• Sa bilis ng oras, ngayon ko lang naalala ang April Fools day.  Sabi nila, ito daw ang araw kung saan maraming mga kalokohan na ginagawa.  Hindi naman ito holiday sa Pilipinas at ibang bansa.  Pero, ngayong araw na ito ay parang wala namang pinag-kaiba sa ibang araw ko. Minsan nga naiisip ko yung ibang araw, yun pa ang dapat tawaging April Fools Day.  May mga araw kasi na ang mga nangyayari ay parang gawa ng isang may kalokohan sa buhay. Isang pagbibiro ng  panahon. Isang biro ng tadhana.

    Laging sinasabi na kapag ikaw raw ay biniro na naging dahilan ng iyong pagkakadapa ay muli mong pulutin ang iyong sarili at dali-dali kang bumangon. Tuwing madadapa ka dapat ay lagi kang handang bumangon.  Ang buhay kung minsan ay isang biro. Napakaraming pagsubok na dapat lagpasan. Pero biro man o hindi, dapat laging may pagbangon. Ganun lang kasi ang buhay, isang pag-ikot lang. Sabi nga gulong ng palad. Minsan nasa ibabaw ka, minsan nasa ilalim.  Isipin na lang na lahat ng biro at kalokohan ay may katapusan.

    Ang April Fool’s day  pwede bang ihalintulad sa Friday the 13th? Yung ay isang araw kung saan ay sinasabi nilang hindi daw swerte. Hindi ako dito naniniwala. Walang araw na hindi swerte na nilikha ng ating panginoon.  Lahat ng araw na ginawa ng Diyos upang mabigyan ang tao ng pagkakataong gumawa ng mabuti at pag-sisihan ang kanilang mga kasalanan. Lahat ng araw ay isang bagong pag-asa.  Lahat ng araw ay isang pagkakataon sa ating lahat upang mag-bago sa ikabubuti. Walang April Fools day o Friday the 13th. Ang ikagaganda ng  bawat araw ay nasa tao.

    Minsan, itinatanong ko bakit may mga taong lapitin ng swerte? At mayroon namang iba na parang napakalayo ng swerte. Totoo kayang ang kapalaran natin ay nakaguhit na sa ating mga palad? Sumagi bigla sa isipan ko ang sinasabing “free will” at “destiny”. Ang ibang tao naniniwala na  ang kinahihinatnan ng buhay  ay dahil sa ating free will o iyung  resulta ng ating kilos at gawa. Resulta ng ating sariling pagsisikap at pag-pupunyagi. Ibig sabihin nasa tao lang o lahat ng nangyayari sa buhay ng isang tao – siya rin mismo ang dahilan. Siya rin mismo ang may gawa. Mayroon kalayaan at kakayahan ang isang tao upang baguhin ang kanyang kalagayan.

    Ang ibang nakakausap ko naman naniniwala na ang buhay natin ay naaayon sa ating destiny. Kung baga, nakaplano na sa itaas ang ating magiging buhay sa mundong ibabaw.  Parang ang sinasabi ay ang tao ay parte ng isang napalakalaking plano ng lumikha sa atin. Kung anuman ang mangyayari sa ating buhay o ating kahihinatnan ay hindi nakadepende sa ating mga sarili.

    Sa ating pakikibaka sa buhay ay totoo ngang may mga bagay na nagaganap sa ating buhay na wala tayong kontrol.  Minsan, may nakikilala kang isang tao na parang biglang sumulpot na lang sa kawalan ngunit sya pala ang magiging katuwang mo habang buhay. May mga pagkakataon namang parang laging nariyan ang hadlang upang di mo magawa ang isang bagay. Ang tanong nga minsan – mayroon ba talagang tao na “destined” maging Presidente ng isang bansa?  Meron bang isa sa atin na destined para gawin ang isang bagay?

    Sa paglipas ng oras, mas nagiging masalimuot  ang aking pananaw. Higit kong naiisip na  ang buhay ay hindi isang biro. Ito ay isang seryosong pakikipagsapalaran. Isang pakikipaglaban sa lahat ng uri ng hamon. Tuwing madadapa, nararapat bumangon. Hindi dapat pansinin ang sinasabi ng iba.  Ang buhay kahit isang seryosong pakikipagsapalaran ay hindi dapat seryosohin.  May nabasa nga ako na “you should not take life seriously  because no one came out of it alive”.  Bakit mo seseryosohin ang buhay samantalang lahat naman tayo para matakasan ang buhay ay dapat muna tayong mamatay?  Sabi nga nila, “live life to the fullest”.

    April Fools day ang April 1. Isang araw ng pagbibiro. Isang araw ng pag-gawa ng kalokohan.  Matagal na raw na tradisyon ito. Noong unang panahon pa. Kung pwede lang sana magkaroon din ng araw para  sa isang pagseseryoso kung saan maaring balangkasin ang kinahihitnan nating mga tao.  Ang buhay kasi paikot-ikot lang. Isang paikot-ikot na paglalakbay. Ikaw ay ipapanganak, bibinyagan, mag-aaral, ikakasal, trabaho, hiwalay at doon sa hukay. Hindi siguradong mangyayari ang iba pero sigurado yung panganak at libing. 

    Kung pakiramdam natin na ang bawat araw sa ating mundo ay parang April Fools day at lagi na lang na may nagbibiro sa atin,  ang dapat gawin ay ang magdasal.  Dasal pa rin ang pinakamabisang paraan para labanan ang lahat ng di magagandang bagay at lahat ng uri ng biro sa ating pakikipagsapalaran sa mundong ito.

  • Ang bilis talaga ng teknolohiya ngayon. Patindi ng patindi ang mga features ng lumalabas na cellphones. Ang problema ay budget.  Ang mga high-tech na cellphone,  ang presyo umaabot na ng  at least P 50,000.00.  Ang swerte talaga ng mga mayayaman, sandali lang sa kanila bumili ng mga ganitong phones, tulad ng i-phone 4, samsung galaxy, nokia c7 at yung blackberry torch…

    Naalala ko noong araw, kapag may landline ka sa bahay nyo, mayaman na ang tingin sa inyo at maraming kapitbahay ang makikitawag. Sikat ang family na may landline sa buong barangay. Dati kasi ang tagal mag-apply para makabitan lang ng landline.   Nasa elementary pa ako noong nag-apply  ang tatay ng kababata ko para makabitan sila ng landline, pero college na sya noong nagka-telepono sila.  Ganun katagal ang pag-aaply ng telepono noong araw!  Noong wala pa ang cellphone, uso pa yung may telepono sa tindahan tapos magbabayad ka ng limang piso para sa  tatlong minutong tawag at piso kada  dagdag ng isang minuto. “No telebabad” pa nga kasi nakakahiya sa ibang nakapila. May ganitong eksena pa bas a ngayon? Siguro sa mangilan-ngilan na lang na lugar.

    Ngayon ang cellphone kumpleto na sa lahat ng features. All in one na. Pinagsama-sama na ang alarm clock, flashlight, calculator, camera, video, calendar, game stations, radio, tv, wi-fi at internet. Kung dati hindi lahat ng bahay may landline, ngayon halos lahat ng tao may hawak ng cellphone. Ang presyo kasi ng cellphone abot kaya na ng lahat.  Isa pa ang cellphone ngayon “necessity” na ang turing at hindi na isang “luxury” item.  

    Naalala ko nga na dati ang cellphone malalaki at hindi colored. Meron pang “CI” o investigation na tinatawag bago ka makagamit ng cellphone. May nakakaalala pa ba nito?  Wala pa kasi noong “prepaid” kaya ang pagbabayad ng cellphone laging “postpaid”. Meron pa ngang isyu noong “cloning”. Yun bang na tsa-charge ka  sa tawag ng iba? Ang dating mga cellphone, bukod sa black  lang ang kulay, may limit pa ang characters na pwedeng isulat. At dahil limited lang ang mga salitang pwedeng isulat sa isang message at para makatipid, nauso yung pag-papaikli ng mga salita.  Pilit na ipinagkakasya ang isang  mahabang pananalita at ipinagdurugtong ang mga na kataga para isang beses lang mag-send ng mensahe kasi piso ang halaga ng isang  “message sent”.

    Ang mga usong unit ng cellphone noon ay ang mga Nokia 3210, 3310 at yung 5210.  Nauso pa nga yung mga “cute messages” at mga “quotes” na kung tawagin ay mga “forwarded text”. Uso pa rin naman ngayon ang forwarded texts, lalo na yung mga dapat mo raw i-send sa ganito karaming tao kasi pag di mo ginawa ay mamalasin ko o merong hindi magandang mangyayari sa iyo. Ang naalala kong mga forwarded messages noon ay yung mga tipong kapag  patuloy mong pinindot ang messages ay nabubuo  ang pagiging bear, puso, patak ng ulan at kung anu-ano pa ang mensahe. Naalala nyo pa yung mga ganuong messages noon?

    Sa ngayon, mataas na ang capacity ng mga cellphone at may kakayahan ng mag padala ng messages ng mahaba at kita ng buo sa screen kaagad. Dati paliitan ng cellphone. Ngayon uso na ang malaki. Paano kaya  gamitin sa pantawag yung  Samsung Galaxy Tab? Nahawakan ko  itong galaxy ng mamasyal ako sa Shangrila Mall, (yung mall malapit sa SM Megamall)

    Malaki na talaga ang  pagsulong ng teknolohiya.  Noong di pa uso ang cellphone at may kausap ka na magkikita kayo sa ganitong oras at lugar at  di pa sya dumarating, di mo alam ang gagawin mo kung patuloy kang maghihintay o aalis na kasi di mo alam kong natrapik lang o na-indian ka na. Sana noon pa dumating ang cellophone. Naalala ko kasi nung high school pa ako kapag may group project ang hirap ng coordination. Ang mga kaklase dapat talagang puntahan sa bahay. Kapag malayo ang bahay ng classmate at wala silang telepono mahabang lakad o sakay ang gagawin.  Ang masakit pagdating sa bahay ng kaklase wala sya doon kasi umalis dahil may pinuntahan, nagkasalisi o di kaya ay nagtago talaga.

    Oo nga pala, bago ang cellphone meron pa munang pager.  Uso pa yung mga salitang “i-page” mo na lang ako. Ito yung maliit na device na karaniwang nakasukbit sa sinturon at tumutunog kapag may message na ipinadala sa iyo. Ang process dito, tatawag ka sa landline tapos ipapadala ng easycall yung message mo. Sa pagdating ng cellphone, nabura ang mga negosyong ito.  Nawala na yung mga paging companies. Marami tuloy ang nawalan ng trabaho. Humina at tuluyan na ring nawala yung telegram ng postal office. Nawala na rin sa uso yung “loveletter”na gamit sa panliligaw. Ngayon kasi text text na lang.

    Malaking ginhawa ang pagdating cellphone. Nabago nito ang proseso ng komunikasyon. Naging lalong bumilis ang dati ng may tengang mga balita. Kahit nasa abroad pa ang kaibigan o kamag-anak, madali ng makibalita dahil sa cellphone.  Ang di lang okay sa pag-kakaroon ng cellphone, sabi nga ng iba, ay madali ka na rin hanapin ng mga taong gusto mong pagtaguan tulad ng boss, GF, wife, teacher at mga taong kung saan ikaw may debt .

    Ano kayang uri ng teknolohiya pagdating sa pakikipag-komunikasyon ang sisibol sa mga darating na panahon?

  • Bakit kaya ganun? Tuwing nanonood na lang ako ng pelikulang pinoy na “love story” lagi na lang ang istorya merong isang mahirap na na-in love sa mayaman?  Na laging may kontra sa pag-iibigan nila pagkatapos sa huli, sila rin naman ang magkakatuluyan?

    Sa huling pelikula na pinanood ko, yung bida anak ng Presidente. Yung leading lady gumaganap na representative ng isang organisasyon. Tapos nagkalapit sila noong magkaroon ng ïmmersion” sa probinsya. Ang tema  hindi sila bagay pero sa bandang huli, di pa rin napigilan ang feelings nila sa isa’t isa.   Nagkaroon ng maraming attempt para may mga kilig moments ang pelikula. Di ko hinuhusgahan ang pelikula kaya lang lagi na lang ganito ang tema. Sa movie na ito parang masyadong mataas ang level ng leading man – isang anak ng Presidente. Noon pa, laging ganito. Isang mahirap  na na-in love sa mayaman. Minsan may tutol o kontrabida na gustong sirain ang pag-iibigan ng dalawa.  Pero, ang ending ng story sila pa rin matapos ang isang eksena na ikakasal na or paalis na sa ibang bansa yung lalake o babae at hahabol yung isa.  Bakit kaya ganun?

    There was really an honest to goodness effort to create that “kilig factor” like those scenes in the province where the leading characters   are in the ricefields playing with mud and appearing so sweet.  Pero next time sana tanggalin na yung mga dialogues na “mukha syang katulong” or any statement to that effect. 

    In any way, I consider this movie as something to be considered in a weekend. (Photo from Google)