• Ito ay halaw sa kanilang pamphlet na iniabot sa akin noong dumalaw ako dito –

    “Take a breather…

     Take a breather under the green shade of some 3,000 trees. Wander along the paths and walkways accompanied by the chirping of birds and the creaking of bamboo. Find a spot by the gently rippling waters of a 2.5-hectare lagoon.

    Meet people. Take the children, the family, the school class, the whole company…to a 24-ha. spread of simulated natural forest enhanced with recreational and meeting facilities.

     All in the embrace of nature…

    in the metropolitan heart of Quezon City.”

    Naaalala ko noong bata pa ako at nakatira kami sa Pasay ay gustong-gusto ko na marating ang ngayon ay “Ninoy Aquino Parks and Wildlife Center”.  Mayroon kasi kaming naging kalaro na nag-kwento sya kung gaano raw kaganda itong “wildlife”. Kalilipat lang ng pamilya nila mula QC at nangupahan sila sa Pasay.  Ikinuwento nya na sa lugar na ito ay makikita raw ang malalaking ahas, mga makukulay na ibon at ibat-ibang uri ng mga hayop. Mayroon din daw itong isang malawak na hardin na may magagandang bulaklak at isang “lagoon” kung saan pwedeng mamangka at makipag habulan sa mga tutubi at paru-paro.

    Sa madaling salita, inilarawan ng kalaro ko noong araw na napakaganda ng lugar na ito. Sa isipan ko bilang isang bata ay parang paraiso ang nabuo sa pag-sasalarawan ng parke na ito. Isang lugar kung saan makakakita ako ng mga hayop na kahit kailan ay hindi ko pa nakikita at makakapag laro ako ng malaya. Kaya talagang ninais ko na marating ang lugar na ito noon.

    Kaya lang, parang lumipad talaga ang mga oras at namalayan ko na lang na lumipas na ang aking kabataan at  hindi ko man lang nadalaw ang lugar na ito. Noon kasi parang napakalayo ng wildlife na ito mula sa Pasay. Isa pa hindi ko alam kung paano ang mag-commute papunta sa Quezon City. Dahil bata pa ako noon ay parang napakalayo na ng Quezon City mula sa Pasay. Wala pa namang MRT noon at bus lang ang pwedeng sakyan papuntang Quezon City.  Higit sa lahat, hindi ko rin alam noong bata pa ako kung nasaan ang Quezon City. Dahil dito nawalan ako ng pagkakataon marating ang lugar na ito noong bata pa ako. Kapag sinabi kong bata pa ay ito yung panahong nasa elementarya pa lang ako. Kayat dekada na ang lumipas mula ng ginusto kong marating ang lugar na ito bago ko ito naisakatuparan.

    Napakahabang panahon na ang lumipas mula ng pinangarap kong marating ang sinasabing wildlife na ito sa Quezon City.  Gayunpaman, nagpapasalamat ako at nabigyan ako ng pagkakataong marating ang lugar na ito kahit dekada na nga ang lumipas mula ng isalarawan ito ng aking kalaro.

    Narating ko ang lugar na ito noong magsimula akong magtrabaho sa Quezon City. Pero noong una ko itong napuntahan hindi ito ang paraiso na nasa isipan ko. Marahil kung narating ko ang lugar na ito noong nasa elementarya pa lang ako ay mararanasan ko ang nasa imahinasyon kong paraiso na wildlife. Dati ang tawag dito ay “Quezon City Parks and Wildlife” hanggang sa pinalitan ito ng pangalan at naging “Ninoy Aquino Parks and Wildlife and Nature Center”.

    Nang marating ko ang lugar na ito ay nagulat ako sa aking nakita. Sa totoo lang ay hindi ito ang nasa isipan ko. Ang lugar ay parang napabayaan na! Malayong malayo ito sa  parke na ibinida sa akin ng aking kalaro. Para itong isang lugar na nakikipag-agawan sa pagiging abandonado at nakikipag-laban sa ilang pamilya ng mga “informal settlers” na isang bato lamang ang layo mula sa kanyang bakuran.  Sa una nga inakala ko na tuluyan na itong napasok ng mga informal settlers. Noong makarating kasi ako sa may bandang lagoon ay napansin ko na mabilis ng nakakapasok ang mga nakatira sa paligid nito.

    Kung sabagay, napakahirap na kasi bigyan ng solusyon ang problema sa “squatting” magmula na ipinawalang bisa ang batas na nagbabawal sa pagtayo ng bahay at anumang istraktura sa lupa ng gobyerno o iyong hindi mo pag-aari. Pero sa kahirapan talaga ng buhay at kamahalan  ng lupa ay marami sa ating kababayan ang napipilitang magtayo ng kanilang bahay kahit sa lupa na  hindi nila pag-aari. Minsan nga may mga tirahan pa sa ilalalim ng tulay, sa mga estero, sa mga lumang gusali at kahit saang lugar pa basta’t may espasyo.  Ang bilis nga nila magtayo ng mga bahay.  Minsan pag-gising ko na lang isang umaga may istraktura na sa kanto. Paunti-unti lang ang pagtatayo ng bahay ng nga informal settlers. Aakalaing pansamantala lang ang pagtira nila sa lupa ng iba yun pala “pansamantagal” na!

    Sa pag-ikot ko sa parkeng ito ay napuna ko agad na mayroon ding ginagawang mga “improvements” sa wildlife. Kahit paano ay makikita naman na may ginagawang mga pagbabago para sa ikagaganda ng lugar. Kaya lang talagang kulang pa. Marahil ay kapos naman sa budget ang management ng park na ito. Minsan naiisip ko masuwerte ang ilan nating nga kababayan na nakapag-lalalakbay sa ibang bansa tulad ng US. Doon kasi makikita nila ang mga nag-gagandahang mga zoo tulad ng San Diego Zoo sa California. Dito sa Pinas ang una kong napuntahang zoo ay yung Manila Zoo na malapit sa Harrison Plaza. Ang hindi nga lang magandang balita ay ang kalunos-lunos raw na kundisyon ng mga hayop na nakakulong sa Manila Zoo.

    Gusto ko lang banggitin na isa sa magandang zoo na pwedeng pasyalan ay ang “Avilon Zoo” na matatagpuan sa may Rodriguez, Montalban Rizal. Malawak ang lugar na ito at maraming makikitang hayop na maayos ang kondisyun kumpara rito sa wildlife at sa Manila Zoo. Malayo nga lang ang Avilon at medyo may kamahalan ang entrance fee. Sa natatandaan ko ang entrance fee sa Avilon ay nasa P 400.00.  Samantalang dito sa wildlife ay hindi lalampas as sampung piso ang entrance fee. Siguro dahil sa masyadong mababa ang bayad sa entrance dito sa wildlife kaya nag-kulang ang pondo ng parke.

    Gayunpaman, alam ko na may subsidiya ito mula sa ating gobyerno. Sana lang ay dagdagan ang tulong pinansyal ng ating pamahalaan upang mag-karoon ng sapat ng pondo na magagamit sa ikabubuti ng mga hayop na inaalagaan dito.

    Habang nasa loob ako ng parkeng ito ay hindi talaga mawala sa isip ko ang napakalaking potensyal ng lugar na ito. Isa talaga itong napakagandang pasyalan na malapit lang sa Metro Manila. Malawak ang lugar at ang pakiramdam habang naglalakad sa loob nito ay para bang natakasan kahit panandalian lang ang ingay, gulo at polusyon ng kamaynilaan. Tahimik sa loob nito at ang nag-lalakihang mga puno at mga halaman ay nag-bibigay lilim sa matinding sikat ng araw at kanlungan naman kapag umulan. Mainam talaga mag-lakad lakad at mag-muni muni sa loob ng parkeng ito. Naisip ko nga na itong wildlife ay akmang pasyalan rin ng mga nag-papagaling sa kanilang karamdaman. Itong lugar kasi na ito ay malapit sa mga ospital sa QC.

    Marami rin ang mga namamasyal ng dumating kami rito. May mag-pamilya, mag-kaibigan at marami ring mga mag-kasintahan na mapapansin sa mga sulok ng parke. Doon sa madidilim ng mga sulok na parke ay karaniwan na lang bubulaga ang mga anino ng mga mag-sing irog. Ang mga bata ay tuwang-tuwa habang nag-lalaro at nag-tatakbuhan sa malawak na lugar na ito. Pero higit na kitang-kita ang saya sa mukha ng mga bata pati na ang kanilang mga magulang habang tinitingnan at pinagmamasdan nila ang mga makukulay na ibon at ibat-ibang klase ng mga hayop. Bakas din sa kanilang mga mata ang kanilang pagkamangha ng makita nila ang mga nag-lalakihang mga ahas, bayawak at musang.

    Noong namasyal ako rito ay nakita bukod sa iba pang mga ibon ang “blue naped parrot”. Naging kontrobersyal ito dahil daw maling kulay ng ibon na ito sa bagong pera natin. Dati raw ay napakarami ng ibon na ito sa ating kagubatan. Ngayon ay papaubos na raw ang ibong ito. Nakakahinayang talaga! Sana makita ko ang ibong ito sa wild. Sana sa pag-punta kong muli sa Subic ay makita ko ang ibon na ito na nasa puno at malaya. Kahit kasi gaano pa kalaki ang kulungan ng mga ibon ay alam kong nalulungkot pa rin sila at nag-nanais na laumipad at maging malaya… Teka, nasaan na pala yung Orangutan dito? At may may mga tigre na rin pala rito!

    Ang mga bata kasi mababaw lang daw ang kaligayahan. Isang hindi makakalimutang sandali na para sa isang paslit ang makapasyal sa zoo at makakita ng ibang hayop bukod sa pusa, aso at ibong maya. Sumagi nga sa isip ko na noong bata pa ako ay may litrato akong kasama ang magulang ko noong mamasyal kami sa Manila Zoo. Pero noong kinalkal ko ang lumang baul namin ay di ko na mahanap ang picture. Sayang! Pero kahit nawala na ang lumang litrato na iyon ay tandang-tanda ko pa rin sa aking isipan ang panahong namasyal kami sa Manila Zoo. Tuwang-tuwa ako noon ng makita ko ang napakalaking elepante!

    Tiyak ko rin na ang mga batang unang nakapamasyal dito sa wildlife ay hindi rin makakalimutan ang kanilang karanasan. Nararapat lang na sana ay patuloy na pagandahin at ayusin ang parke na ito.  Ang mga hayop at ibon ay patuloy na alagaan. Ang alam ko ang mga dinadala na mga hayop rito ay iyung mga na-rescue at nakumpiska mula sa ibat-ibat petshops at mga tao. Sa madaling salita ang mga hayop at ibon dito ay dumanas na  ng sobrang stress bago pa sila madala  rito sa wildlife. Ito ang dahilan kaya nararapat lang na maalagaan sila ng mabuti.

    Ang mga hayop nakakaramdam rin sila ng lungkot at sakit. Kaya minsan parang hindi rin tama na ikinukulong natin ang mga hayop. May karapatan din silang maging malaya. Dahil rito nararapat lang na kapag ikinulong natin sila ang layunin natin dapat ay upang sila ay mapangalagaan at hindi upang sila ay pag-laruan. Matuto rin tayong igalang ang karapatan ng mga hayop.

    Noong nadalaw namin ang Ocean Adventure sa Subic ay naitanong ko rin sa aking sarili kung tama lang na isinasama sa mga performances ang mga dolhins at iba pang hayop sa dagat. Pansin kasi na kaya nag-susumikap o napipilitang sundin ng mga dolphins at iba pang mga hayop ang utos ng kanilang amo  ay upang mabigyan sila ng pagkain. Gayunpaman, pinangangatawanan ng mga taga-Ocean Adventure na naaalagaan ng mabuti ang kanilang mga hayop dito. Ang isyu tungkol sa pag-papalaya ng mga dolphins ay naging isang walang katapusang debate.

    Bukod as ibat-ibang mga hayop na makikita rito sa wildlife ay marami rin ang pwedeng magawa dito. Pwede rin dito mag-picnic gaya ng ilang grupo na nakita ko. May mga nag-lalaro. Mayroon ring grupo na sa tingin ko ay nag-

    lagoon at Ninoy Aquino Parks and Wildlife Center

    aaral ng bibliya. Pero ang pinakapaboritong tambayan ay ang lugar na malapit sa may lagoon.  Bukod kasi doon sa may lugar kung saan nakakulong ang mga ibon at hayop ay kaiga-igaya ring magpalipas oras sa tabi ng lagoon. Ang mga tutubi at iba pang kulisap na lumilipad sa ibabaw ng tubig ay para bang masayang-masaya sa kanilang pag-lalaro. Noong bata pa ako ay hilig ko ring manghuli ng mga tutubi at tipaklong. Mababaw lang talaga ang kaligayahan kapag bata pa. Makahuli lang ng mga kulisap ay masaya na. Sa pag-tanda kasi nakakalimutan na ang mga simpleng bagay na nakapagpapasaya.

    Kung pag-mamamasdan ang lagoon ay maraming isda ang makikitang pasilip silip sa ibabaw ng tubig. Kahit medyo maitim na ang tubig ay kitang-kita pa rin ang mga tilapia na lulubog at lulutang. Habang pinagmamasdan ko ang isang tao na  nagsasaboy ng tinapay sa lagoon para pakainin ang mga tilapia at gurami ay naisip ko na akala nya siguro ay mga “kois” ito sa isang Japanese garden. Sana magawan ng paraan na mapalinaw kahit kaunti lang ang tubig dito sa lagoon. Hindi na kasi maaninag kung isda o palaka na lang ang kumakain ng isinasaboy na tinapay. Napakaganda nito kung malilinis ang tubig. Naisip ko nga na pwede itong gawin na may mga pina-aarkilang mga bangka  katulad ng sa Burnham Park sa Baguio. Kapag nangyari iyon ay magkakaroon ng karagdagang kita ang parke at libangan ang mga namamasyal.

    May isang istraktura sa may gilid ng lagoon na ito kung saan lagi kong nakikita ito sa TV. Dito laging ginaganap ang isang cooking show.  Maganda kasi ang kuha ng camera mula rito kasi kitang-kita ang lagoon at para bang kuha ito mula sa isang mapayapang probinsya. Ang sasarap nga ng mga nilulutong pagkain sa cooking show na ito. Takam na takam talaga ako! Sayang lang kasi hindi ko talaga matutunan ang pag-luluto kaya paulit-ulit na lang ang nakakain ko sa araw-araw. Nakakasawa rin pala kapag lagi na lang parehong putahe na lang ang natitikman.

    Sa totoo lang maganda sana itong wildlife kung aayusin lang ng mabuti. Sa lawak ng lugar na ito at magandang lokasyon ay tiyak na marami ang bibisita rito kapag ito ay naayos ng mabuti. Ito na nga lang na namasyal ako sa parke na ito ay marami ng mga tao na pumupunta kayat natitiyak ko na lalo pang darami ang bisita kung lalong mapapaganda ang lugar na ito. Sa hirap ng buhay sa Pinas alam ko na higit na tatangkilikin ng mga namamasyal ang lugar kung saan hindi masyadong magastos. Nakakasawa na rin ang pag-punta sa mga malls. Sa malls kasi parang wala ng mararating ang isandaan. Minsan ang isang libo kulang pa! Samantalang dito sa parke pwedeng mag-dala na lang ng pagkain na niluto sa bahay at mag-picnic ang buong pamilya.  Sa ganitong paraan ay makakatipid at masaya na ang lahat.

    Sa pag-sasaayos ng wildlife isama na rin ang pag-dagdag ng mga security guards. Dapat ring masigurado ang seguridad ng mga namamasyal sa lahat ng oras.  Kapag nakita kasi ng mga may masasamang loob na hindi mahigpit ang seguridad sa isang lugar ay nagkakaroon sila ng pagkakataon na gumawa ng hindi maganda. Sa mga pook pasyalan ay dapat maramdaman ng mga bumibisita na walang masamang mangyayari sa kanila. Kapag hindi nakaramdam ng seguridad ang mga turista sa kanilang  pinupuntahan ay malamang na hindi na nila babalikan ang lugar. Balita nga sa TV na napakarami ng modus-operandi ng mga magnanakaw.  Nariyan yung naghuhukay ng tunnel sa ilalim ng lupa para manakawan ang mga pawnshop. Grabe, parang ito yung napapanuod ko sa mga cartoons ni Bugs Bunny. Meron rin na ang tawag ay “sagasa gang” kung saan binabasag nila ang salamin ng kotse para makuha ang mga gamit loob ng mga sasakyan na naka-park.  Kaya paalala ng mga pulis huwag mag-iwan ng mahahalagang gamit sa loob ng mga sasakyan.

    Ang nakakadismaya lang talaga sa pag-punta ko dito sa wildlife ay marami akong nakikita na mga basurang nakakalat. Marami kasi sa mga namamasyal ay kung saan-saan lang tinatapon ang basura.  Sabi nga ang maliit na basura ibulsa muna kung walang basurahan! Huwag itapon ang kalat kung saan lang maisipan. Bakit nga kaya ganito tayong mga tao sa Pinas? Kung magtapon tayo ng basura ay kung saan-saan lang. Para bang ang pakiramdam natin ay laging may kasunod tayo na pupulot ng ating mga basura. Sana magbago na ang ganitong pag-uugali. Kahit may empleyado pa ang wildlife na naatasang maglinis ay hindi niya kakayanin na linisin ang kalat ng lahat. Dapat magkaroon na tayo ng disiplina na itapon ang ating mga basura ng tama.

    Sa paglibot ko rito sa wildlife ay naiisip ko talaga ang napakaraming pwedeng gawin para ma-improve ang lugar na ito. Sa palagay ko ang kulang lang talaga ay ang pondo. Ito naman lagi ang naririnig ko tuwing may gustong ipatupad ang na proyekto ang ating gobyerno at ang karaniwang dahilan kung bakit hindi ito maisakatuparan ay ang kakulangan ng pondo! Minsan di ko na talaga maarok kung saan napupunta ang pondo ng ating bayan. Napatingin tuloy ako sa buwaya na nakakulong rito! Bigla ko na lang naisip na baka laganap na talaga ang lahi nila sa gobyerno. Wag naman sana…

    Sana pag-dating ng araw ang pasyalang ito ay maging isang paraiso gaya ng isinalarawan ng kalaro ko noon. Hindi katulad ngayon na para bang napabayaan na ang lugar. Naniniwala naman ako na ang management nitong wildlife ay may mga plano para sa ikabubuti at ikagaganda ng lugar na ito. Kapuna-puna naman ang ilan sa mga pag-babagong ginagawa. Alam ko rin na marami pang balakin ang nais isakatuparan sa parke. Tayong mga bumibisita lang dito ang agarang maitutulong natin ay ang panatilihin nating malinis ang lugar. Hayaan nyo na pong ulit-ulitin ko na sana ay tigilan na natin ang pagtatapon ng basura kahit saan! Ibalik natin ang disiplina dito sa Pilipinas!

    Hindi ko alam kung ano ang naramdaman ko nang lisanin ko ang parke. Ibat-ibang pakiramdam ang lumukob sa aking damdamin. Hindi naman ito ang unang pag-kakataon na nakapunta ako rito sa wildlife. Sana nga lang ay narating ko ito noong bata pa ako at kasama ang mga kalaro ko. Marahil ay mas naging masaya ako kasi iba pa rin kapag musmos ka pa lang habang namamasyal sa  parkeng ito.  Ibang-ibang ang pananaw at ang saya ay totoong nag-mumula sa puso. Makakita lang ng mga tutubi at paru-paro ay buo na ang ligaya sa buong araw ng isang bata. Marami lang talagang sumagi sa aking isipan habang nasa loob ako ng parke. Sana sa pag-balik ko rito ay higit na maging maayos ito at kung hindi man maging isang paraiso, tama na sa akin ang maging kaaya-aya itong pasyalan.

    Alam naman natin na ang buhay sa Pinas ay pahirap ng pahirap. Ang populasyon ay patuloy na dumarami at siksikan na kahit saan ka man mag-punta. Patindi na rin ng patindi ang kompetisyon sa pag-hahanap ng trabaho. Kayat nararapat lang na kahit paano’y mayroon mapapasyalan ang mga tao kung saan pwede maglibang at kahit panandalian ay makalimot sa mga problema. Ito ang ilan sa mga dahilan kung bakit nararapat lang na ayusin at pagandahin ng gobyerno ang mga parke tulad nitong wildlife. Bukod sa kanlungan ito ng mga hayop na nangangailangan ng kalinga ay isa rin itong namumukod tanging pook-pasyalan. Higit sanang pagandahin ng pamunuan ang lugar na ito para kahit paano ay may malapit na mapupuntahan ang mga tao.

    Sa likod ng pamphlet ay inilarawan ang lugar –

    “A wildlife park is the best place to have a glimpse of biodiversity or the variety of life that inhabits our earth. That life includes us.

     The advantage of a park is that we feel we are welcome there, which is different from a real jungle where we might feel threatened by the wildlife despite its beauty. That is the purpose of the Ninoy Aquino Parks and Wildlife Center (NAPWC), or the Wildlife Park for short. It is the nature of the park within the city’s heart – right at the intersection of the major circumferential road of the metropolis (EDSA) and Quezon Avenue to the University Avenue, the major arteries leading to the State University, and further bounded by North Avenue and its cluster of shopping complexes.

    With its rich vegetation and some three thousand trees surrounding the 2.5 hectare lagoon, and its exotic collection of rescued fauna, with its pathwalk and cottages, fishing huts and conference facilities, the park is a tranquil and salubrious haven for the nature lover or anyone looking for an exhilarating conference venue.

    That is the Ninoy Aquino Parks and Wildlife Center that anyone – nature-lover or stressed city dweller – will enjoy.”


  • Noong ika-13 ng Nobyembre 2011 ay muli kong nadalaw ang “Rizal Park” o ang Luneta. Wala naman talaga akong balak na dalawin ang lugar na ito pero dahil nagkaroon ako ng oras ay naisipan kong muling bumisita kung saan binaril ng mga kastila ang ating pambansang bayaning si Rizal.

    Alas kwatro na ng hapon ng makasakay kami sa LRT station sa Roosevelt sa may tapat ng Waltermart mall. Linggo ngayon kaya inasahan ko na kaunti lang ang tao. Naranasan ko na kasi na pahirapan at halos patayan ang pagsakay sa LRT lalo na kung “rush hour”. Kapag Lunes kasi hanggang Biyernes talagang siksikan ang mga tao. Wala ng galawan at kung pwede lang pigilan ang paghinga ay gagawin huwag lang maamoy ang di kaaya-ayang katabi.

    Bente pesos ang pamasahe papunta sa UN station kung saan bababa papunta sa Rizal Park. Nang dumating na ang tren ay napansin ko na kakaunti ang mga sakay nito.  Mabuti naman at mayroong isang lugar na inilaan para sa mga babae. Minsan kasi kapag siksikan ang karaniwang nagiging biktima ng mga bastos at manyak kung turingan ay ang mga babae. Napansin ko rin na may mga nakapaskil na paalala na bigyan ng prayoridad  na maka-upo ang mga matatanda at may mga kapansanan. Hindi ko lang alam kung nasusunod ito.  Minsan kasi napapansin ko na parang naglaho na ang “gentleman” kahit nakatayo na sa harap nga ng lalaki ang isang babae o matanda ay nag tutulog-tulugan na lang at pikit ang mata na kunwari’y di napapansin ang babae o matanda sa kanilang harapan.

    Kahit siksikan ay marami pa rin ang sumasakay sa LRT at MRT. Mabilis kasi at airconditioned.  Isa pa iwas trapik ang pagsakay sa MRT at LRT.  Sa pagsakay naman kasi sa dyip ay lulukob sa iyo ang makapal na alikabok at mga usok ng tambutso kayat kahit mataas ang hagdan ng MRT at LRT ay pag tyatyagaan ito. Maswerte na lang kung sa lahat ng pagkakataon ay gumagana ang escalator.

    Ang Roosevelt Station ng LRT ay mukhang bago pa. Idinugtong ito sa Monumento station. Napansin ko ngang bago pa ang tiles ng mga daanan. Kaya lang noong pumasok ako sa kanilang CR ay maraming urinals ang di gumagana.  Sana ay mapanatili na malinis at maayos ang mga CR sa MRT at LRT.   Para mangyari ito dapat lang ay katuwang tayong lahat na mga pasahero.  Ayusin natin ang pag-gamit ng mga ibat-ibang pasilidad ng MRT at LRT! Wala na rin sanang magnakaw ng mga gripo sa CR. Nakakahiya na pati ang mga gripo at iba pang pwedeng ibenta ay pinag-iinteresan pa natin. Kahit gaano kahirap ang ating buhay-pinoy hindi dahilan ang pagnanakaw.

    Parami ng parami ang mga tao habang binabagtas ng LRT ang daang riles. Akala ko kapag ganitong araw ng Linggo ay kaunti lang ang tao. Mali pala! Siksikan pa rin kahit ganitong araw.  Kaya isipin na lang kung gaano kahirap ang pagsakay sa LRT tuwing may pasok sa trabaho. Ganito talaga ang buhay sa Pinas parami ng parami ang mga tao kayat halos sa lahat ng lugar ay siksikan na talaga!

    Noong makaupo kami ay napansin ng kasama ko na ang kanyang katabi ay pasimpleng inaabot ang kanyang bag. Dali-dali nya itong inilayo at inilapit sa akin. Tiningnan ko ang lalaki at at para siyang pa-inosente at naka kibit-balikat lang na parang inaantok.  Kaya lang, maya maya pa ay palingon-lingon ang kanyang  mga mata. Mahirap lang talaga mag-bintang. Dahil siguro sa dalas at dami ng nananakawan at nadurukutan sa LRT ay patuloy ang paalala na ingatan ng mga pasahero ang  kanilang gamit.  Naisip ko tuloy kung sa pagsakay sa tinatawag na “bullet train” ng Japan ay may mga mandurukot din. Kapag nagkaroon ako ng pagkakataon na makapunta sa Japan o sa ibang bansa ay ikukwento ko sa inyo ang aking karanasan. Iyon ay kung magkaroon ako ng pagkakataon…

    Sa mga turista at lahat ng pasahero, ingatang mabuti ang inyong mga gamit. Lalo na ngayong magpapasko ay higit na darami ang mga kawatan sa daan. Sa pagsapit kasi ng pasko ay dumarami ang nangangailangan ng pera. Wala namang masama ang mag-hangad ng salapi. Ang dapat lang ay galing ito sa tamang paraan. Hindi dapat ito galing sa nakaw!

    Bagamat pinaalala ko na ingatan ng lahat ng may balak mamasyal sa Luneta ang kanilang mga gamit, hindi ito nangangahulugan na lahat ng tao sa Pinas ay kawatan. Marami pa rin ang tapat at pwedeng pagkatiwalaan. Nararapat alalahanin na ilang ulit ng nabalita ang maraming tapat na Pinoy ay nagbabalik ng mga bagay na kanilang napupulot. Kaya lang, kahit saang bansa mayroon talagang mga tao na nakakalimutan ang pag-gawa ng mabuti sa kanilang kapwa.

    Maya maya pa ay narating ko rin ang UN avenue station ng LRT. Dito kami bumaba kasi ito ang istasyon ng LRT na malapit sa Luneta.  Papalubog na ang araw ng makarating kami dito. Nag-aagaw na ang liwanag at ang dilim. Balak na magpahinga ng haring araw. Sa pag-lakad pa lang namin sa hagdan ng LRT ay napansin ko kaagad ang maraming kalat sa kalye. Bakit kaya tayo ganito sa ating bansa, tapon tayo ng tapon ng basura kahit saan? Malinis naman tayong mga Pilipino pagdating sa ating sarili at bahay. Pero pagdating sa mga pampublikong lugar ay wala tayong paki kung saan tayo magtatapon ng basura. Sana ay tigilan na natin ang pagtatapon ng basura kung saan-saan!

    Marahil ay kung napigilan lang natin na magtapon ng basura sa mga kalye at ilog ay darami ang mga turista na bibisita sa ating bansa.  Darami rin ang magkakaroon ng trabaho. Isipin na lang natin kung napanatili nating malinis ang ating mga ilog tulad ng Ilog Pasig, natitiyak ko na marami ang makikinabang dito. Kahit anong kampanya ng gobyerno na buhayin ang Ilog Pasig ay wala ring mangyayari kung hindi tayo makikipagtulungan sa pamahalaan. Nakakapanghinayang ang ating mga ilog na nasira lang dahil sa walang habas na pagtatapon ng mga basura.

    Habang naglalakad kami patungo sa Rizal Park ay napansin ko ang napakaraming nagbebenta ng mga samut saring pagkain at ibat-ibang laruan. Talagang dito sa Pinas gagawin ang lahat makaraos lang kahit paano. Napansin ko rin ang ilang pamilya na nakatira na mismo sa kanilang mga kariton. Talagang nakakalungkot ang mukha ng kahirapan sa ating bayan. Minsan tinatanong ko sa aking sarili bakit ang mga bata na halos wala ng saplot ay pakalat-kalat sa daan? Delikado na palakad-lakad sila at para bang nakiki pag-patintero sa mga sasakyan. Bakit kaya naaatim ng mga magulang na pabayaan ang kanilang mga anak ng ganito. Naiisip ko tuloy minsan na kailangan na talaga ng batas para makontrol ang pag-lobo ng ating populasyon. Marami na rin ang nakakapuna na kung sino pa ang mahirap at di kaya ibigay ang nararapat ay iyon pa ang marami ang anak.

    Isa pa sa napansin ko sa aming pag-lalakad ay may mga lugar na mapanghi. Bakit kaya ganito at para bang kung saan saan na lang umiihi. Naalala ko tuloy yung mga “urinals” ni Fernando. Siguro tama rin talaga na mag-lagay ng ganitong mga ihian sa pampublikong mga lugar. Dito sa Pinas ang dami kong nakikita na umiihi sa sa pader, sa may gilid ng gulong, sa may puno at kung saan pang mga sulok. Bumabaho at pumapanghi tuloy ang  maraming bahagi ng ating bayan. Totoo bang wala talaga tayong disiplina dito sa Pinas?

    Ang unang bubungad pagdating sa Rizal Park kapag galing ka sa may LRT UN station ay ang napakalaking estatwa ni Lapu-Lapu. Nararapat kaya dito ilagay ang estatwa ni Lapu-Lapu? Teka, nadaanan din pala namin ang isang playground para sa mga bata. At dahil araw ng Linggo ngayon ay puno ang nasabing playground ng mga bata at magulang.  Nakakatuwang tingnan ang pamilya na magkakasama. May nakita nga akong bagong mag-asawa pa lang na hawak kamay pa habang ipinapasyal ang kanilang anak. Ito ang isang magandang pag-uugali natin dito sa Pinas – ang pagiging malapit ng ating pamilya.

    Marami ring tao sa may estatwa ni Lapu-Lapu. Napapalibutan ng mga namamasyal ang lugar. Kahit saang sulok naman ng parke ay maraming tao. Bukod kasi sa  araw ng Linggo ay papalapit na ang Pasko. Ito kasing Luneta ay talagang pasyalan tuwing ganitong mga panahon. Mas mura din kasi mamasyal dito kumpara sa mga naglalakihang mall. Nakakapagtaka nga lang na kahit mahirap ang buhay dito sa Pilipinas parami-ng parami ang mga malls at hindi mahulugang karayom ang loob nito tuwing may “sale”.  Sabi nila mahirap daw ang buhay pinoy pero bakit ganito parang yung mga mga malls na lang ang padami ng padami. Kahit saang kanto nag-uusbungan na parang mga kabute ang mga malls! Parang pangkaraniwan na lang tuloy ang pumunta sa mga mall ngayon di gaya dati.

    Dahil malapit na nga ang paglubog ng araw ay naging maingat ang aming pag-lalakad. Medyo may kadiliman pala dito sa may bahagi kung saan matatagpuan itong estawa ni Lapu-Lapu. Parang nakakatakot tuloy mag-lakad. Ang nakakapagpalakas lang ng loob ay marami namang tao. Pero kapag may ganitong kadiliman, aakbay lang ang holdaper sabay tutok ng patalim sa tagiliran ng biktima ay madali nya ng magagawa ang kanyang masamang balakin. Wala pa naman akong nakitang security guard o pulis na umiikot.  Patuloy na ingat na lang an gaming ginawa hanggang sa makatawid kami ng kalsada patungo dun sa may monumento ni Rizal.

    Sa paglakad namin sa parkeng ito ay napansin ko na marami ang basurahan na nakapalibot. Ang mga taga-pamahala ng parke ay ginagawa ang lahat upang mapanatili ang kalinisan at kaayusan nito. Nararapat lang na lahat ay makiisa at iwasan ang pag-tapon basura kahit saan. Gamitin natin ang mga basurahan! Natutuwa naman ako at marami akong nakitang mga namamasyal na matiyagang nagtatapon ng kanilang mga kalat sa mga basurahan. Sa ganito ay masasabi kong may pag-asa pa tayong mga narito sa Pinas.  Sana ay ipag-patuloy natin ang ganitong magandang gawain.

    Marahil kapag itinigil natin ang ating ugali na pagtatapon ng basura kung saan-saan ay maaring dumating ang panahon na pwede na tayong ikumpara sa mga bansang nakilala sa kalinisan tulad ng Singapore. Kapag naging malinis ang ating bansa at kanyang kapaligiran ay tiyak ko na darami ang ating mga turista. Basura kasi ang sumisira sa mga magagandang lugar natin dito sa Pinas. Pati sa ating nag-gagandahang mga “beach resorts” ay makakakita ng basura sa karagatan.  Tuwing nakakakita ako ng basura sa ating mga pook-pasyalan ay talagang nanghihinayang ako sa lugar. Nakakasira talaga ng tanawin!

    Ang Manila Bay na kilala sa napakagandandang sunset ay sinira rin ng napakaraming basura na makikitang palutang-lutang sa pampang at ang amoy ng dagat ay talagang nakakasuka. Naalala ko noong araw ay may mga naliligo pa rito sa harap ng Cultural Center. Pero ngayon talagang hindi na kakayanin ang maligo dito.  Isipin natin na kung sana ay napanatiling malinis ang  baybayin na ito ay tiyak na napakarami ang magkakaroon ng pagkakakitaan. Hindi na kailangang bumiyahe pa sa Batangas, Subic at Puerto para lang makaligo sa isang malinis na dagat. Ang mga basura sana sa Manila Bay ay huwag umabot sa mga nag-gagandahang beaches ng ating bansa. Kaya hinihikayat ko lang lahat na makibahagi sa mga programa ng mga pribadong organisasyon at ating gobyerno sa pag-lilinis ng  Manila Bay.  Dahil napakalaki ng potensyal ng baybayin na ito higit na mabuti ang magkaroon ng isang konkreto at permanenteng solusyon sa polusyon sa Manila Bay.

    Isa pa sa sana ay napakagandang pasyalan na malapit lang sa Metro Manila na sinira ng walang tigil na pagtatapon basura ay ang “Hinulugang Taktak Falls” sa Antipolo. Napakaganda ng lugar na ito kaya lang tambak ang basura na makikitang bumabagsak kasama ng pagtagatak ng tubig mula sa talon. Bakit kaya ganun, para lagi na lang natin pinababayaan ang magagandang lugar sa Pinas. Sabi ng isang sikat na awitin – hindi masama ang pag-unlad bastat hindi nakakasira ng kalikasan!

    Nadaanan ko rin ang lumang gusali ng “Department of Tourism”.  Maganda ang gusali na ito. Marami nga akong nakita na kumukuha ng litrato gamit ang gusali na ito bilang background. Mayroon din mga naglalaro, tumatambay at nag-papahinga sa harap ng gusali. Sa unang tingin ko ay parang abandonado na ang gusali. Naisip ko lang na ang dahilan kung bakit walang tao  rito ay dahil nga na araw ng Linggo ngayon. Kung hindi ako nagkakamali, ang gusaling ito ay napunta na sa pangangalaga ng National Museum. Sana ay huwag mapabayaan ng tuluyan ang building na ito.

    Dahil nga nalalapit na ang kapaskuhan ay mayroon ng mga “Tiangge” sa loob mismo ng Rizal Park. Ibat-ibang mga paninda ang ibinebenta rito. Karamihan ay mga pagkain. Sana lang ay panatilihing malinis ng mga nagtitinda ang pagkain na kanilang binebenta. Noong mauhaw kasi ako ay bumili ako ng bottled water at ng iabot sa amin ng tindera ay may pumatak sa nakabukas na panindang ulam. Malamig kasi iyong bottled water kayat may tubig na pumatak sa ibabaw ng ulam  ng iaabot nya ito sa amin.  Minsan kasi naiiwanang walang takip ang mga panindang ulam na nagiging dahilan upang madapuan ito ng mga nag-lipanang mga langaw at madumihan.  Ang mga nagbebenta ng pagkain ay dapat panatilihing malinis ang kanilang lugar.  Nakakadiri bumili at kumain kapag ang daming langaw na lipad ng lipad.

    Habang namamasyal kami ay ay napansin ko ang mga “letratista”, iyong bang ang trabaho ay kumuha ng picture sa mga turista at iba pang namamasyal. May hawak-hawak silang camera na kanilang ipri-print kaagad ang larawang nakuha.  Noong bata pa ako at una akong namasyal sa Luneta ay nakita ko na ang ganitong uri ng hanapbuhay. Usong-uso ito noon. Sana nga nagpakuha kami ng litrato noong namasyal kami dito ng gf ko noong kaka-graduate ko pa lang ng high school. Sayang, wala tuloy akong naging remembrance! Wala kasi akong pera nun kaya kahit lumapit na sa aming dalawa ang letratista ay hindi kami nagpakuha ng litrato.

    Nagulat nga ako ng makita ko na buhay pa pala ang ganitong uri ng trabaho. Hindi ko lang naitanong kung magkano ang bayad sa pagkuha ng litrato. Kumikita pa kaya sila ngayon? Sigurado ako na mahina na ang hanapbuhay na ito kumpara noong araw. Ngayon kasi halos lahat ng tao ay may sarili ng cellphone na may camera. Halos lahat na rin ay nag mamay-ari ng  camera na talagang malilinaw na ang kuha. Hindi na rin gaanong uso ang pag-papaprint ng pictures. Ngayon kasi ay dina-download na lang sa computer tulad ng Facebook ang mga nakuhang litrato.

    Marami talaga ang taong namamasyal sa Rizal Park. May bata, matanda at nakakita rin ako ng mga taga-ibang bansa.  Hindi ko lang masigurado kung sila ay amerikano o aleman. Yung mga koreano sa dami nila dito sa Pinas normal na lang na makita silang kahalubilo ng mga Pinoy. Kapag narito ka sa Luneta ibat-ibang tao at mga karakter ang iyong makikita. Napansin ko nga ang ilang mga matatanda na nag-paalala sa akin sa ating mga lolo na nag-uusap na medyo malakas ang boses at tila mayroon silang pinagtatalunang paksa o isyu.

    In fairness sa Management ng parke ay kitang-kita naman ang kanilang effort para mapaayos at mapaganda ang lugar. Nakita ko nga ang isang taga-linis ng parke na kahit lubog na ang araw ay patuloy pa rin ang pag-wawalis at malinis ang mga kalat at basura. Napansin ko rin na marami rin sa mga namamasyal ang matiyagang lumalakad patungo sa mga basurahan para itapon ang kanilang kalat. Ganito sana tayong lahat na mga Pilipino! Matuto tayong itapon ang ating mga kalat at basura ng tama!

    Narito rin ang mga nagbebenta ng mga ginawang “banig” na  panlatag sa damuhan sa may Rizal Park. Nagmamadali kasi kami kaya hindi ko naitanong kung magkano ang presyo nito. Nakabili na ako nito dati noong namasyal ako sa parke na ito. Pero, matagal na iyon. Nagamit ko pa nga ang panlatag na ito noong namasyal kami sa beach sa Subic.  Ang Pinoy talaga maparaan makaraos lang! Itong banig na ito ay tinahi lang mula sa “recycled materials”. At dahil may praktikal na gamit ang banig na ito sa mga namamasyal na nais magpahinga o humiga sa damuhan ng Rizal Park naging mabili ito.

    Mayroong bandang tumutugtog ng madaan kami malapit sa kilalang “Concert at the Park”.  Dinig na dinig ang pinatutugtog rito kasi ang lakas ng sounds. Nagulat nga ako kasi ang mga narinig kong kinakanta ng araw na ito ay mga pinoy rock songs.  Dati ang alam ko ang pinatutugtog rito ay mga makalumang awitin lang. Minsan kasi kapag naglilipat ako ng channel sa TV tuwing naghahanap ako ng maayos na mapapanuod ay natyetyempuhan ko itong “concert at the park”.  Minsan kapag nagkaroon ako ng pagkakataon ay susubukang kong makinig ng mga pinalalabas dito at iba pang performances. Kahit hindi na trip ng mga kabataan ang pinalalabas ay mabuti na rin ang ganito dahil napapangalagaan ang ating kultura bilang mga Pilipino.

    Nakita ko rin na mayroon pang mga tao sa “Chess Plaza”. Bukas ang ilang ilaw pero dahil tapos na ang maghapon ay kakaunti na ang mga manlalaro ng chess o ahedres. Noong nasa kolehiyo pa ako at araw ng bakasyon ay pumapasyal din ako dito sa Chess Plaza para mag-laro.  Pustahan minsan ang labanan dito. Marami ritong mahilig talaga mag-laro ng chess.  Hindi ko tuloy maiwasang itanong sa aking sarili – sa Circle ba sa QC nabalik na ang Chess Plaza?

    Bukod as mismong monumento ni Rizal, ang napansin ko kung saan maraming tao ang nakapalibot ay ang fountain area kung saan may makukulay na ilaw ang fountains. Sa pag-lubog ng araw ay lalong tumingkad ang kagandahan ng lugar na ito sa Rizal Park. Marami ang nagpapakuha ng litrato sa lugar. Ang iba ay naglatag ng kanilang biniling sapin at namahinga sa damuhan. Mayroong pamilya, magkaibigan, magkasintahan, magkasama o mag-ano lang na napiling mamahinga dito. Nakapalibot rin dito sa may fountain area ang mga rebulto ng ilang nating bayani.

    Sandali lang namin sinilip ang momumento ni Rizal. Kaya lang dahil inabutan na nga kami ng pag-lubog ng araw ay nagdesisyon na kaming umuwi na. Kulang ang oras namin upang malibot itong parke at ito ay hindi dahil sa marami pa kaming pwedeng pasyalan. Gabi na kasi at baka mahirapan kaming sumakay sa LRT pabalik ng Roosevelt Station.  Binalak naming kumain sa mga kainan at tiagge na nakapalibot sa parke pero mas minabuti na lang naming kumain sa restaurant pag-dating namin sa Waltermart Mall.

    Sa sandaling pagbisita namin sa Rizal Park ay naisip ko ang kahalagahan ng parkeng ito sa kasaysayan ng ating bansa. Kitang kita ko ang efforts ng ating pamahalaan na pagandahin ito at panatilihing maayos. Sana lahat tayo ay makipagtulungan sa ating gobyerno para hindi masira ang parke na ito. Dahil pagabi na nang kami ay dumating ay hindi kami nakakuha ng mga larawan. Kapag muli akong nagkaroon ng pagkakataong bisitahin ang lugar na ito ay kukuha ako ng mga pictures para ibahagi sa inyong lahat.

  • Ito ang bahay ni Emilio Aguinaldo – ang unang Presidente ng Pilipinas! Ito ay makikita sa Kawit, Cavite.  Pagdating sa SM Bacoor, kaliwa lang.  Madadaanan ang Island Cove Resort bago marating ang shrine na ito.  Ito ay isang “historical landmark”  na ang ibig sabihin ay malaki ang naging bahagi ng bahay na ito sa kasaysayan ng Pilipinas.  Walang entrance fee! Ayon sa mga nasusulat, itinayo raw ito noon pang 1845 at naging isang shrine noong 1965.

    Mabuti na lang at na-preserba ang bahay na ito kahit ganuon pa ito katanda. Kailangan talaga nating pangalagaan ang mga ganitong lumang bahay dahil dito natin makikita ang naging nakaraan ng ating bansa. “We should learn from history” -sabi nga nila. Meron bang programa ang ating gobyerno para mapa-ngalagaan ang mga lumang bahay at iba pang istraktura dito sa Pilipinas?  Ang alam ko kasi ang pangangalaga sa mga ito ay trabaho ng gobyerno na nakaatang sa NHI.  Dahil sa kakulangan ng pondo (lagi naman!) ay hindi kaya na napapangalagaan ang ganitong mga bahay. Nabalitaan nyo rin ba ang nangyari sa bahay ng nanay ni Rizal sa Laguna? Yung “Alberto house” na balak sanang gibain.  Sana ay patuloy na ipaglaban sa demolisyon ang bahay na ito. Alam ko na may mga isyu tungkol sa bahay ng nanay ni Rizal pero sana hindi mangyari sa Aguinaldo Shrine ang nagaganap sa Alberto house.

    Alam kong hindi kaya ma-ingatan ng mabuti o masagip sa mga demolisyon ang mga lumang bahay kung iaasa lang natin ito sa gobyerno. Alam natin na ang ating gobyerno marami ring problema na hinaharap.  Gaya nga ng nasabi ko, lagi na lang wala o kulang sa pondo ang ating pamahalaan. Kaya dapat lang na magtulong-tulong tayong lahat upang maingatan ang yaman ng ating nakaraan.  Patuloy nating suportahan ang lahat ng grupong may malasakit sa naiwan ng ating kasaysayan. Kapag tayo namamasyal sa mga lugar na ito at iba pang pook pasyalan, iwasan natin ang pagtatapon ng basura kung saan-saan!

    Malawak ang parking dito. Kaya walang problema kung saan iiwanan ang dalang sasakyan. Ang napansin ko ay kakaunti lang kaming nakaisip na dumalaw sa bahay na ito ng araw na iyon. Mangilan-ngilan lang ang kotseng mga nakaparada. Gayunpaman, may mga napuna akong mga nakatambay at nagbebenta ng ibat-ibang uri kakanin.  May nagtitinda pa nga ng mani. Naroon din ang isang batang nagbebenta ng sampaguita. Napansin ko rin ang mga mag-sing irog na parang ginawang “dating place” ang lugar. Karaniwan na siguro  ang eksenang ito. Kahit sa Intramuros sa Maynila, meron din mga nag-liligawan at nag-de date. (Mas marami pa nga sa Intramuros kumpara dito).  Marahil ay pangkaraniwan na nagiging “dating place” ang mga lugar tulad nito. Mas magastos kasi makipag-date sa mga mall. Sa mga nag-de date, halata din ang bago pa lang at yung mag-asawa na. Yung bago pa lang kasi ang relasyon sweet na sweet at “holding-hands-while-walking pa sway-sway pa”. Samantalang, yung mag-asawa parang ala ng paki ang lalaki. Biglang naging “extinct” ang pagiging isa nyang “gentleman” noong naniningalang-pugad pa sya.

    Sa may parking area pa lang ay makikita na ang isang estatwa ng heneral na nakasakay sa kabayo. Marami ring mga naka-ukit na sulat ng mga pangalan na sa tingin ko’y mahahalagang personalidad noong panahon ng himagsikan. Mainit kasi ang araw noon, kaya hindi ko gaanong nabasa ang mga sulat na nakaukit sa bato. Gusto ko man basahin ang mga pangalang naka-ukit, hindi ko na nagawa. Nakakatusta kasi ang sikat ng araw! Wala pa naman kaming dalang payong. Ang badoy naman gumamit ng pandong! Sa susunod, hindi ko na kakalimutan mag-dala ng payong kahit nakakasira ng porma. Ang panahon kasi ngayon hindi maintidihan kung aaraw o uulan.  Mahirap din umasa sa forecast ng PAGASA.

    Siyanga nga pala, noong huling dinalaw ko ang bahay na ito, napansin ko na mayroong bagong gawang expressway dito na may nakalagay na “To Manila”. Noong pauwi ay sinubukan namin ang daang ito at nalaman ko na maraming bahagi nito ay “still under construction”. Pero, sa aking palagay baka mauna pa iyong matapos gawin kaysa sa blog na ito.

    Gayunpaman, kapag nabuo na ang  expressway patungo sa Cavite ay tiyak na magiging maginhawa na at mabilis ang pagbyahe papunta sa lugar na ito. Kaya lang, bigla ring tataas ang presyo ng mga bahay sa mga subdivision na kabi-kabilang itinayo dito.   Ang kapalit lang ay ang pagbabayad ng “toll fee”. Hindi ko na maalala kung magkano ang toll na binayaran ko pag-balik sa Maynila. Nagmamadali na kasi ako noon dahil may gagawin pa ako sa bahay. Isa pa, parang hindi ata ako ang nagbayad ng toll, kundi ang kasama ko sa sasakyan. Natatandaan ko kasi inabutan ako ng pera ng kasama ko pambayad. Alam ko mura lang ang toll dahil sa gaya nga ng sabi ko, ginagawa pa ang maraming bahagi ng daan. Sana lang kapag natapos na ang expressway na ito ang toll ay hindi kasing mahal ng sa NLEX at SCTEX. Kapag bumibyahe kasi ako sa NLEX at SCTEX,  parusa ang toll fees. Wala lang akong ibang option pati na rin siguro ang mga kapwa ko byahero. Wala naman akong ibang alam na madaraanan papunta sa norte. Kung meron man, baka abutin ng siyam-siyam ang byahe! Kaya sige, titiisin na lang ang toll fee, makarating lang sa nais paroonan. Pero, bakit kaya ganun ka-mahal ang toll fee sa NLEX at SCTEX? Bakit kailangan pang singilin ng gobyerno ng toll fee ang mga dumadaan sa mga expressway na ito, di ba nagbabayad na tayo ng tax? Oo, alam ko na magkaiba ang toll at tax. Alam ko rin na kahit nagbabayad na tayo ng tax ay pwede pa rin tayong singilin ng toll.  Ang sa akin lang, sana pag-aralang muli ng gobyerno kung tama talaga ang sinisingil na toll sa mga nasabing expressways. Baka maaring babaan pa kahit kaunti para sa mga motorista.  Kaya lang alam ko na isang mahabang usapin at debate na naman kung muling bubuksan ng isyu ng toll fee sa NLEX at SCTEX!

    Ganuon din siguro ang gagawin ng mga mag-babalak pumunta sa shrine na ito. Kahit magbayad pa ng toll, higit pang nanaisin ng marami ang dumaan sa bagong gawang expressway kaysa mabulok sa trapik. Minsan kasi ang bigat talaga ng trapik sa Bacoor.  Kapag trapik, nakakatamad ng mamasyal. Ito ang dahilan kung bakit tuwing naiisipan kong pumunta ng Cavite ay lagi kong itinataon sa alanganing oras ang byahe. Sa paraang ito ay naiibsan ang trapik. Minsan nga lang. Wala rin! Trapik pa rin talaga kahit anong oras.

    Gaya nga ng sabi ko, no entrance fee dito! Papipirmahin lang ang isang kasama sa “guest book” at maari ng pumasok. Mabuti naman at kahit paano’y makakatipid sa gastusin sa pamamasyal. Minsan kasi sa entrance fee pa lang, butas na ang bulsa lalo na kung marami ang sumama na nag-papalibre lang. Bakit kaya ganun tayong mga pilipino, kapag dumating ang isang kamag-anak natin galing sa abroad parang “expected” na  na siya ang taya sa lahat ng gastusin sa mga lakad? Ang tingin kasi natin – kapag galing “abroad” may balon sya ng pera na di nauubos. Sana mabago na ang pananaw na ito. Hindi rin pinupulot ang pera sa ibang bansa. Pinag-hihirapan din yun. [Okay na rin siguro, minsan lang naman maka-pamasyal!]

    Noong namasyal kami dito, marami kami! Marami akong kasamang kamag-anak, anak at kakilala nila. Kaya’t pasalamat talaga ang kawalan ng entrance fee. At dahil marami kaming papasok ay sinamahan pa kami ng isang “tour guide”.  Nakalimutan ko  na ang pangalan nya kaya’t tatawagin ko na lang siya rito na si “manong guide”. Habang nag-lalakad kami ay panay ang paliwanag ni manong tungkol sa bahay at sa buhay ni Aguinaldo. Masusi akong nakinig sa mga kwento nya habang ang mga kasama ko naman ay walang tigil sa pagkuha ng larawan.

    Sa ground floor ng bahay (na ginawa ng museo) makikita ang “bowling area” ni Aguinaldo.  Noong araw siguro malaki na ito at isa ng karangyaang maituturing ang pagkakaroon ng bowling area sa loob mismo ng bahay.  Naitanong ko nga paano kaya ito nilalaruan? Hindi kasi ito “automatic” gaya ng sa mga bowling centers sa SM. Kapag natumba ang mga pin, isa- isang itatayo? Grabe, ang hirap naman nun! Kailangan meron isang tao na taga-tayo ng pins habang nag-lalaro. Meron pa bang ganito ngayon? Oo, naalala ko meron din palang bolingan na hindi “automatic” gaya ng kay Aguinaldo at nakita ko ito sa UP sa Quezon City.

    Dito rin makikita sa ground floor ang mga naiwang gamit ni Aguinaldo- wallet, baril, mga bala, libro, sapatos, mga damit at iba pa. Yung iba pa ngang damit nya may bahid pa [yata?] ng dugo. Pero, sabi ng isang batang may mapag-larong isipan ay mantsa lang daw at hindi dugo ang makikita sa mga damit ni Aguinaldo. Sabi ni manong guide ay “original” o “authentic” daw talagang gamit ni Aguinaldo ang mga naka-display dito.

    Makikita rin dito ang isang butas o “sekretong lagusan” kung saan daw lumulusot ang mga katipunero noong araw para takasan ang kanilang mga kalaban. Ang bahay na ito ay kilala sa pag-kakaroon ng mga “secret passages”.  Isang patunay na noong panahon ni Aguinaldo ay nakaka-stress (!) talaga ang mga kalaban at panay-panay ang mga habulan at taguan.

    Nang biglang mapansin ko ang isang “malaking bato” na kasama sa mga naka-display ay hindi ko napigilang tanungin si manong guide kung ano ito. Para kasi itong pangkaraniwang bato lang sa akin.  Pero sabi ni manong ay mahalaga raw itong batong ito sapagkat dito nauupo o nagpapahinga si Aguinaldo noong araw habang sya ay nasa gitna ng labanan. Totoo kaya ito?  O mali lang ang pag-kaintindi ko sa sinabi ni manong? Ang ingay at ang kukulit kasi ng mga kasama naming bata. Naiisip ko kasi na impraktikal masyado kung laging dala-dala ang batong ito sa labanan. Ang bigat at tiyak na parusa ang pag-buhat dito!

    At dahil sa aking pag-kakaalam na dito unang iwinagayway ang ating bandila noong 12 June 1898 ng ideneklara  ng butihing heneral ang ating kasarinlan, itinanong ko kay manong kung ang bandera na nasa loob ng salamin ay ang mismong bandera na ginamit sa okasyong iyon. Sinagot naman nya ako ng oo.  Kaya’t pinagmasdan ko itong mabuti at naisip ko ang lahat ng pawis, hirap, dugo at at buhay na ibinuwis ng ating mga ninuno makamtan lang natin ang kalayaan. Mas higit kong naisip na nararapat lang na tumayo at mag-bigay galang tuwing inaawit ang Lupang Hinirang.   Minsan napapansin ko na yung ibang mga nanunuod ng last full show sa sine, hindi na tumatayo kapag kinanta ang ating pambansang awit.

    Sa pag-akyat sa ikalawang palapag ng bahay na ito ay makikita ang mga kwarto, silid-kainan, paliguan, at ang azotea. Halos lahat ng gamit ay antigo at gawa sa mga mamahaling kahoy. Kahanga-hanga din ang buong detalye ng bahay.  Mayroon itong mga palamuti at inukit na mga dekorasyon na pinag-laanan talaga ng panahon ang pag-gawa. Ang mga naka-ukit  sa mga dingding at pasilyo ng bahay ay nagpapakita ng nasyonalismo at mga simbolismong nag-papaalaala ng pagmamahal sa ating inang bayan.

    Namangha ako ng aking makita na nakaukit sa itaas ng kisame ang mapa ng Pilipinas. Si Aguinaldo daw mismo ang nag-pagawa nito. Kitang-kita dito ang lahat ng isla ng Pilipinas mula Luzon hanggang Mindanao. Alam ko na pilit kinumpleto ni Aguinaldo at pinagkasya sa kisame ang lahat ng isla na sakop ng Pilipinas. At sa aking palagay, kung noong panahon nya ay sakop na ng Pilipinas ang “Benham Rise” malamang nakaukit din iyon sa kisame. Sana tuluyan ng mapasa-atin itong Benham Rise. Hindi na sana ito maagaw sa atin. Patuloy sanang kumilos ang ating pamahalaan para mapasa-atin na itong lugar na ito. Baka mamaya pag-interesan na naman ito ng ibang bansa kahit super layo ito sa kanila. Wag sana ito magaya sa Spratlys!

    Ipinakita rin sa amin ni manong ang isang “movable” na patungan ng plorera ng bulaklak at mga sikretong daanan at mga taguan ng ibat-ibang mga gamit at dokumento. Totoo pala ang balita na ang bahay na ito ay punong-puno ng mga sikreto. Sa pag-libot ng bahay ay ramdam talaga na ang mga dating nakatira rito ay tinitingala ng lipunan, marangya  at nabibilang sa mga tinaguriang “alta de sosyadad”. Masasalamin sa bahay na ito ang uri ng pamumuhay ng mga mayayayaman noong araw. Ito rin kaya yung tinatawag ng “bahay na bato” noong panahon ng mga kastila?

    Natanaw ko rin ang “balkonahe” ng harapan bahay. Marahil ito na ang pinaka-kilalang bahagi ng bahay na ito. Akala ko dati dito talaga unang iwinagayway ang ating bandila. Lagi kasing isinasalarawan na hawak ni Aguinaldo ang bandera natin sa balkonaheng ito habang nagbubunyi ang maraming tao.  Anong pera nga ang nagpapakita ng eksenang ito? Tiningnan ko tuloy ang natitirang kong pera sa wallet.  Hindi naman sa P 20.00 kasi ang naka-drowing ay ang “Palasyo ng Malakanyang”; Hindi rin sa P 50.00 kasi ang isinasalarawan dito ay ang “Gusali ng Pambansang Museo”; Sa P 100.00 naman ay ang “Bangko Sentral ng Pilipinas.  Sa dahilang ito lang ang mga perang naiwan sa wallet ko ay kinalimutan ko na lang ang tanong na ito ng aking isipan.

    Sabi sa nasusulat, sa bintana lang daw talaga ng bahay ipinoroklama ni Aguinaldo ang ating kalayaan at hindi sa balkonahe. Ang balkonahe raw kasing ito ay idinagdag lamang matapos ang makasaysayang okasyong iyon. Sa makatuwid, ang pagpapakita sa mga larawan na sa balkonahe ng bahay na ito ideneklara ang ating kalayaan habang hawak ni Aguinaldo ang bandera ay halaw lamang sa imahinasyon ng isang malikhaing isip. Kung sa bagay, higit na may dating kasi kung sa balkonahe isinigaw ang ating kasarinlan. Hindi yung sa bintana lang!

    Nang mapadaan kami sa may “azotea” ay nabanggit ni manong guide na dito raw namamalagi ang mga dalaga at dito sila nililigawan ng mga binata. Sabi ni manong, ang pabirong tawag daw ni Aguinaldo sa lugar na ito ay “lugar ng mga makasalanan”. Hindi ako sigurado kung tama ang dinig ko. Pero, hayaan nyo kapag nagkaroon ako ng pagkakataong makabalik ay lilinawin ko ito kay manong.  Pero habang pinagmamasdan ko itong azotea, naalala ko ang mga kwento nila lola – ang hirap daw ng ligawan noon! Noon daw bago maakyat ng ligaw ang isang iniirog kailangan muna haranahin ng binata. Harana? Uso pa ba yun ngayon? Kahit siguro sa malalayong probinsya dito sa Pilipinas wala ng harana. Kung meron man, sana hindi mawala ang kaugaliang ito. Ang harana kasi ay isang pamana ng ating mga ninuno at nag-papakita ng ating pagka-pilipino.

    Ang tagal-tagal din daw ng ligawan noon! Taon ang inaabot. Kailangan din daw marunong ka mag-sibak ng kahoy. Ito yata ang tinatawag na “paninilbihan” bago pumayag ang pamilya ng babae na ikasal ang kanilang anak sa bf nya. Sumagi din bigla sa isip ko yung salitang “dote”. Yun bang dapat ding mag-alay si lalaki ng alahas, alagang kalabaw o anumang may halaga sa mga magulang ng kanyang aasawahin. Grabe, tyagaan talaga noon. Mabuti na lang at hindi ako nabuhay noong panahong iyon! Sa ngayon kasi ang ligawan text-text lang, okay na.  Noong araw din daw, mahawakan lang ang kamay o makita lang ang talampakan ng babae “big deal” na. Wow! boring naman nun.

    Akala ko pwede umakyat dun sa tore ng bahay. Napanuod ko sa tv na yung host ng isang travel show inakyat ito at ipinakita ang isang napakagandang tanawin. Yun pala hindi lahat pwedeng umakyat. Sayang. Gusto ko pa naman ang nasa mataas na lugar. Malayo kasi sa baha. Yung bahay kasi namin kaunting ulan lang baha na! Noong “ondoy” nga nag-mistulang isang malawak na karagatan ang lugar namin sa taas ng baha. Sa dahilan daw na  may kalumaan na ang bahay na ito ay  hindi na kami pinayagan ni manong guide na umakyat sa tore. Siguro, ay napansin nya rin ang mga makukulit at maiingay na kasama naming mga bata. Ewan ko talaga kung bakit ang daming sumasamang bata sa pamamasyal namin. Puro pasaway pa! Baka mamaya may masira pa ang mga ito, mapag-bayad pa kami.

    Nabanggit din ni manong guide na si Aguinaldo ay maliit lang na tao at hindi katangkaran. Nagulat ako ng marinig ko ito. Isinasalarawan kasi ng aking isipan na matangkad at malaking tao itong si Aguinaldo. Heneral kasi sya di ba? Gayundin, ang akala ng marami sa naroon.  Napansin ko nga na sa mga gamit nya na naka-display sa kanyang bahay ay maliit nga lang talagang tao itong si Aguinaldo. Sumagi tuloy sa isipan ko ang kasabihang “walang malaki na nakakapuwing”. Maliliit lang pala silang mga nakipag-laban sa ating kalayaan at sa mga kastilang mananakop. Hindi ba maliit na tao rin si Rizal?  Hindi ba mismong ang ating pambansang bayani ay di katangkaran? Totoo talaga na hindi lahat nadaraan sa laki ng katawan. Sa pagiging dakila hindi hadlang ang pagiging maliit.

    Habang patuloy naming nililibot ang bahay ay may bigla na lang nag-ungkat sa matagal ng nakatagong katanungan sa ating kasaysayan.  May nagtanong – si Aguinaldo nga ba talaga ang nagpapatay kay Bonifacio? Matagal na itong tinatanong ng mga mag-aaral ng ating history.  Pero, kahit ang mga eksperto ay hindi maka-pagbigay ng sagot. Ibat-iba kasi ang mga kwento, opinyon at haka-hakang lumalabas ukol dito. Isa ito sa mga katanungang ang kasagutan ay ibinaon na sa baul ng pag-limot. Walang naging tugon dito kahit si manong guide kaya’t nag-patuloy na lang kami sa pag-libot ng bahay.

    Sa pag-labas ay makikita sa ilalim ng  hagdan ang “swimming pool”  daw ni Aguinaldo. Hindi naman ito kalakihan at akala ko nga noong una ay imbakan lang ito ng tubig.  Malayo kasi ang itsura nito sa mga swimming pool ngayon.  Marahil noong araw, ganito talaga ang itsura ng mga pool.  Sana nga lang, linisin na ang nakaimbak na tubig dito. Mas mabuti pa ngang itapon na lang ang laman nitong tubig. Napansin ko kasi na nilulumot na ito at pinapamahayan na ng mga lamok.  Baka kasi makadagdag pa sa problema natin sa dengue.

    Sa bakuran sa likod ng bahay makikita ang puntod ni Aguinaldo. Dito ay marapat na magpasalamat sa kabayanihang ginawa ng yumaong heneral.  Bakit kaya kung kelan wala na ang isang tao saka natin naiisip ang kabaitan at kanyang mga magagandang ginawa?

    Noong marahil ay nararamdaman na ni Aguinaldo na malapit na ang takipsilim ng kanyang buhay,  naisip nya na i-“donate” o  ialay ng walang bayad sa gobyerno ang kanyang bahay noong 1962.  Matapos nyang gastusan ng husto at pagandahin ang kanyang bahay ay hindi sya nag-atubili ng ibigay ito ng libre sa gobyerno! Itong ginawa ni Aguinaldo ay nararapat na tanawin nating isang malaking-utang na loob sa kanya.  Sino pa kaya ang makakaisip na gumawa ng tulad nito sa ngayon? Siguro, kung hindi ito ginawa ni Aguinaldo at napunta ang kanyang bahay sa kung sino mang walang inisip kundi ang kumita – malamang ang mahal siguro ng entrance fee dito!

    Ayon sa mga nakatala, Si Aguinaldo ang pinakabatang naging Presidente ng Pilipinas sa edad na 29.  Ang galing naman nya, 29 pa lang sya Pangulo na! Marami nga akong kakilala dyan mahigit 30 na ang edad wala pa ring mahanap na trabaho hanggang ngayon! Hindi rin natin sila masisisi kasi (sa totoo lang!) ang hirap din talaga mag-hanap ng trabaho dito sa Pilipinas. Ang liit pa ng sweldo. Dahil dito, marami nakakaisip pumasok sa “call centers” o maki-pagsapalaran na lang sa ibang bansa. Hindi ko sinasabi na masama mag-trabaho sa mga call centers. Nag-papasalamat nga ako at kahit paano’y may mapapasukang trabaho. Sanayan lang ang puyatan!

    Marahil ay hindi na mabubura ang naitala nya sa ating kasaysayan bilang pinakabatang naging Pangulo. Ang alam ko kasi ngayon bago ka mahalal na Presidente dapat 40 years old ka na. Ano kaya ang mangyayari kung ibaba ng Kongreso ang edad na pwede ng maging Presidente ng Pilipinas sa 29 years old? Siguro, sa unang pagkakataon magkakaroon tayo ng Pangulo na ang dating ay mala- “bad boy on the dance floor?”

    Bukod sa pagiging isang magiting na heneral at unang Pangulo ng ating bansa, si Aguinaldo ay isang bayani! Habang nag-pipicture taking ang ilang namamasyal sa harap ng puntod nya, naalala ko ang dahilan kung bakit ang ating ipinagdirawang ay ang araw ng kamatayan ng isang bayani at hindi ang kanyang kapanganakan. Ito ay sapagkat sa araw ng kamatayan ng isang tao – duon sya naging dakila! (tama ba?).

    Matapos sa puntod ay tinungo din namin ang naka-display na isang lumang sasakyan sa bakuran. Ito raw ang ginamit ni Aguinaldo noong panahon nya. “Vintage” na talaga ang kotse.  Ganitong-ganito ang itsura ng kotse na napapanuod ko sa mga lumang pelikula. Gaano kaya kabilis ito? Matipid kaya ito sa gas?  Pwede pa ba ito i-trade in? Magkano kaya ang presyo nito ngayon? Ang dami kong tanong habang pinag-mamasdan ko ang sasakyan na ito.  Isang pangarap lang kasi ang mag-kakotse dito sa Pilipinas. Hindi katulad sa amerika, madali lang mangutang ng kotse. Pero, utang yun at di ibig sabihin ay naka-angat na sa buhay ang nagkaka-kotse sa amerika.  Sa states kasi ang kotse ay “necessity” talaga. Wala duong jeep, tricycle at pedicab. Madalang din daw ang bus at sa layo ng mga pupuntahan kailangan talaga ng sasakyan.

    Dito sa Pilipinas, sa sobrang trapik at sa hirap mag-hanap ng parking, mas okay minsan ang mag-commute. Ang pag-kakaroon kasi ng sariling kotse kaakibat din ang malaking gastos. Sabi nga nila, pag may kotse ka raw para ka ring may pinapaaral.  Kapag may kotse ka kasi nariyan ang gastos sa maintenance, insurance at gasolina. Idagdag pa ang pang-bayad buwan-buwan kung hulugan lang nakuha ang kotse. Nariyan din ang bayad sa parking sa mga mall! (Dapat talaga wala ng parking fee sa mga mall kasi  customer ka naman nila!) Ano na kaya ang nangyari sa panukala na tanggalin na ang parking fee sa mga malls?  Parang nag-laho na lang bigla…  Pero, iba pa rin talaga ang dating kapag may kotse ka di ba? Mahirap kasi manligaw kung wala kang kotse. Ang mga kadalagahan karamihan ayaw sa ginoong gumagamit lang ng “public transport” sa pakiki-pagdate. Mas gusto nila yung may “car-rakter” o may magandang pag-uugali. Sabagay, libre lang naman mangarap.

    Dito pala sa bahay ni Aguinaldo, mayroong ding lugar kung saan pwede kang bumili ng ibat-ibang “souvenirs”.  May mga samut-saring ibenebentang t-shirst, pulseras, kwintas at mga libro. Lagi naman talagang meron nito sa lahat ng mga kahalintulad na lugar na napasyalan ko. May isang bahaging inilalaan para sa bilihan ng mga souvenir items. Pero, minsan dagdag lang ito sa gastos! Turo kasi ng turo lalo ang mga bata. Sabi ko ituro lang ang gusto. (Ituro lang ha, pero ibang usapan na kung bibilhin). (My pics/August 2011).