• Ilang ulit na ako nakapunta sa resort na ito sa  San Mateo, Rizal.  Sa una iisiping malayo. Pero, malapit lang ito sa Quezon City. Pumunta ka lang sa Commonwealth Avenue, kanan sa may Sandiganbayan Building. Kapag nakita na ang Kongreso, kanan diretso sa pababang daan. Pagdating sa dulo kaliwa. Ilang metro lang, makikita na ang sign sa resort na ito. Papasok sa loob ng isang subdivision (Carrielands Country Homes II) tapat ng Tropical Hut at Mercury Drug.

    Habang binabagtas ko ang Commonwealth, inisip ko  ang mag-ingat.  Tinagurian kasi itong “killer highway”. Madalas kasi ang aksidente. At dahil sa malalagim na mga aksidenteng naganap sa lansangang ito ipinatupad yung 60 speed limit. Komento ng iba,  kung kelan may marami ng namatay saka pa ipinatupad itong speed limit.  Sana noon pa! Kung kelan marami ng namatay, saka lang naisipan ng gobyerno na ipagbawal ang sa wari mo’y mga nagkakarerang mga sasakyan.  Bakit kaya ganun, saka lang natin naiisipan na gumawa o sumunod sa mga regulasyon kapag may mga namatay na o kapag may lumubog ng barko? Pasensya na. Bigla kasing sumagi sa isipan ko na  noong may lumubog na barko at maraming namatay, ginanahan na naman ng husto ang kongreso na mag-imbestiga at lumabas ang napakaraming pag-labag sa mga regulasyon tulad ng overloading, kawalan ng tamang kagamitan ng barko, kulang sa training ang mga marino at kung anu-ano pa. Sana lang lahat ng repormang kailangan ay napatupad na ngayon. Yung mga problemang lumabas sa hearing ay naayos na. Hindi yung kung may nang-yari ng sakuna saka kabi-kabila ang mangyayaring mga imbestigasyon at pag-natapos na ang circus sa senado at kongreso makakalimutan rin ang lahat.

    Wag lang sana magaya sa ibang programa ng gobyerno na “ningas kugon” lang ang pagpapatupad ng speed limit sa Commonwealth. Wag sanang sa simula lang mahigpit at masigasig mag-patupad nito  na paglaoy balik din ang lahat sa dating gawi. Marami ang natutuwa at nag-nakaroon na ng speed limit sa dito. Kaya lang, bago pa lang ipinatutupad ang speed limit ay marami ng umaalingawngaw na mga kontra. Minsan iniisip ko bakit ganito tayong mga pilipino, kapag may isang magandang alituntunin di pa man lubos nasusubukan marami ng lumalabas na oposisyon. Kung sabagay, ganito talaga ang prinsipyo ng demokrasya. Dapat pakinggan at irespeto ang lahat ng panig. Kontra man o suporta sa isang panukala. Kailangang respetuhin ang lahat pananaw.  Ang pakiusap ko lang, bigyan natin ng pagkakataon na ipatupad ang speed limit sa Commonwealth.  Sa aking palagay kailangan talaga at nararapat lang na ipag-bawal ang sobrang bilis na mga sasakyan. Sa lawak at haba ng daan at sa dami ng kabi-kabilang taong  walang paki kung tumawid marapat lang talaga na may speed limit sa daang ito.

    Habang inoobserbahan ko ang daan ay di nga malayo na marami ang bawian ng buhay sa pag-gamit ng Commonwealth. Ang mga bus ay harurot na parang mga dambuhalang ferrari kung mag-unahan sa mga pasahero. Sa bilis ng takbo ng mga bus ay para ba silang mga nagliliparan.  Nakita ko pa ang ang isang bus na palipat-lipat ng linya. Talo pa ang  ang kotse! Sabi ng isang nakausap ko galing abroad, ang mga bus daw sa ibang bansa may sariling linya. Dito daw sa atin, sige lang ng sige ang mga bus. Ang linya sa kalsada ay parang “suggestion” lang. Bakit kaya hindi maipatupad kahit dito lang sa Commonwealth ang pagkakaroon ng sariling linya ang mga bus, motor, jeep, at mga pribadong sasakyan. Ang nangyayari kasi halo-halo at labo-labo. Kanya-kanyang lusutan. Ang linya kahit hindi sundin okey lang. Wag ka lang pahuhuli sa mga traffic enforcers na ibat-iba ang kulay depende kung  saang ahensya sya ng gobyerno kumukuha ng sueldo. Mayroon naka-asul,  may naka- dilaw at may kulay tsokolate ang suot. Sabi ng iba depende daw sa kulay ng buwaya ang lagay. Teka, unfair naman siguro yun.  Kahit may mangilan-ngilan dyan na tamad at abusadong traffic enforcers at pulis, marami pa rin ang matino at masipag gawin ang kanilang tungkulin sa gitna ng araw at ulan kahit na lukubin pa sila ng makapal na alikabok at nakaka-ulasok na usok galing sa tambutso ng mga sasakyan. Sana ay ipagpatuloy ng gobyerno ang pag-sibak sa mga bulok na pulis at traffic enforcers na walang inisip kundi ang mangotong sa kaawa-awang motorista. Sinisira pa nila ang imahe ng kanilang hanay at nadadamay pa ang matitino nilang kapatid sa serbisyo.

    Nasasalamin daw ang kalagayan ng isang bansa sa kalagayan ng kanyang mga kalsada.  Sa lansangan makikita kung disiplinado ang mga mamayan. Kaya’t nakakalungkot na kung pagmamasdan ang ang mga lansangan dito sa atin makikita ang kawalan ng disiplina.  Kanya-kanya ang mga motorista.  Walang batas at regulasyon na sinusunod. Bahala  na bukas! Kung ang mismong mga batas trapiko hindi na naipatutupad ng maayos, paano pa ang mga komplikado at masalimuot nating mga batas?

    Nang bigla na lang may isang bus na kung saan ay lumitaw at pininahan ang isang taxi ay nangilabot akong isipin – paano na kung nawalan ng preno at nahagip ng bus ang kawawang taxi? Siguradong durog ang mga pasahero.  Isang aksidente na naman ang masasaksihan ng madla. Marahil maraming buhay na naman ang makikitil.  Ilang pamilya na naman ang may pag-lalamayan ang isang kamag-anak? May mahal sa buhay na namang papanaw sa mundong ito! Wala akong nagawa kundi sambitin ang ang pangalang ng Diyos at magwikang – grabe naman ang driver ng bus na iyon! Kailan kaya matututo ng leksyon? Hindi ba dapat alam nya ang  tinawag na “defensive driving?”  Dagdag naman ng kasama ko sa sasakyan – ang tindi naman ng hunghang na iyon? Muntikan na! Kung hindi colorum ang bus na iyon malamang may “professional driver’s license” ang driver nun. Siguro naka-attend naman sya ng seminar sa tamang pag-mamaneho. Kaya lang, hindi rin kasi masasabi na dahil lang may “driver’s license” ka (at professional pa!) ay  sapat na ang kaalaman mo sa pag-mamaneho.  Alam naman natin na, di tulad ng ibang bansa, kailangan pa ng higit na pag-sasaayos ang proseso sa pagkuha ng lisensya. Kahit hindi marunong mag-drive, nakakakuha pa rin ng lisensya! Bagamat masasabing nagkaroon na rin ng magandang pag-babago ang patakaran sa LTO, marami pa rin talaga ang dapat gawin.  Hindi naman ganun kadali isaayos ang isang matagal ng nakagisnang sistema. Kailangan din ng kooperasyon ng lahat. Isa na rito ang pag-tatatanggal sa napakaraming mga “fixers” na patuloy pa ring naglipana at pakalat-kalat sa mga pasilyo ng ahensya. Nakapagtataka talaga na kahit mayroong napakalaking paskil na nag-sasabing bawal sila, patuloy pa ring wari’y bahagi na sila ng isang bulok na sistema ang mga fixers.

    Ang mga naka-motor naman ay walang paki-alam sa paglipat ng mga linya na wari’y nagsasabing “bahala na si batman.” Dapat talaga bigyan na rin ng sariling linya ang mga nakamotor. Delikado na kahalo sila ng ibang sasakyan. Kapag sila nabunggo o sila ang bumunggo sila pa rin ang tatalsik! Kahit delikado, parami na ng parami ang nag momotor dahil matipid sa  gasolina. Pwede rin sumingit kapag trapik. Isa pa , motor na lang talaga ang kaya ng isang ordinaryong pinoy. Isang pangarap lang ang magka-kotse.

    Ang mga tao ay kung saan-saan na lang tumatawid kahit walang tawiran. Naisip ko na masisisi ba natin ang mga tao sa pag-tawid sa gitna ng kalsada at makipag-patintero sa mga humaharurot na sasakyan kung ang mga overpass  naman ang layo! Alanganin… nakakatamad maglakad! Kaya marami ang sumusugal sa pagtawid sa gitna ng kalsada at itaya ang sariling buhay kaysa mag-tyagang akyatin ang mga overpass. Di ko rin ma-imagine paano pagugulungin ng isang may kapansanan ang kanyang wheelchair paakyat ng overpass kung ganoon naman kataas at katarik!

    Nang mapadaan naman kami sa Sandiganbayan Building, naisip ko kung ilan na kayang corrupt na opisyales ng gobyerno ang na napakulong ng ahensyang ito. Alam ko kasi na dito bumabagsak ang mga kaso ng mga taga-gobyernong naakusahan ng pag-nanakaw sa kaban ng bayan.   Habang patuloy ang aming byahe, ay natanaw ko na ang Kongreso. Dito ay naitanong ko sa aking sarili –  bakit kaya ang dami ng congressman sa Pilipinas, ang liit naman ng bansang ito?  Minsan talaga kapag bumibyahe ako ay di ko maiwasang sumagi ang ilang mga bagay sa isipan ko. Lalo na kapag trapik, di maiwasan mag-isip at mag-tanong. Minsan kasi ang trapik dito sa atin – ilang oras na walang talagang galawan!  

    Ilang liko pa at maingat na pag-maniobra ng manibela, narating ko ng muli ang Ciudad Christia Resort.  Kitang kita ang sign nito sa labas ng Carrielands Subdivision. Ang palatandaan ko lang ay sa tapat ito ng Tropical Hut at Mercury Drug. Kilala rin ito sa tawag na nine (9) waves resort. Meron itong tatlong klase ng pool – adult pool (3 to 6ft), kiddie pool (2 to 4 ft), wave pool (0 to 6ft).  May mga picnic huts, souvenir shop, restaurant, airconditioned rooms, conference rooms, pergola hall (events place), team building facilities, mini organic garden, billiards, table tennis at basket ball court.

    Depende sa dami ng tao ang pag-papaandar sa wave pool. Napakasaya makipag-laro sa waves.  Para kang nakikipaglaban sa hampas ng mga alon. Malaki ang wave pool dito kaya nakaka-enganyo na balik balikan ang lugar na ito. Yung adult pool matatagpuan sa bandang itaas ng resort. Dito rin  ay may isang mataas at malaking slide.  Ang kiddie pool naman ay kaaya-aya sa mga bata. Magalang ang mga staff dito. Siguro ay lagi sila pina-aalahanan ng management na dapat alagaan ang mga guests na pumupunta dito. Kung walang guests, magsasara ang resort at mawawalan sila ng trabaho.

    Minsang nag night swimming kami, napansin ko lang na medyo malamok dito. Natural lang siguro ito kasi, sabi nga, ang Pilipinas ay  isang tropical country.  Sana lang panatilihin nilang laging malinis ang tubig sa pool na ito. Minsan nga, gusto kong itanong kung ilang beses sa isang buwan pinapalitan ang tubig sa mga pool. Marami kasing tao lalo na sa summer at kaya’t di maiwasang dumumi ang tubig sa dami ng naliligo. (My pics/August 2011)

  • Mag- tatanghali na ng marating ko ang Tree Top Adventure sa Subic (Tel. Nos. 047-2529425/0920-6288740). Hindi ko alam kung magpapasalamat ako dahil kainitan ng araw noon. Nakita ko na marami naman akong kasabay na susubok sa adventure na ito kaya kahit  mataas ang sikat ng araw ay hindi na ako nag-atubili na tumuloy. Napansin ko naman na may natural na masisilungan  mula sa mga nakatalukbong na mga punong nagbibigay lilim sa mga namamasyal. Pero, maalinsangan pa rin talaga. Walang hangin  na umiihip at ang init ay kakaiba na pumapaso kapag tumatapat ang sikat ng araw sa iyong balat.  Meron ngang nagsabi roon na ang init raw ngayon ay grabe kumpare sa noong mga nakaraang taon. Siguro epekto na ito ng tinawag na “climate change”.  Ang pasalamat ko lang ay na-preserve ang Subic mula sa mga mapangahas at walang konsensyang mga illegal loggers. Minsan naiisip ko na isang mabuting dinulot ng mahabang panahong nasa kamay ng mga kano ang Subic ay napangalagaan ang kalikasan sa palibot nito.

    Nakakatuwa talagang pagmasdan ang mga naglalakihang mga puno sa canopy walk. Ang kanilang mayayabong na mga sanga at berdeng mga dahon ay isang tanawin na sana ay makita rin ng mga susunod na henerasyon. Kaya lang, alam nating lahat na unti-unti ng nakakalbo ang ating mga kabundukan. Ang ating mga kagubatan ay patuloy na pinagsasamantalahan at walang habas na sinisira ang kanyang natural na ganda. Sana matigil na ang kasakiman nating mga tao at lagi sanang isaisip na ang kalikasan ay ipinahiram lamang sa atin ng Diyos.

    Ang dagdag kong panalangin ay sana ang Subic ay patuloy na mapangalagaan at maprotektahan. Nakita ko nga sa mga pictures sa internet na makikita sa gubat na ito ang “pikoy” o ang “blue naped parrot” na malapit ng maubos.  Bukod sa parrot na ito ay alam kong marami pa ring mga hayop, ibon at ibat-ibang uri ng insekto na nabubuhay at umaasa sa kagubatan ng Subic.  Dito nga lang ako nakakakita ng napakaraming mga unggoy na malaya at mga paniking nakukumpol sa isang mataas na puno.  Na obserbahan ko lang na sa bawat pagbalik ko sa lugar na ito ay napapansin kong paunti ng paunti rin ang mga unggoy at paniki na nakikita ko sa paligid. Minsan nga, noong pumunta ako sa “Bat Kingdom”  ay hindi ako nagkaroon ng pagkakataon na makita ang mga paniki.  Nang magtanong ako kung bakit wala ang-kumpol kumpol ng paniki na dati kong nakikita tuwing bumibisita ako sa lugar na iyon ay may nagsabi sa akin na nagkataon na di panahon ng mga paniki.  Hindi ko alam kung paniniwalaan ko ang aking narinig.  Ang sumagi sa isipan ko ay marahil ang mga paniki ay nilisan na ang lugar dahil nawala na ang kanilang kinagisnang katahimikan at mayabong na kagubatan.

    Madaling makita ang Treetop Adventure dahil kitang-kita sa daan ang paskil ng tarpaulin na nag-aanyayang subukan ang karanasang  ito.  Mula sa entrance ng Subic ay diretso lang at kakaliwa pagdating sa dulo.  Ang daan tungo sa adventure na ito ay siya ring daang tatahakin papunta sa Crown Peak Hotel at Ocean Adventure.

    Ang entrance fee ay nagsisimula sa P 400.00 +. Masasabi ko na sulit naman ang bayad sa kakaibang adventure na ito. Mula sa paglakad sa itaas ng “canopy” o ibabaw ng gubat at makita ang malawak na mga kakahuyan na kahit panandalian ay madama ang karanasan na mabuhay sa gitna ng berdeng gubat ay tiyak na hindi pagsisisihan ang adventure na ito. Kailangan lang ay malakas ang iyong loob at kaya pa ng tuhod ang  mahabang lakaran na kaakibat upang makompleto ang tinatawag nilang canopy ride, silver surfer, free fall, trekking at marami pang ibang adventure na maaring pag-pilian.

    Sa trekking sa baba ng gubat ay gagabayan ka ng kapatid nating aeta na magtuturo sa iyo ng ibat -ibang impormasyon ukol sa mga halaman at mga punongkahoy na matatagpuan sa gubat. Magkakaroon ka rin ng kaalaman sa tinatawag nilang “jungle survival” o kung paano mabuhay sa kagubatan. Mayroon “vine” na kapag pinutol ay maaaring inumin ang tubig sa loob nito. Ipinakita ito ng aming “guide” at kanyang ipinaliwanag ang kahalagahan na makilala ang uri ng halaman na ito upang maibsan ang pag-kauhaw sa gitna ng kagubatan. Bukod dito ay ipinakita rin nya ang pag-gawa ng apoy mula sa  kusot ng kawayan ng walang gamit na posporo o lighter. Ang paglikha ng apoy ay isang  dapat matutunan  upang mabuhay sa loob ng kagubatan.

    Isa sa hindi malilimutang bahagi ng adventure na ito  ay iyong magpapatihulog ka mula sa isang mataas na puno o iyong “tree drop”. Kapag matatakutin ka sa mga matataas na lugar, isa itong magandang paraan para labanan at matalo ang iyong takot at kaba. Face your fear  sabi nga nila. Matapos masubukan ang tree drop ay tiyak na lalakas ang iyong loob na harapin ang ibat-ibang pagsubok ng buhay.

    Maganda pasyalan ang lugar na ito lalo na sa mga balikbayan at mga kabataan. Isang kakaibang adventure na mararanasan lang sa Subic. Inuulit ko lang na sana ay patuloy na mapangalagaan at maprotektahan ang kayamanang ito. Napakasarap makakita ng isang luntian, mayabong at makapal na kagubatan. (My pics/ April 2011)

  • Padumi na nga padumi ang tubig.  Naalala ko pa ang panahon na okay lang uminom ng diretso sa gripo. Noon kapag uminom ka sa gripo, di sasakit ang tyan mo. Ngayon,  delikado na talaga ang uminom sa gripo. Noong araw daw  “banga”  o “earthen jar” ang lagayan ng tubig kasi di pa uso ang refrigerator. Kaya sa banga nagpapalamig ng tubig. Parang ang hirap isipin na noong araw, ang tubig sa banga lang nilalagay at pede ng inumin.

    Ngayon, mahirap na humanap ng malinis na tubig kaya’t nag-sulputan na ang maraming “water-refilling stations”.  Usong-uso na ang bottled water. Dati naalala ko, “ice tubig” lang okay na. Ano ang ice tubig? Ang  ice tubig ay tubig mula sa gripo na nilagay sa plastic ng yelo. Tapos kung malamig na o bago pa mag-yelo pede ng inumin.  Meron pa kayang ice tubig ngayon?  Sa pagdaan ng araw, lahat ang iniinom ay yung tubig na na distilled o dumaan na sa purifying process sa mga water-refilling stations.

    Kaya’t dapat na talaga tayong magtipid ng tubig.  Baka dumating ang panahon ang tubig at gasolina ay maging mag-katulad na pagdating sa presyo.  Narinig ko nga na ang tubig daw ang susunod na dahilan upang mag-away away ang mga bansa. Maswerte tayo dito sa Pilipinas at napapalibutan tayo ng tubig.  Kaya lang kapag patuloy ang pagtapon natin ng basura sa mga ilog at dagat,  di malayo na ang bottled water maging kasing presyo na ng gasolina o higit pa.  Bakit kaya ganun, kapag ang isang bagay ay marami kahit kailangan upang mabuhay, hindi masyadong pinapahalagahan? Pero, kapag wala na saka lang tayo kikilos para maiwasan ang pagkaubos nito.