• Kamusta ang nakaraang pasko ninyo? Naging masaya ba kayo? Nakumpleto nyo ba ang simbang gabi? Noong sinalubong ninyo ang bagong taon hindi ba kayo naputukan?

    Hindi ko talaga mawari ang aking damdamin bakit tuwing pasko ay nakadarama ako ng kalungkutan.Sabi nila – ang pasko raw ang pinakamasayang araw ng taon. Ito kasi ang ang kaarawan ng ating Panginoon! Sana ay hindi natin makalimutan na ito ang pangunahing dahilan kung bakit natin ipinagdiriwang ang petsang December 25.

    Pero kahit napakarami pa ng mga palamuti, pagkain at masasayang awiting pamasko ay tila ba may kurot lagi sa puso ang okasyong ito. Hindi lubos ang kasiyahan at para bang lagi na lang may kulang. Para bang lagi na lang may hinahanap hanap na kulang sa ating buhay. Ang lamig ng simoy ng hangin ay wari bang nag-babadya ng pangungulila sa isang mahal sa buhay na nawalay. Lagi na lang na mi-miss ang isang taong wala na sa tabi.

    Naalala mo pa ba ang pinakamasayang pasko sa iyong buhay? Siguro, ang pinakamasayang pasko talaga ay mararanasan lang kapag bata pa. Iyong musmos pa lang kung saan magkaroon lang ng bagong damit ay tuwang-tuwa na. Kapag bata pa kasi parang lahat ng bagay at karanasan ay bago at kakaiba. Ang makapamasyal lang sa mga simpleng pasyalan tulad ng Rizal Park at Intramuros ay nakakapag-pasaya na ng husto sa mga paslit. Naalala ko nga noong pasko at nasa elementarya pa lang ako ay tuwang-tuwa ako sa binigay sa akin ng ninong ko na isang daang piso na limang malulutong ng bente pesos. Parang milyonaryo na ang pakiramdam ko noon! Noong araw kasi ang P100.00 malayong-malayo na ang mararating. Marami na ang mabibiling pagkain at pwde na ring pambili ng pampormang damit. Pero sa ngayon, kapag P100.00 lang ang inabot sa inaanak ay talagang kuripot na ang tawag sa ninong. Bakit kaya ganito, papaunti at pababa ang halaga ng ating pera? Noon malaking bagay na ang makapulot ng piso. Ngayon parang wala na talagang halaga. Naalala nyo pa ba ang “mamera”? Iyong isang sentimo na si Lapu-lapu pa ang tao? Dati sa SM na lang ginagamit ito bilang panukli pati na iyong singko na may butas. Ang alam ko ang tao sa singko si Melchora Aquino at sa diyes ay si Francisco Baltazar. Tama ba? Noong huling nahawakan ko ang mga perang ito ay talagang wala na talagang halaga. Sa palagay ko kapag nahulog ito ay hindi na pag-tyatyagaang pulutin ng mga bata ngayon.

    Naalala ko nga ang sinabi ng isang kaibigan ko na ang regalo daw sa bata dapat “daanin sa laki”. Mas makakatipid daw kung laruan ang ibibigay sa bata kaysa ang pera. Ang pera daw kasi sa magulang lang napupunta. Kahit mag-bigay ng isang libo sa bata ay hindi niya mararamdaman ang halaga nito. Hindi katulad ng laruan, kapag nakita ng bata na malaki ang kaniyang regalo at nakabalot ng maganda at makulay ay tuwang-tuwa na ang bata. Ang karaniwang laruan na nireregalo ay iyong mga kotse, manyika, at mga baril-barilan. Ang “stuff toy” ba maganda ring iregalo sa mga bata? Noong din bata pa ako ay gusto ko na laruan ang regalo na natatanggap ko. Pero okay na rin kung pera kasi naibibili ko ito ng bagong damit. Sa ngayon ang pinakamababang halaga na iregalo sa bata at hindi mabansagang kuripot ang ninong o ninang ay limandaang piso. Parang mahina na talaga ang isandaan. Kaya’t praktikal ang bumili na lang ng mga laruan at daanin na lang sa laki. Kapag nag-tiyaga kasing makipag-siksikan sa Divisoria ay marami ng laruan ang mabibili ang isang libo. Kaya lang mahirap naman dahil sa sobrang dami ng tao! Pero kung gusto talagang makatipid, di bale na ang makipagsiksikan. Ang mahalaga ay makapag-bigay ng aginaldo sa mga inaanak at sa mga mahal sa buhay. Minsan lang naman kasi dumating ang pasko. Yung mga may kaya at ayaw makipagsiksikan sa Divisoria, ay nag-pupunta na lang sa mga malls. Dito ay medyo maginhawa ang pamimili kasi “airconditioned”. Kahit may kaunting kamahalan ang mga laruang ibinibenta sa mga malls ay tinatangkilik pa rin ito ng maraming pinoy dahil nga konbenyente ang mamili rito. Minsan nga napapansin ko na hindi naman nalalayo ang presyo ng ibang laruan na ibinibenta rito kumpara duon sa Divisoria.

    Tuwing nakikita ko ang napakaraming mga tao sa malls, tiangge at Divisoria na abalang namimili ay lagi kong naitatanong sa aking sarili kung totoo ba talagang naghihirap ang buhay ng mga tao dito sa Pilipinas? Napakarami ng mga sasakyan sa daan. Ang mga tao hindi mag-kandaugaga sa pamimili ng mga regalo. Ang mga restawran ay hindi nawawalan ng mga parokyano. Kapag ganito ang makikitang sitwasyon, hindi aakalaing nag-hihirap ang mga Pilipino. Siguro nasa kultura na nating mga pinoy ang walang patumanggang pag-gastos tuwing may okasyon kahit mabaon pa sa utang. Laging “bahala na ang bukas” basta ngayon masaya. Tuwing may bumabati ng “Merry Christmas” parang iba na ang dating at kahulugan. Para bang lagi na lang nanghihingi ng regalo. Hindi ba ipinagbawal dati ang pagbati ng “Merry Christmas sa mga airport natin? Tuwing bumabati kasi ng ganito sa mga balikbayan at foreigners ang mga tauhan sa airport ang dating ng mensahe ay pag-aabang ng lagay o anumang iaabot. Nakakalungkot nga kasi parang ang baba na talaga ng tingin sa ating mga Pilipino. Para bang lagi na lang tayong nanghihingi. Sana mabago na ang pananaw na ito ng mga taga-ibang bansa sa ating mga pinoy!

    Kaya lang minsan marami rin kasi sa atin ang mapagsamantala. Naalala ko nga noong umuwi galing abroad ang isang kamag-anak ko at sumakay kami sa taxi na naka toka sa airport ay talagang malaki ang siningil sa amin. Sa madaling salita ay “taga” talaga! Ang masama pa ay nanghingi pa ng kahit ano raw na “imported” yung driver. Grabe talaga! Para bang ang tingin nila ay milyonaryo lahat ng galing abroad. Kayo ba may karanasan na ring ganito sa airport natin? Alam ko na napakahirap ng buhay sa ibang bansa. Marami na ang nag-kwento sa akin kung gaano kahirap ang kumayod para lang kumita sa ibang bayan. Kayat tigilan na sana natin ang ugaling manghingi! Ipakita natin na tayong mga Pilipino ay totoong masipag!

    Sa isang mall na pinuntahan ko noong nakaraang pasko ang bati ng saleslady as akin ay “Happy Holidays” at hindi “Merry Christmas”. Sa palagay ko “happy holidays” ang tamang pagbati para hindi na nabibigyan ng ibang kulay ang kapaskuhan. Talaga kasing naging “commercialized” na ang Pasko dito sa Pinas. Parang hindi na kumpleto kung walang regalo. Yung saleslady na nakita ko talagang pagod na pagod sa dami ng tao. Paroot-parito siya sa dami ng mga namimili. Minsan napapagalitan pa siya ng ibang mga customer. Sana isipin naman ng mga namimili ang kalagayan ng isang saleslady. Igalang at irespeto natin sila! Hindi madali ang trabahong ito. Sana magkaroon ng mga batas na proprotekta sa kanilang mga karapatan. Mabuti nga dahil dito sa Pilipinas bata at magaganda ang ating mga saleslady!

    Bakit kaya ganun ang pasko? Dapat masaya pero lagi na lang may kaakibat na lungkot. Ngunit ang higit na nakakalungkot, bukod sa gulo sa pulitika, ay ang pag-salanta ng bagyong “sendong” sa ating mga kababayan sa sa Cagayan de Oro, Iligan at iba pang karatig na lugar kung kelan nalalapit na ang kapaskuhan. Sa nakita ko sa TV ay talagang nakakapanlumo ang sinapit ng ating mga kababayan sa mga lugar na ito. Ilang libong buhay na ang nasawi at napakarami pa sa ating mga kababayan ang nawawala! Napakarami ring mga ari-arian ang nasira. Ang mga imprastraktura na nawasak sa lugar ay milyon na ang halaga. Sana ay makabangon ang ating mga kababayan sa lugar na iyon sa taong ito. Lubos talaga ang aking pasasalamat sa lahat ng mga nagbigay ng tulong sa mga nasalanta nating mga kababayan! Nararapat ring pasalamatan ang pakikiramay at pagtulong sa atin ng ibang bansa. Sana lang ay tiyakin na lahat ng tulong na ito ay makakarating sa mga nasalanta. Huwag na sana itong pag-interesan ng mga tiwali ang mga donasyong ito! Isa sa magandang ugali nating mga Pilipino ay pagtutulungan sa panahon na pangangailangan. Sana huwag mawala ang “bayanihan” sa atin dito sa Pinas. Patuloy tayong tumulong sa mga nangangailangan sa abot ng ating makakaya!

    Tuwing may ganitong mga pangyayari ay nagbibigay ng pag-asa sa mga nasalanta ang mga bigay na tulong. Bukod sa hatid na materyal na bagay, ang pagpapaabot ng tulong ay pagbibigay na rin ng mensahe ng pag-asa. Ang mawalan ng mga mahal sa buhay kasabay ng pagkasira ng mga pinag-ipunang mga ari-arian ay napakatinding kalungkutan ang resulta. Nagdudulot pa raw ng na depresyon ang ganitong sitwasyon. Kaya’t nararapat lang na patuloy nating bigyan ng pag-asa ang mga kababayan nating dumanas ng mga kalamidad. Patuloy tayong magbigay ng ating makakaya hanggang makaahon sila sa hirap na kanilang dinaranas. Nagsimula na nga ang mga pagtuturuan kung sino ang may kasalanan sa nangyaring trahedya. Ibat-ibang dahilan na ang mga naglabasan kung bakit nangyari ang mabilis na pagtaas ng tubig sa lugar. Nagsisisihan na rin ang ibat-ibang panig at lumabas na ang mga kakulangan kung bakit nangyari ang ganitong trahedya. Bukod siguro sa ibang mga dahilan ay dapat isipin na natin ang pagkasira ng ating mga kagubatan. Sa dami ng mga inanod na troso ay hindi maipagkakailang isa ito sa mga dahilan kung bakit nagkakaroon ng madalas na pagbaha at pag-guho ng lupa. Naalala ko tuloy ang dokumentaryo ng GMA 7 na may pamagat na “Oras Na”. Sana isipin na natin ang seryosong at epektibong pangangalaga sa ating mga kagubatan at iba pang likas-yaman!

    Dahil nga sa dami ng mga natagpuang bangkay sa dagat marami ang hindi bumibili ngayon ng isda. Kahit bumagsak na ang presyo ng isda ay marami pa rin ang hindi bumibili. Nangangamba kasi ang mga namimili na nakain ng mga isdang ito ang ilang bangkay na nakitang palutang-lutang sa dagat. Kung sabagay talagang nakakarimarim rin ikonsumo ang isdang nakatikim ng bangkay na inanod sa dagat. Sana mag-palabas ng opisyal ng pahayag ang ating gobyerno tungkol sa isyung ito. Nakakaawa rin ang lagay ng ating mga mangingisda at iba pang nabubuhay sa pagtitinda ng mga isda.

    Noong nakaraang Disyembre, ang dami talagang nangyari sa bahagi pulitika sa ating bansa. Nariyan ang pag-aresto sa dating Pangulo. Ang pagsuko at pagkakulong ng Chairman ng Comelec at ang pagka-impeach ng Punong Mahistrado ng Korte Suprema. Ganuon ba iyon? Kapag nagkampihan na pala ang ating mga mambabatas ay madali na matanggal sa pwesto ang isang mahistrado ng Korte Suprema. Sana ay mabigyan ng patas na pag-lilitis ang ating Punong Mahistrado at anumang desisyon ay nararapat na base lamang sa ebidensya.  Lagi sanang isaisip na ang isang Korte Suprema na “independent” at may integridad ang sandigan ng ating demokrasya.

    May isang batang artista pa ang tamapos sa kanyang sariling buhay ilang araw bago mag-bagong taon. Marami nga ang nagtatanong kung bakit niya ito nagawa? Minsan kasi ang depresyon nauuwi sa pagkitil sa sariling buhay. Naalala ko tuloy ang dating pinuno ng ating hukbong sandatahan na tinapos rin ang kaniyang buhay habang iniimbestigahan siya ng Senado. Sa lahat ng ating mga kababayan na nalulungkot at dumaranas rin ng depresyon  ay magkaroon sana sila ng lakas ng loob at kasihan sila ng ating Panginoon. Lumapit lang kayo sa Diyos at walang problema o pagsubok na hindi kayang lutasin sa  tulong Niya!

    Ayon sa balita may namatay at marami na naman ang nasugatan sa pagsalubong sa Bagong Taon. Kahit may kampanya na ang DOH ay marami pa rin ang nag-paputok. Hindi na talaga mawawala sa ating mga pinoy ang kaugalian ng pag-papaputok tuwing magpapalit ng taon. Ang paniniwala kasi dito sa Pinas ay ang pag-papaputok ay para bugawin ang mga masasamang espiritu. Ang tanong lang ay kung sa kalye magpaputok, hindi kaya mabugaw ang masasamang espirito at pumasok sila sa mga bahay? Kaya’t sa palagay ko ay hindi totoo ang ang paniniwalang ito. Higit sigurong magiging maganda ang taon para sa ating mga Pilipino kung sasalubungin natin ito tahimik at mapayapa.  Bakit kaya hindi natin ito subukan? Siguro kapag sinalubong natin ang Bagong Taon ng mapayapa at tahimik ay maiiwasan natin ang napaka-gulong buhay.

    Huwag na lang tayo magpaputok para maiwasan ang disgrasya at gastos! Ngunit ang sabi naman ng iba ay bitin daw ang selebrasyon ng Bagong Taon kung walang paputok. Pero sa aking palagay ay para sa ikabubuti ng higit na nakararami ang pagbabawal na sa mga paputok tuwing sasapit ang Bagong Taon. Kahit iyong mga hindi nagpapaputok ay nadaramay sa kagagawan ng iba. Bukod sa mga paputok ay nararapat ring higpitan ng ating mga kinauukulan ang pagpapaputok ng baril tuwing sasapit ang Bagong Taon. Kahit kitang- kita naman ang pag-nananais ng kapulisan na busalan ang kanilang mga baril ay marami pa rin ang nagiging biktima ng mga ligaw na bala. Nakakalungkot nga ang balita na isang batang pitong taong gulang ang namatay dahil tinamaan siya ng ligaw ng bala noong selebrasyon ng Bagong Taon. Sana ay makonsensiya ang taong may gawa nito. Kaya lang napakahirap tukuyin ang may kagagawan kung sino ang nakabaril. Marami kasi ang mga baril na hindi rehistrado at nasa kamay ng mga walang malasakit nating kababayan. Sa palagay ko ay tama lang ang panukalang i-suspendi ang lahat ng “permit to carry” ng mga baril tuwing sasapit ang Bagong Taon.

    Ganito naman talaga sa Pinas tuwing Bagong Taon. Paulit- ulit lang lagi ang paalala ng gobyerno na huwag ng magpaputok. Kaya lang kahit ilang ulit ang panawagan ng pamahalaan na huwag magpaputok ay wala ring nangyayari. Hindi pa rin mapigilan ang pinoy na magpaputok. Mula sa illegal na mga paputok tulad “piccolo” at “goodbye Philippines” hanggang sa pangkaraniwan gawa ng rebentador at mga kwitas ay bumibili ang mga Pilipino. Pero sa tingin ko dahil na rin siguro sa hirap ng buhay ay nabawasan na rin ang mga bumibili nito. Ang hirap pagtrabahuhan ang pera pagkatapos ay ibibili lang ng mga paputok. Kahit paano ay nakakapanghinayang rin.

    Ilang araw bago ang Bagong Taon ay mabili ang mga prutas na hugis bilog. Ang paniniwala kasi ay nagdadala raw ito ng swerte. Ang mga bilog na prutas raw ay sumisimbolo ng pera. Kung sabagay wala namang masama ang sumunod sa mga pamahiin. Ang dapat lang natin tandaan ay higit pa ring makapangyarihan ang pagdarasal sa ating Panginoon. Lagi nating isipin ang napakaraming biyayang ibinigay Nya sa atin at patuloy natin Siyang pasalamatan. Para umunlad ang ating buhay ay samahan din natin ng sipag at tiyaga. Huwag tayong mawalan ng pag-asa sa buhay. Ganyan talaga ang buhay, minsan nasa ilalim at minsan naman ay nasa ibabaw. Paikot-ikot lang ang buhay. Ang kailangan lang ay patuloy na kumilos para umunlad ang buhay. Laging ipag-patuloy ang pakikibaka. Laging maging positibo at isipin na ang Diyos ay laging nasa ating tabi at kahit kailan ay hindi Niya tayo iiwan.

    Ito sanang 2012 ay maging mapayapa at masagana sa ating lahat!

  • Patuloy nating tulungan ang mga kapatid nating nasalanta ng bagyong “sendong” sa  Cagayan de Oro, Iligan City at sa mga karatig pang probinsya! Ayon sa balitang aking nabasa ay pumalo na sa higit isang libo ang mga nasawi at napakarami na rin ang nasugatan at mga nawawala.

    Kalunos-lunos talaga ang nangyari sa ating mga kababayan. Maraming mga patay ang pinaghahanap pa. Maraming nasirang bahay at iba pang mga ari-arian.  Bagsak ang kabuhayan wasak ang lahat ng pangarap! Hindi ko talaga lubos na mawari kung paano ipinagdiwang ng ating mga kababayan sa mga nasalantang lugar ang Pasko. Paano na kaya ang kanilang Bagong Taon?

    Malamang raw ay hindi sila handa sa ganitong kalamidad. Madalang lang kasi bumagyo sa ganitong mga lugar.  “Climate change” raw ang dahilan kung bakit ang mga lugar na dati ay hindi binabagyo ay nakakaranas na sa ngayon. Kaya lang sa napakaraming troso na inanod  sa baybayin ay tiyak ko na ang walang habas na pagsira sa ating mga kabundukan ang isa sa mga dahilan kung bakit nangyari ang trahedyang ito. Sana talaga ay tigilan na ng mga “illegal loggers” ang pagkalbo sa ating mga kagubatan! Kapag  nagpatuloy ang pagsira sa ating mga kalikasan dit sa ating bansa at sa buong mundo ay paulit-ulit nating mararanasan ang ibat-ibang  mga kalamidad. Ilang “ondoy” at “sendong” pa kaya ang dapat nating maranasan para tayo magbago?

    Gayunpaman, hindi ito ang panahon para mag-turuan at magsisihan! Tulungan muna natin ang ating mga kababayan sa CDO, Iligan at iba pang mga lugar. Sa lahat ng nag-paabot ng kanilang tulong ay lubos ang pasasalamat sa inyo!!!

  • Hindi ka raw taga – Quezon City kapag hindi ka pa nakapunta sa Quezon Memorial Circle (“QMC”) o “Circle”. Isa itong landmark ng lungsod kung saan ang matayog na dambanang Quezon ay matatanaw.  Malapit lang ito sa City Hall at isang tawid lang ng lansangan ang Ninoy Aquino Parks and Wildlife Center.

    Tuwing mapapasyal ako dito ay di ko maiwasang ihalintulad ito sa Luneta o Rizal Park.  Gaya ng Luneta kung saan

    Dambana sa Quezon Memorial Circle

    naroon ang labi ni Rizal, dito sa QMC nakalibing si dating Pangulong Quezon. Ito ang “Quezon Memorial Shrine”. Ang ilalim ng dambana  ay ginawa ng museo kung saan makikita ang mga larawan ng pamilyang Quezon.  Narito rin ang ilang bagay na naiwan nya.

    Kung ating babalikan ang nakaraan si Manuel L. Quezon (1878-1944) ay nagsilbing Pangulo ng ating bansa mula 1935 hanggang 1944 kung saan isa sa kanyang pamosong mga sinabi ay:

    I would rather have a country run like hell by Filipinos than a country run like heaven by the Americans because however bad  Filipino government might be, we can always change it.”

    Sa palagay ko noong araw pinalakpakan ng husto ang mga pananalitang ito kasi noong panahon nya hindi pa ganito kahirap ang buhay ng  mga Pilipino.  Ngayon kasi ang palitan ng piso sa dolyar ay 1:43+.  Isa pa hindi ganuon kadali baguhin ang isang gobyernong pinatakbo na para bang isang impyerno. Aminin man natin o hindi marami sa ating mga kababayan ngayon na ang nakikita na lang pag-asa para umangat ang buhay ay ang makatapak sa amerika at sa iba pang bansa.  Sabi kasi ng mga nag-desisyon ng mag-abroad kahit iwanan pa ang kanilang pamilya, dito raw sa Pinas ay kahit ano pang kayod ang gawin hindi pa rin makakamit ang mga simpleng pangarap. Ang hirap matikman ang ginhawa!

    Dito sa Pinas ang minimum wage “daw” ay P 426.00 sa NCR. Ibig sabihin na ang isang trabahador ay nararapat  tumanggap ng hindi bababa sa P 426.00 o kulang kulang sampung amerikanong dolyar kada araw. Nasabi kong “daw” kasi may mga nakausap akong mga mang-gagawa na mas mababa rito ang tinatanggap na arawang sahod. Pero, paano kaya naipagkakasya ng isang pamilyadong tao ang P 426.00 sa isang araw? Sa mag-isa nga lang sa buhay kapos na ito kahit sa pang-araw araw lang na mga pangangailangan.

    Dahil sa hirap talaga ng buhay natin dito sa Pilipinas ay parami talaga ng parami ang nag-nanais na makapunta ng ibang bansa. Marami kasi ang naniniwala na  ang kanilang kapalaran ay wala rito sa atin kundi ay nasa ibayong dagat. Wala raw mangyayari kung hindi makikipagsapalaran! Minsan naniniwala na ako na totoo ito.  Pahirap na talaga ng pahirap ang pag-hahanap ng trabaho dito sa Pinas! Lahat na halos ng opisina sa Makati at Ortigas pinasahan na ng resume  at bio-data pero ilang taon na ang lumipas hindi pa rin dumarating ang hinihintay na tawag.  Palakasan daw kasi ang pag-kuha ng trabaho kaya marami na lang humahanap ng ibang diskarte o napipilitan na lang na maging “under-employed”.  Pagdating rin daw sa promosyon sa trabaho kahit na sa gobyerno ay palakasan pa rin!

    Napakamasalimuot ng problemang ito kaya’t minsan kahit ang gobyerno natin tuliro sa dapat gawin. Sa patuloy kasi ng pag-laki ng populasyon dito sa Pinas mahigit singkwenta o higit pang mga aplikante ang nag-aaply sa iisang bakante. Pahirapan talaga kung hindi man ay swertihan na lang ang makahanap ng matinong mapapasukan.

    Hindi malaman kung ano talaga ang pinakamabisang solusyon sa problema ng kawalan ng trabaho. Kapag pinilit namang gawan ng paraan ng ating gobyerno na pigilan ang paglaki ng ating populasyon nagiging mitsa naman ito ng walang katapusang bangayan ng pamahalaan at ng simbahan. Nalilito tuloy ang ordinaryong Pilipino. Hindi na malaman kung ano talaga ang tama.

    Gayunpaman, hindi natin dapat iasa ang lahat sa gobyerno. Kailangan rin nating kumayod. Alam nating lahat ito.  Pwedeng magsimula ng mag-negosyo at maging self-employed. Ika nga huwag mawalan ng pag-asa sa buhay! Marami ng kwento tungkol sa mga mayayaman ngayon na nag-simula sa wala. Pero kailangan talaga ng tiyaga! Hindi pwede ang ningas-kugon lang.  Para umunlad  ang buhay ang kailangan ay patuloy na pag-sisikap. Walang mangyayari kung hindi mag-titiyaga…

    Katulad ng Luneta, ang Circle rin ay isang pook pasyalan. Isa rin itong lugar kung saan ang mga tao ay nakakahanap ng lugar kung saan maaaring mag-palipas oras.  Pwede ritong mag-lalakad lakad at maupo lang at magbasa ng mga aklat. Kung may panahon lang ako ay gusto kong basahing muli ang mga libro ni John Grisham, Stephenie Meyer, J.K. Rowling, Charles Dickens, Nathaniel Hawthorne, Fyodor Dostoyevsky at iba pang mga manunulat sa lilim ng mga puno dito sa Circle. Gusto ko rin sanang maulit basahin ang Noli at Fili ni Rizal.

    Hanga nga ako sa mga manunulat na ito kasi ang galing nila talagang sumulat. Sa kanilang mga nobela ay nahubog nila ang kaisipan ng maraming tao. Tuwing binubuklat ko ang mga pahina ng kanilang mga libro nakakabilib ang kanilang talino at tyaga sa pag-susulat. Higit nga na nakakabilib ang tyaga sa pag-susulat nila Dickens, Hawthorne, Dostoyevsky at Rizal kasi noong panahon nila ay di pa uso ang computers at laptop!  Si Rizal nga nasulat nya pa ang kanyang mga nobela noong panahong kapos na kapos sya sa pang-gastos. Naisip na ngang sunugin ni Rizal ang kanyang nobela dahil sa matinding pag-kadismaya. Kahit nga nakakulong na si Rizal sa Fort Santiago at kahit alam nya na bibitayin na sya kinabukasan ay kalmado pa rin sya nakapag- sulat! Dito as aspetong ito nakakabilib talaga si Rizal kayat nararapat lang na ituring siya bilang ating pambansang bayani.

    Sana dumami pa ang ating mga manunulat ng ibat-ibang mga  nobela at libro.  Bigla tuloy sumagi sa isip ko ang “komiks”. Naalala nyo pa ba yun? Sayang, nawala na ang komiks. Naalala ko dati na nakakalibang talaga mag-basa ng komiks at nakaka-enganyo. Masarap pag-masdan ang mga nag-gagandahang mga drowing. Nakakalibang talaga at mura pa! Natatandaan ko noon na piso lang ang arkila ng komiks sa sari-sari store. Marami nga sa mga pelikulang pinoy ngayon ang halaw sa mga nobela sa komiks. Noon nga na pinilit buhayin ang komiks ay bumili rin ako ng kopya na sa ngayon ay iniingatan ko sa aparador. Sana muling buhayin ang komiks!

    Ngayon kaya na halos lahat ng impormasyon ay madali ng makuha ng isang pindot lamang sa laptop at computer ay darami at mas gagaling  ang ating mga nobelista at mga manunulat? Mas madali na rin ang magsulat at maglathala ngayon gawa ng teknolohiya. Pero, hindi pa rin ito magbibigay ng katiyakan na magkakaroon na tayo ng mga magagandang nobela.  Para magkaroon tayo ng magagandang mga libro, kwento at mga nobela dapat dumami rin ang ating malikhaing mga manunulat.

    Sa tuwing naglalakad-lakad ako dito sa Circle ay ang karaniwang nakikita ko ay ang mga mag-kasintahan na magkadikit na para bang hindi na maghihiwalay.  Mura kasi dito ang mag-date kaya patok ang lugar na ito sa mga estudyante. Yung iba nga na napapansin ko nasa hayskul pa. Hindi sana nag-cutting classes ang mga ito kasi ang iba ay mga naka-uniporme pa. Sa palagay ko ay kailangan ng dagdagan ang mga ilaw rito sa Circle lalo na sa mga madidilim na bahagi para maiwasang maganap ang ibat-ibang milagro.

    Sa inyong opinyon okay lang ba ang magkaroon ng bf o gf kung hayskul pa? Sabi ng iba hindi naman masama bastat nag-sisilbing inspirasyon lang ito at hindi nakakasira ng pag-aaral. Gayunpaman, dapat bigyan pa rin ng prayoridad ang pag-aaral. Karaniwan kasi ang maagang pag-aasawa nauuwi sa hiwalayan. Kapag mag-bf pa lang ay sweet na sweet pa. Pero, kapag ikinasal ng maaga at naranasan na ang ang hirap ng buhay ay saka na papasok ang ibat-ibang mga problema. Lagi talagang nasa huli ang pagsisisi!

    Ang kagandahan lang naman kapag nag-asawa at nagkaanak ng maaga at nalusutan ang hirap ng buhay parang barkada lang ang anak.  Halimbawa kung 18 pa lang ay nag-asawa na, 38 pa lang ang mga magulang kapag dumating sa edad na 20 ang anak.  Nakakita na kasi ako na malapit na mag-retiro ang mga magulang ay nasa elementarya pa lang ang mga anak. Isa pa kapag matanda ng mag-asawa ay mahirap na rin ang mag-kaanak.

    Kaya lang napapansin ko kung sino pa ang mahirap, sila pa ang marami ang anak. Iyong mga mayayaman naman ay para bang hirap na hirap bumuo ng anak! Bakit kaya ganun? Marami tuloy akong nakikitang mga batang pakalat-kalat at nanlilimos sa kalye.  Sa tuwing dumaraan na lang ako sa North Avenue papuntang SM North ay marami akong nakikitang mga batang kumakatok sa mga bintana ng mga sasakyan at nanghihingi ng limos.  Bakit kaya natitiis ng mga magulang na gumala ang mga batang ito sa ilalim ng matinding sikat ng araw? Minsan kahit umuulan ay nakikita ko na para silang mga basang-sisiw na naglalakad sa kalye makahingi lang ng konting barya. Meron nga sa mga ito ay may dala-dalang panlinis ng sasakyan at sabay manghihingi ng barya.  Marahil dahil sa sobrang kahirapan ng buhay kaya natitiis ng magulang na gumala ang mga batang ito sa kalsada kahit delikadong mahagip sila ng sasakyan. Sana ay di totoo ang balitang hawak raw ng mga mapagsamantalang sindikato ang mga batang ito.

    May nag-sabi sa akin na sa ibang bansa raw tulad ng amerika ay bawal ang mga batang pakalat-kalat sa kalsada.  Hinuhuli at dinadala raw ang mga batang-gala sa isang institusyon kung saan sila aalagaan. Kung totoo ito ganito rin sana ang gawin ng ating gobyerno. Huwag hayaan ang mga bata na pagala gala lang sa daan. May ilan nga sa batang nakikita ko sa daan ay may hawak pa na supot ng rugby na para bang hindi na lang sila pinapansin. Ang mga kabataan raw ang pag-asa ng ating bayan. Ito ang dapat na pangunahing dahilan upang bigyang pansin ng ating gobyerno ang kapakanan ng mga kabataan!

    Kapag nagutom habang namamasyal, marami rin dito kung saan pwedeng kumain. Tuwing nakakapunta ako rito ay lagi akong dumaraan duon sa nag-titinda ng buko.  Suki na nga ako rito. Sabi kasi nila ang buko raw ay mabuti sa kalusugan.  Madali ring makapawi ng uhaw ang pag-inom ng tubig mula sa sariwang buko. Noong huling bumili ako rito ay nasa P 25.00 ang isang buko. Okay na rin kasi sulit naman ang presyong iyon para sa isang buko. Habang ninanamnam ko ang buko ay mauupo na ako sa malapit na benches rito.

    Mula sa aking kinauupuan ay na-oobserbahan ko ang mga gawi at ugali ng mga namamasyal rito.  Isa talaga sa lagi kong napapansin ay ang kawalan ng disiplina ng ibang mga namamasyal. Marami ang basta na lang iniiwan ang mga pinag-kainan. Ang dami tuloy kalat!  Kailan kaya mababago ang ganitong  pag-uugali natin dito sa Pinas?  Kahit saan ako mag-punta ay halos nakakakita ako ng kalat. Nasisira tuloy ang ating paligid.  Hindi ko alam kung parte na ito ng ating kultura. Para bang iniisip natin na lagi na lang may kasunod tayong pupulot ng ating mga kalat.

    Makikita naman ang mga pag-papagandang ginagawa rito ng pamahalalan ng Quezon City. Inayos  na ang lugar kung saan pwedeng mag-picnic. Naging maaliwalas na ang lugar. Nag-lagay rin ng mga bakal na pwedeng gamitin sa pag-eehersisyo. Halatang ginastusan ang pag-sasaayos ng Circle. Marami nga akong nakita na mga magkakasama at mag mag-pamilya na masayang pinagsasaluhan ang kanilang mga pagkain. Ang di lang maganda ay ang maraming kalat at mga langaw. May naglilinis naman akong napuna kaya lang sa dami ng tao ay hindi kayang mapanatiling malinis ang lugar kung sa kanya lang iaasa ang lahat.

    Marami ng mga pagbabago para isaayos ang lugar na ginagawa dito.  Meron na ritong zip-line, go-cart, mga rented bancas na gaya sa Baguio at isang maliit na amusement park. Maganda rin ang mga pag-babagong ito na

    May Zip Line na rin sa Quezon Memorial Circle

    ginagawa sa Circle. Kahit paano ay may mga maaring pagpilian ang mga namamasyal.  Kaya lang may bayad ang pag-sakay sa mga lugar na ito.  Kung sabagay hindi naman siguro pwedeng libre kasi magastos rin ma-maintain ang mga pasilidad tulad nito. Siguro naman ay mas mura ito kumpara sa ibang mga lugar.

    Noong nakita ko nga yung mga bangka sa ginawang lagoon ay naalala ko iyong  katulad sa Burnham Park sa Baguio. Sikat kasi sa Baguio yung pasyalan kung saan pwedeng mamangka sa isang man-made lagoon lalo na tuwing summer.  Para bang naging tradisyunal na ang pag-punta sa Burnham Park at gawing isang aktibidad ang pamamangka rito.  Usong-uso ito lalo ng sa mga bagong kasal at magsing-irog.  Dito naman sa Circle ay tuwang-

    Banca's for Rent at the Quezon Memorial Circle

    tuwa ang mga bata habang pinagagana nila ng pedal ang mga bangka na may ibat-ibang hugis at kaanyuan.  Sa maikling panunuod ko sa kanila ay “feeling” Baguio talaga ang mga nakasakay. Siguro itong ganitong mga bangka ay mas magiging maganda kung ilalagay sa katabi nitong Ninoy Aquino Parks and Wildlife.  Mas malawak at malaki kasi ang lagoon sa lugar na iyon.

    Nag-karoon na rin rito ng zip line.  Nang makita ko nga ito ay bigla na lang sumagi sa aking alaala ang zip line duon sa Treetop Adventure sa Subic.  Bagamat masasabi na mataas na rin ang zip line rito ay hindi ito kasing- taas ng  nasa Treetop Adventure. Pero, pwedeng  pwede na rin ito  sa mga nag- nanais na masubukan at kahit paano ay ma-experience ang zip- line.  Pinagmasdan ko nga ang isang sumubok sa zip line na ito.  Masaya rin kahit paano pero parang bitin daw talaga. Siguro ang zip line na ito ay para lang sa mga  “first time” pa lang sasakay sa zip line. Kapag kasi nasubukan ang treetop adventure sa Subic ay nakakabitin na ang zip line dito sa Circle.

    Dati ang pwede lang arkilahin rito sa may Circle ay mga bisikleta. Ngayon may go-cart na! Hindi ko lang naitanong kung magkano  ang arkila nitong go-cart. Pero kitang-kita sa mukha ng bata ang tuwa at saya habang

    For rent din ang mga Go-Cart na ito sa Quezon Memorial Circle

    nakasakay sya sa go-cart.  Marahil para sa isang bata kapag nakasakay sa go-cart ay para na ring nakasakay sa isang totoong kotse.  Minsan naiisip ko na mabuti pa ang mga bata kahit paano ay nagiging totoo lahat ng bagay sa kanilang mga munting isipan.  Minsan kasi sa panaginip lang maaaring maging totoo kahit panandalian lang ang isang pangarap.

    Dito rin sa Circle ay meron ng itinayong maliit ng perya. Ang tawag ay ang “Circle of Fun”. Parang isa itong maliit na “Enchanted Kingdom” sa Laguna. Mura lang ang entrance fee rito nasa P 30.00 lang kada isang tao.  Pagdating sa loob ay may panibagong bayad depende sa “rides” na sasakyan. Kahit maliit ito ay mabuti na rin dahil kahit paano ay mapupuntahan ang mga taga- Quezon City at mga malapit rito. Magastos rin kasi ang pumunta sa Star City sa Pasay at sa Enchanted Kingdom. Dito lang sa may Circle of Fun ay tuwang- tuwa na ang nga bata.  Sa mga bata kasi hindi mahalaga kung malayo o malapit ang papasyalan. Ang mahalaga sa kanila pagdating sa loob ng amusement park ay malaya silang makapag-lalaro sa loob.

    Pero kapag pasko at bagong taon, lahat ng amusement park ay punong- puno ng mga tao! Para bang hindi makukumpleto ang pag-diriwang ng mga okasyong ito kapag hindi nakatapak sa mga peryahan at sa mga amusement parks. Naalala ko nga noong pasko na nag-punta kami sa Star City talagang grabe ang trapik.

    Amusement Park sa loob ng Quezon Memorial Circle

    Sa sobrang dami ng tao ang haba ng pila bago makasakay sa isang ride. Noong naranasan ko ang makipagsiksikan para makasakay sa isang ride ay duon ko nalaman na minsan nawawala na ang enjoyment at napapalitan na ng pagkadismaya.  Sa palagay ko hindi “worth it” ang pumunta sa mga ganitong pasyalan lalo na kapag masyado ng siksikan ang mga tao.  Pero, iba raw kasi ang pasko at bagong Taon. Naghahanap  ng mapupuntahang masaya ang mga pamilya. Para bang hindi kumpleto ang  mga okasyong ito kung hindi makakapamasyal sa mga amusement parks.

    Dito rin sa Circle makikita ang “Vibes Massage” kung saan pwede kang mag-pamasahe sa mga kapatid nating bulag. Masarap mag-pamassage dito matapos ang isang mahabang pakikibaka sa maghapong trabaho. Mainam rin rito ang magpahagod ng pagal ng katawan pagkatapos mag-ehersisyo. Nakakatuwa nga na ang ating mga kapatid na bulag ay nagkakaroon ng pinagkakakitaan sa kabila ng kanilang kapansanan.  Nagiging kapaki-pakinabang silang miyembro ng ating lipunan. Aircon ang loob nito kayat maginhawa ang pagpapamasahe. Pwede rito ang babae at lalaki.

    Sa aking paglilibot sa Circle ay napansin ko na wala na ang Chess Plaza. Nagpunta nga ako sa tagapamahala ng lugar para itanong kung saan inilipat ang laruan ng Chess. Kaya lang sinagot nila ako na wala na raw ang Chess Plaza. Nalungkot nga ako nang marinig ko ito. Mahilig kasi akong mag-laro ng chess at tuwing may bakanteng oras ako lalo na kapag Sabado at Linggo ay nag-tutungo ako rito para mag-laro. Ang chess kasi ay isang magandang libangan. Sa pamamagitan ng larong ito ay nahahasa ang isipan. Maari rin itong laruin ng bata at matanda.  Sa pag-lalaro ng chess ay marami ring makikilalang mga bagong kaibigan.  Sana maisipan ng kasalukuyang pamahalaan ng Quezon City na  muling maglagay ng Chess Plaza sa Circle. Alam ko na kapag ito ay nagawa ay maraming manlalaro ng ahedres ang tiyak na matutuwa.

    Patuloy ang mga ginagawang pag-babago dito sa Circle. Marami nga sa mga namamasyal ang natutuwa sa mga ginagawang improvements ng lugar. Iyung fountain area na nga lang kung saan parang sumasayaw sa saliw ng musika ang bawat buga at dausdos ng tubig na may halo pang makukulay na ilaw ay galak na galak ang mga nanunuod. Kahit panandalian lamang ay nakakawala ng problema…

    Sa hirap kasi ng buhay dito sa Pilipinas ay nararapat talaga ang magkaroon ng murang mapapasyalan. Hindi na kasi kaya ng isang “minimum wage earner” ang ipasyal ang kaniyang pamilya sa mga mall at malalayong pasyalan. Kahit paano dito sa Circle ay naililipas ang pamamasyal. Ang mahalaga lang naman ay ang  magkasama-sama ang mga magpapamilya at magkakamag-anak.  Kahit simple lang lang, bastat katabi ang mga mahal sa buhay.

    Sana nga kahit ano ang mangyari, huwag maisipang tayuan ng mall itong Quezon Memorial Circle. Nabalita kasi ito noon na may balak raw tayuan ng mall ang lugar na ito. Mabuti na lang at hindi natuloy. Hindi katulad ng mga mall na aircon ang hangin na paulit-ulit na hinihinga ng mga tao, rito sa Circle ay sariwa ang hangin.  Pwede ritong mag-jogging at pag-pawisan kayat masasabi na mas nakakabuti sa kalusugan ang pamamasyal rito sa Circle kaysa sa mga dambuhalang mall na nagkalat na sa halos lahat ng sulok ng Metro Manila. At ang pinakamahalaga sa lahat ay mura mamasyal rito sa Circle. Walang entrance fee rito! Pwede ngang magdala na lang ng baon na pagkain para pag-saluhan ng buong mag-anak para mas lalong makatipid.

    Sa pag-pasyal dito sa Quezon Memorial Circle, huwag nating kalimutan na bukod sa pagiging isang pook pasyalan ito ay isang “shrine”.  Lagi nating alalahanin na dito nakahimlay ang Pangulong Manuel L. Quezon. Maalala rin sana lagi ng mga nakaupo sa ating gobyerno ang kanyang mga sinabi: “My loyalty to my party ends where my loyalty to my country begins” at “Social Justice is far more beneficial when applied as a matter of sentiment, and not of law”.