangibang bansa. Siguro sa ngayon mararating lang ang ganito karaming lugar sa labas ng Pilipinas kung nagtratrabaho bilang marino. Iyong talagang mayayaman na lang at mga artista marahil ang maaring mag “around the world”.  Noong nabroken-hearted nga lang si KC na anak ni Sharon ay sa Europe agad pumunta.  Mabuti pa siya!  Ang karaniwan na kasi sa ngayon ay kapag nag-abroad ay para magtrabaho bilang OFW. Dahil sa hirap talaga ng buhay dito sa Pilipinas kahit ang ating mga guro ay naiisipan na magtrabaho sa gitnang silangan at ibang bansa upang maiahon lang sa hirap ang mga mahal sa buhay.

    Marami akong nakakausap na nawawalan na ng pag-asa dito sa ating bayan. Pahirapan na nga ang paghahanap ng trabaho at maliit pa ang sweldo.  Iyong mga kakilala ko na pinalad makatapak sa Amerika ay nakakapunta sa Universal Studios, San Diego Zoo, nakakapag-skate boarding sa Lake Tahoe at nakakabili ng magagarang mga sasakyan. Dito sa Pinas, pangarap na lang magka-kotse para sa pangkaraniwang empleyado. Sa madaling salita, sa tate raw ay nakikita ang mga pinaghirapan, hindi gaya rito sa Pinas na ang sahod ay para bang dumaraan lang sa palad.

    Napanood ko nga sa TV na ang mga palaboy o iyun bang “homeless” na pinoy sa Amerika ay tumatanggap ng anim na raang dolyar mula sa  gobyerno. Nasabi ko tuloy na para bang sinayang ng mga taong ito ang pagkakataong nasa Amerika na sila! Sana ang mga palaboy na iyon ay nagsipag at nagsikap at hindi sinayang ang pagkakataon na nakarating na sila sa Amerika. Sana naisip nila na pangarap ng maraming Pinoy ang makarating sa bansang iyun. Maswerte nga sila dahil dito sa Pinas ang mga palaboy talagang nanlilimahid at walang makain! Kaya’t marami talaga sa ating mga kababayan ang nangangarap na makapunta sa Amerika.

    Pero bakit ganun? Ang iba ko namang kamag-anak na naninirahan na sa Amerika ay nag-sasabing mahirap din daw ang buhay doon. Malaki lang daw ang halaga ng dolyar kung dito sa Pinas gagastusin pero kung duon din ay wala rin. Baun ka rin daw sa utang sa Amerika at wala kang dapat gawin kung di ang kumayod ng husto para mabayaran ang iyong mga utang. Isa pa, marami sa mga kamag-anak ko na kapag tumanda na ay ninanais talagang dito sa Pinas mag-retiro. May kilala nga rin ako na kahit pwede na siyang mag-imigrate sa states ay pinili niya pa ang magtrabaho rito at manirahan sa ating bansa.

    Marahil ay depende na lang siguro sa tao yan. Dapat maging masaya at mag-pasalamat sa ano mang bagay na ibinigay sa atin ng Panginoon. Huwag ipilit kung hindi talaga para sa iyo ang tinatawag na “American dream”. Kaya’t palagay ko na hindi tama na maging isang nurse kung hindi naman ito ang sinasabi ng  puso at hindi naman  talaga ito ang nais na propesyon.  Minsan kasi marami ang gusto na maging nurse para ito ay gawing tiket upang makapunta ng Amerika at ibang bansa. Kung sabagay, wala namang masama rito. Ang nararapat na lang ay ating suportahan kung saan masaya ang ating kababayan.  Tulungan nating matupad ang pangarap ng bawat isa.

    Bukod sa napakaraming naging propesyon at karakter ni Rizal gaya ng pagiging isang doktor, manunulat at pintor, siya din ay isang manlalaro ng ahedres o chess.  Si Rizal ay isa ding chessplayer! Tuwing may bakanteng oras ay nakikipaglaro si Rizal ng chess sa mga kapwa niya pinoy at sa mga taga-ibang bansa. Sa paglalaro ng chess ay nahahasa kasi ang utak. Sana nga lang ay  naisulat ni Rizal ang kanyang mga “moves”. Sa ganitong paraan kasi ay malalaman kung si Rizal ay isang mahusay na manlalaro ng ahedres. Pero sa aking palagay siya ay isang magaling na manlalaro ng chess. Sabi nga nila ang chess ay laro ng mga may utak. Kaya’t sa aking palagay si Rizal ay magaling na manlalaro ng chess sapagkat tinuturing natin na siya ay isang henyo.  Kayat nararapat lang mayroong “Chess Plaza” sa Luneta. Sa Circle daw sa Quezon Memorial Circle ay naibalik na ang Chess Plaza at ito ay nalipat  malapit sa building ng Admin at basketball court. May mga naliligaw pa rin daw na mga players na inaabot ng gabi sa pag-lalaro dito. Sana lang ay bigyang pansin  ng lokal ng gobyerno ng QC ang pagkakaroon ng maayos na pag-lalaruan ng chess sa Circle.

    Noong mag-aaral pa lang si Rizal ay napuna niya na tayong mga Pilipino ay higit na pinahahalagahan ang kinabibilangan nating rehiyon tulad ng ating pagiging Ilokano, Bisaya, Bikolano o Kapampangan. Sa pananaw ni Rizal ay hindi ito nakabubuti sa ating bansa. Ang kailangan ay magkaisa at pagbuklurin ang lahat! Kahit saang rehiyon man nabibilang, lahat tayo ay mga Pilipino sa ilalim ng isang bansang Pilipinas. Ito ang dahilan kung bakit itinatag ni Rizal ang “El Companerismo” noong siya ay mag-aaral pa lamang.  Si Rizal daw ay 19 pa lamang noon. Ang isa sa mga layunin ng sekretong organisasyon ito ay linangin ang pagmamahal sa ating bansa sa pamamagitan ng edukasyon.

    Nararapat talaga na ang nga Pilipino ay mahalin ang bansang kanilang pinang-galingan. Iisa lang ang Pilipinas! Kahit saang panig ng mundo pa man tayo mapadpad ay Pilipino pa rin tayo. Hindi natin ito maipagkakaila at maitatanggi. Marami nga akong kamag-anak na nasa ibang bansa ang laging sinasabi na kung hindi lang talaga dahil sa  pera ay mananatili sila rito sa ating bansa.  Sa totoo lang naman talaga ay marami sa ating mga kababayan ang nais nang bumalik dito sa Pinas  kung mayroon lang magandang kabuhayan dito.

    Noon pa man ay naniniwala na si Rizal na ang ating mga kabataan ang siyang pag-asa ng ating bayan. Walang bahid ng pag-aalinlangan ang paniniwawala ni Rizal sa kakayahan at talino ng ating mga kabataan. Naalala nyo pa ba ang mga katagang ito na isinulat ni Rizal?-

    “Where are the youth who will consecrate their golden hours, their illusions, and their enthusiasm to the welfare of their native land? Where are the youth who will generously pour out their blood to wash away so much shame, so much crime, so much abomination?… Where are you, youth, who will embody in yourselves the vigor of life that has felt our veins, the purity of ideas that has been contaminated in our brains, the fire of enthusiasm that has been quenched in our hearts.”

    Sana ang mga kabataan ngayon ay laging isaisip ang mga isinulat na ito ni Rizal.  Pero nararapat rin na bigyan ng mga nasa puwesto ang ating mga kabataan ng pagkakataon at oportunidad na maka-pagtrabaho at makapag-silbi sa ating bansa. Dito kasi sa Pinas kaunti lang ang pwedeng pasukang trabaho. Kayat marami sa ating mga kabataan ang makikitang nakatambay lang kung saan. Kahit  ang mga nakapagtapos nga sa mga kolehiyo ay talagang hirap na hirap makahanap ng trabaho. Marami sa ating mga kabataan ang nakahandang magsilbi sa  para sa ating bayan! Ang kailangan lang ay ang mabigyan sila ng tamang pagkakataon!

    Kung buhay kaya si Rizal ngayon ano kaya ang kaniyang maipapayo sa ating gobyerno para matulungan ang ating mga kabataan? Aayon kaya siya na dagdagan ang taon ng pag-aaral sa hayskul? Ang panukalang gawing hanggang Grade 7 ang hayskul ba ay makakatulong na itaas ang antas ng edukasyon sa Pinas? Sa palagay ko ay hindi naman sa dami ng taon ng pag-aaral ang kailangan para maitaas ang mababang kalidad ng edukasyon dito sa ating bansa. Ang kailangan siguro ay bigyan muna ng kaukulang pansin ang kakulangan sa mga gamit sa eskwelahan pati na ang mababang sahod ng mga guro.  Paano naman ganap na makapagbibigay ng atensyon ang isang estudyante kung mismong upuan lang ay wala.  Sa maraming paaralan rito sa Pilipinas ang mga estudyante ay sa lapag na lang nauupo tuwing may klase dahil sa kawalan ng maayos  na upuan. Ang mga libro naman ay kulang at marami ang sira-sira na talaga. At paano naman makakapagturo ng maayos ang ating mga guro kung ang sweldo nila ay kapos sa kanilang mga pangangailangan sa araw-araw? Ngayon ba may mga guro pa ring nagtitinda ang kung ano-ano habang sila ay nagtuturo sa mga klase?

    Sa batang edad kasi ni Rizal ay inialay nya ang kaniyang buong buhay para sa ating bansa. Para ngang nabuhay si Rizal ng napakahabang panahon sa dami ng kaniyang mga nagawa. Minsan nga ang hirap paniwalaan na 35 pa lang si Rizal noong namatay.  Tuwing tinitingnan ko nga ang larawan ng pag-baril sa kanya sa Luneta ay parang isang bata lang na nakatalikod ang babarilin ng mga kastila. Sayang nga kasi ang larawan ay mayroong kalabuan. Hindi makita ang mga detalye.  Sana lang may kuha ng “close-up” kung saan kita ang ekspresyon ng mukha ni  Rizal habang siya ay nakatalikod at hinihintay niya ang pag-putok ng baril. Sabi ng ating kasaysayan ay naging matapang raw ang pagharap ni Rizal sa kaniyang kamatayan.  Hindi raw siya kinakitaan ng takot at kaba.

    Ang mga kabataan kaya ngayon nakahanda pa ring ibuwis ang kanilang buhay para sa ating bansa? Nakakalungkot ngang isipin na marami sa ating mga kabataan ang para bang nasasayang lang ang buhay. Marami ang nalululong sa masasamang bisyo at mga gawain. Ang kahanga-hanga kay Rizal ay hindi niya sinayang ang bawat sandali ng kaniyang kabataan. Ginugol nya ang bawat segundo ng kaniyang buhay sa mga bagay na mayroong halaga.  Talagang disiplinado si Rizal at lagi siyang nag-iisip kung ano ang mga mahahalagang  bagay na maaring gawin sa kaniyang oras.  Ito marahil ang dapat ang gayahin ng ating mga kabataan.  Nararapat pahalagahan ang bawat oras na dumaraan sa ating buhay. Ang bawat minuto na lumilipas ay hindi na maaari pang ibalik. Kayat ang mga kabataan ay hindi dapat  inuubos ang oras sa pag-lalaro ng computer games. Pahalagahan  ang bawat oras!

    Sana sa ating mga kabataan ay hindi mawala ang ideyalismo at pagmamahal sa ating bayan. Kapag nanunuod ako ng sine at nakikita ko na may mga kabataang hindi na tumatayo tuwing inaawit ang Lupang Hinirang, naaalala ko si Rizal at ang iba pa nating mga bayani. Naiisip ko ang kanilang paghihirap para sa ating kalayaan. Sana mabago na ang pag-uugaling ito. Kahit sa ganitong pag-kakataon lang ay ipakita natin ang pagmamahal sa ating bansa.