• Pangarap mo rin bang nag-migrate sa Canada? Gusto mo rin bang maging isang International Student? Ikaw ba ay kasalukuyang nag-iisip kung magma-migrate o mag-aaral ka sa Canada o hindi?

    Mai- share ko lang, noong March 21, 2024 ay natapos ko na ang lahat ng requirements sa 2 year course ko dito sa Canada. Ito na ang last na pag-lalakad ko papuntang school para umatend ng klase. Pumunta ako sa school ngayong araw na ito kasi kailangan namin mag-submit ng isang group project. Kaya kahit mayroong snow ng araw na ito ay magaan ang pakiramdam ko. Sa wakas, natapos ko na rin ang 2 year course ko. Tatapusin ko na lang ang “placement” sa Etobicoke at graduate na ako.

    Ang bilis lang talaga ng panahon. Parang kailan noong dumating ako dito sa Canada noong August 2022. Ngayon tapos na ang dalawang taon.

    Naalala ko pa nuong nagdedesisyon ako kung pupunta ako sa Canada at iiwanan ko ang maayos kong trabaho sa Pilipinas para maging isang International Student. Makalipas ang dalawang taon dito sa Canada, masasabi ko bang tama ang naging desisyon ko?

    Sa dalawang taon ko dito sa Canada ay masasabi kong totoo na hindi madaling magsimulang muli sa simula. Totoo ang sinasabi nila na kapag dumating ka sa Canada ay “back to zero” ka. Babalik ka sa unang hakbang. Babalik ka talaga sa simula.

    Ngayon nga ay kasalukuyan kong tinatapos ang placement. Isa ito sa mga requirements para tuluyang maka-graduate sa Canada. Ito na ang huling requirement upang makamit ko na ang aking Canadian diploma. Kapag may diploma na ako, kasunod naman nito ay ang pag-hahanap ng trabaho.

    Tuwing umaga ay pumupunta ako sa Etobicoke para sa aking placement. Minsan ay maaraw. Pero kahit maaraw dito sa Canada ay malamig pa rin ang hangin. Ang okay lang talaga ay walang gaanong trapik. Kaya kahit malayo ang tinitirhan ko ay maaga pa rin akong nakakarating sa Etobicoke.

    Para makarating ako sa Etobicoke ay sumasakay ako ng bus papuntang Kennedy Station. Dito sa Kennedy Station ay madalas akong makakita ng mga Kalapati or Pigeons. Common nang makakita ng mga Kalapati sa mga subway stations. Kapag masyadong malamig ang panahon, ang mga Kalapati ay namamalagi lang sa loob ng mga subway station. May mga notices na nagsasabing bawal pakainin ang mga Kalapati.

    Ang isa sa mga napansin ko rito sa Canada ay ang pagpapahalaga nila sa mga hayop at sa kalikasan. Tuwing nakikita ko ang ilog sa Morningside Park ay naalala ko ang Pasig River. Sana ay maprotektahan din ang mga ilog sa atin sa Pilipinas.

    Kapag natapos ko ang placement ko sa Etobicoke ay mag-hahanap ako ng trabaho. Sana ay makahanap ako ng trabaho na naaayon sa course na tinapos ko.

    Okay, hanggang dito na lang muna ang kwento ko. Maraming salamat sa pagbasa. Kung may tanong ka o gustong sabihin ay mag-comment ka lang.

  • Ito na marahil ang tanong sa isipan ng karamihan, kung “okay” ba sa Canada? Marahil ay iba-iba tayo ng ibig sabihin ng salitang “okay”. Kung titingnan mo ang kalagayan ng mga kalye sa Canada ay mag-kakaroon ka ng ideya kung “okay” ba sa bansang ito. Masasalamin minsan ang kalagayan ng isang bansa sa kaniyang mga roads at infrastructure.

    Napansin ko rito sa Canada na maayos ang mga daan at halos walang trapik. Mayroon ding mga walkway kung saan maari kang maglakad. Hindi rin ganuon kahirap ang mag-commute sa Canada. Hindi siksikan ang mga bus at subway. Sa halos 2 years ko dito sa Canada ay masasabi kong maginhawa ang pag-travel.

    Totoo na minsan ay may delays sa mga bus at subway at kung rush hour ay marami ring tao. Gayunpaman, hindi ganuon kahirap ang pag-commute sa Canada kumpara sa pag-commute sa Pilipinas. Madali akong nakakarating sa mga gusto kong puntahan kahit commute lang. Walang pila na para bang walang katapusan para makasakay sa train.

    Dahil din sa malamig na klima ay hindi ka pawisan at masyadong stressed pagdating mo sa gusto mong puntahan kagaya noong pumunta ako sa Graffiti Alley. Ang Graffiti Alley ay isang lugar sa Toronto kung saan ini-encourage nila ang mga inspiring artists at visual creators.

    Noong nagtungo rin ako sa Harbour Square dito sa Toronto ay hindi rin ako nahirapan mag-commute. Noong napunta ako sa lugar na ito ay naalala ko ang Harbour Square sa Manila. Naisip ko na sana ay fresh din ang hangin sa Harbour Square sa Manila katulad ng dito sa Toronto.

    Pagdating sa transportation system ay masasabi kong okay dito sa Canada o sa may area ng Toronto. Hindi gaanong siksikan at hindi ako nahihirapan bumiyahe. Maayos kang makakarating sa iyong pupuntahan.

    Hindi ko sinasabi ang mga bagay na ito para mag-encourage na pumunta o mag-migrate ka sa Canada. Ibinabahagi ko lang ang karanasan ko at mga naoobserbahan ko.

    Sa kalye din ng Canada ay marami akong nakikitang homeless o iyong mga palaboy sa kalsada. Minsan maiisip mo, bakit sa isang mayamang bansa tulad ng Canada ay marami pa rin ang mahirap? Kung meron kang nais sabihin tungkol sa tanong na ito ay mag-comment ka lang.

    Hanggang dito na lang muna. Sana ay nasa maayos kang kalagayan habang binabasa mo ito. Maraming Salamat.

  • Kamusta? Sana habang binabasa mo ito ay okay ka. Sana ay nasa maayos kang kalagayan. Ano man ang iyong pinagdaraanan, huwag kang susuko! Tuloy lang! Huwag kang masyadong mag-alala. Umasa ka na lahat ng iyong mga suliranin ay may karampatang solusyon. Kahit gusto mo nang bumitaw, laban lang lagi!

    Gusto mo bang mag-migrate sa Canada? Hindi madali ang mag-desisyong iwan ang lahat sa Pilipinas para mag-migrate sa Canada. Sabi nga nila, kapag ikaw ay nag-migrate sa Canada ay “back to zero” ka. Ibig sabihin ay magsisimula kang muli sa ibaba.

    Noong dumating ako dito sa Canada noong August 2022 ay autumn or fall. Kapag fall season ay makulay ang paligid. Iyon din ang time na naitatanong ko sa aking sarili kung tama ba ang desisyon kong maging isang International Student dito sa Canada.

    Kung gusto mong mag-migrate sa Canada, dapat pag-isipan mo ito ng ilang ulit. Marahil taliwas sa inaakala ng marami, hindi madali ang buhay sa Canada. Hindi pinupulot ang pera dito. Bawat sentimo na kinikita dito ay talagang pinaghihirapan. Kaya kung gusto mong mag-migrate sa Canada dapat pag-isipan mo muna itong mabuti.

    If gusto mong mag-migrate sa Canada, ang una mong dapat ihanda ay ang iyong sarili. Kailangan decided ka talagang mag-migrate. Dapat wala kang alinlangan kapag nag-desisyon ka na mag-migrate sa Canada. Kapag dumating ka sa Canada, ang ibang mga expectations mo ay malalaman mong hindi pala gaya ng iyong inaakala.

    Sa madaling salita, ang una mong ihanda ay ang iyong kaisipan. Kung may pangarap ka, ihanda mo ang iyong isip para marating ito. Reach for your dreams, no matter what! Sabi nga nila, kapag gusto may paraan. Kung gusto mo talagang mag-migrate sa Canada, gawin mo. Be positive! And, huwag mong pakinggan ang mga negative opinions sa paligid mo.

    Nararapat ding alam mo ang dahilan bakit mo gustong mag-migrate sa Canada. Ang alam ko na isa mga dahilan ng marami kung bakit gusto nilang mag-migrate, sa Canada o sa ibang bansa, ay para guminhawa ang kanilang buhay. Ang iba naman ay gustong baguhin ang nakasanayang sistema ng kanilang buhay.

    Madalas ako sa isang coffee shop dito sa Canada. Nakakarelax kasi dito habang umiinom ng kape. While enjoying coffee, naalala ko rin na marami akong naging alinlangan bago ako nag decide mag-aral dito sa Canada. Gayunpaman, ito ang ilan sa mga dahilan bakit nasabi kong “good move” ang desisyon kong mag-aral sa Canada.

    Kaya kung gusto mong mag-migrate sa Canada, mahalaga ay desidido ka muna. Dapat wala kang alinlangan. Dapat fully committed ka sa iyong desisyon.

    Okay, hanggang dito na lang muna ang aking kwento. Mag-comment ka lang kung may nais kang sabihin. Maraming Salamat sa iyong pag-babasa.