• Kapag nandito ka na sa Canada ay mami-miss mo talaga ang mga pagkaing pinoy. Mabuti na lang maraming mga lugar rito na pwede kang makakain o makabili ng mga totoong pinoy na mga luto at ulam.

    Dito sa Seafood City Market ay marami kang makikita na mga kababayan natin. Makakabili ka rito ng mga street foods gaya ng fishballs, tokneneng at kikiam. Mayroon din ditong mga inihaw na barbecue at tilapia. Pagkatapos mong kumain ay pwede ka ring mag-groceri dito ng mga pagkaing paborito mo sa Pilipinas.

    Masarap din dito kumain sa Bella’s Lechon. Marami ring mapagpipilian na pagkaing pinoy dito gaya ng bopis at lechon paksiw. Dito ay lulutuin pa ang mga “silog meals”. Kapag kumain ka rito ay para ka na ring nasa Pilipinas.

    Ang Jollibee dito ay unli o bottomless ang mga Softdrinks. Ito ang napansin ko noong una akong nakakain sa Jollibee dito sa Canada. Sa may Scarborough Town Center (STC) ang unang Jollibee na nakainan ko sa Canada.

    Dito sa Jollibee sa STC ay marami ring ibang lahi ang kumakain dito bukod sa ating mga Pinoy. Sa opinyon ko ay mas masarap ang Jollibee sa Pilipinas. Iba pa rin ang lasa ng Jollibee sa atin!

    Kapag tapos ka ng kumain ay karaniwan ng nililinis ng mga customer ang kanyang pinag-kainan dito sa Canada. Tapos itinatapon nila ang kanilang basura ng maayos. Sa atin sa Pilipinas, napansin ko na karamihan ay basta-basta na lang iniiwan ang kanilang pinag-kainan. Sana ang ugaling ito ay ating mabago.

  • Isa ka rin ba sa mga dumaraming Pinoy na gusto ring mag-migrate sa Canada? Ibat-iba ang dahilan ng mga kababayan natin kung bakit ninais nilang manirahan sa Canada. Marami ang naghahanap ng mas magandang buhay o higit na maayos na kinabukasan. Marami rin ang gustong mag-migrate sa Canada dahil sa magandang healthcare system. Yung iba naman ay naghahanap ng mas magandang trabaho. Mataas din ang standard ng education sa Canada.

    Maraming pag-kakaiba ang Pilipinas at Canada. Sabi nga nila, hindi tamang ikumpara ang dalawang bansa. Ang Canada ay isang “first world country”. Samantalang ang Pilipinas naman ay isang “third world country”. Ano ba ang kaibahan ng isang third world country sa first world country? Marahil ay anng sagot sa tanong na ito ay maisasalarawan sa pag-daan ng train. Sa Pilipinas ganito ang eksena sa pag-daan ng train. Sa Canada, ay ito ang napansin ko sa tuwing dumaraan ang train. Dito pa lang ay makikita na ninyo ang pag-kakaiba ng dalawang bansa.

    Sa pagdaan pa lang ng train ay makikita mo na rin ang dahilan kung bakit maraming pinoy ang nais manirahan sa Canada. Sa paglalakbay sa buhay, gaya sa pag-daan ng train, ay malaki ang pag-kakaiba ng Canada at Pilipinas. Sa tingin ng marami ay mabibigyan ka ng mas maraming oportunidad sa buhay kung sasakay ka sa train sa Canada.

    Noong dumating ako dito sa Canada noong August 2022, ang una kong napansin any hindi gaanong matrapik at mausok sa daan. Makikita na maluwag ang mga kalye dito sa Toronto, Canada kagaya dito sa Ellsemere sa Morningside Avenue. Kahit summer ay hindi masyadong mainit ang panahon kumpara sa Pilipinas. Ang isa pa sa mga nagustuhan ko dito sa Canada ay hindi gaanong siksikan sa pagsakay ng bus at subway. Mas madali kang makakarating sa nais mong puntahan.

    Yung maginhawang pagbyahe na walang mahabang pila, hindi siksikan, maluwag at hindi mausok na daan ang ilan sa mga dahilan kung bakit maraming Pinoy ang gustong manirahan sa Canada. Simple lang ang dahilan na ito. Pero para sa akin, isa ito sa importanteng dahilan kung bakit maraming Pinoy ang gustong mag-migrate sa Canada. Kahit mayaman ka sa Pilipinas at mayroong magarang sasakyan ay hindi ka pa rin exempted sa malalang trapik sa kalsada.

    Sa Pilipinas ay naranasan ko ang halos anim na oras sa kalsada dahil lang sa trapik. Dito sa Canada, sa halos dalawang taon ng paglagi ko dito ay hindi ko pa naranasan ang sobrang trapik. Minsan may aberya sa subway at kailangan kang lumipat ng bus o kaya naman ay may nasirang sasakyan sa daan. Pero, hindi ganun kalala kumpara sa naranasan ko sa ating bansa.

    Mahirap o imposible mong baguhin ang sistema ng isang lugar, pero kayang-kaya mong baguhin ang sistema ng iyong buhay. Ibig sabihin, hindi mo kayang baguhin ang sistema gaya na lang ng trapik sa Pilipinas pero kayang-kaya mong pumunta sa ibang bansa para maiwasan mo ang bigat ng trapik. Kung masyadong ka ng apektado ng trapik sa ating bansa, isang magandang option ay mag-migrate para iwasan ang trapik. Mag-migrate ka sa ibang bansa tulad ng Canada kung saan walang gaanong trapik.

    Tama po. Minsan mayroong mga pagkakataon kung saan makakaranas ka pa rin ng trapik dito sa Canada. Gaya nga ng nasabi ko, kapag mayroong disgrasya o nasirang sasakyan sa kalsada o kaya naman ay mayroong inaayos sa daan. Tuwing rush hour ay nagkakaroon din ng trapik pero hindi kasing sikap tulad ng naranasan ko sa Pilipinas. Kapag araw ng linggo o holidays ay kapansin-pansin talaga ang luwag ng kalsada kahit malapit sa City Hall ng Toronto. Sa madaling salita, maaayos ang trasportation system dito sa Canada.

    Bukod sa universal health care system, isa sa mga dahilan kung bakit maraming mga kababayan natin ang gustong mag-migrate sa Canada ay dahil sa magandang transportation system nila. Kapag maayos kasi ang transportation system hindi masasayang ang oras mo sa daan. Marami kang mapupuntahan at magagawa. Maraming lugar kang mararating.

  • Totoo ang sinasasabi nila, hindi madali ang buhay sa Canada. Pero sa lahat naman ng bagay na makapagpapabuti ng ating buhay, wala naman talagang madali.

    Kaya sa lahat ng dumaraan ng pag-subok sa buhay, laban lang! Magdasal at magtiwala sa ating Panginoon. Basta, kahit anong mangyari huwag susuko. Dapat laging laban lang! Kapag napagod, pahinga lang sandali. Tapos laban uli!

    Sa ating buhay, marami talaga tayong pag subok na mararanasan. Kung minsan ang mga pagsubok na ito ay para bang wala ng katapusan. Para bang panghihinaan ka na ng loob. Minsan ay maitatanong mo, kung bakit dumating pa ang ganitong suliranin o pagsubok sa iyong buhay. Maraming bagay kang naitatanong. Kung minsan ay naiisip mo na sumuko na lang.

    Tandaan mo, kahit anong mangyari, huwag kang susuko. Kapag napagod, pahinga lang. Pagkatapos, laban uli. Subukan mong muli! Maniwala ka lang lagi na kaya mo yan! Kapag inisip mong kaya mo ang isang bagay ay magagawa mo ang lahat. Walang magiging imposible sa iyo.