• Maraming benepisyo ang pagbibisikleta. Maganda ito sa ating kalusugan, na siyang pinakamahalagang yaman ng isang tao. Sa bawat padyak, gumagalaw ang bawat bahagi ng ating katawan, nagpapalakas ng ating puso at mga baga, at nagpapabawas sa mga karamdaman na dulot ng sedentaryong pamumuhay.

    Nakakatulong din ito para sa malinis na kapaligiran. Bawas sa usok mula sa mga sasakyan na nagdudulot ng polusyon. Ito’y isang simpleng paraan upang makatulong sa kalikasan, isang desisyon na may malaking epekto. Bawas din sa mabigat na trapik sa kalsada, na siyang pang-araw-araw na sakit ng ulo ng maraming tao. Ang pagbibisikleta ay isang solusyon na nakakaaliw at nakakatulong sa komunidad. Higit sa lahat, nakakatulong din ang pagbibisikleta para mabawasan ang stress sa buhay. Ang sariwang hangin na dumadampi sa iyong mukha at ang tanawing iyong nakikita ay sapat na para burahin ang pagod at alalahanin.


    Sa totoo lang, ang isa sa mga paborito kong bagay sa Scarborough, Toronto sa Canada ay ang pagkakaroon ng maraming parke kung saan puwede kang mag-relax at mag-enjoy. Ang mga parke rito ay parang mga maliliit na lungsod sa loob ng isang malaking lungsod. Ito ay hindi nalalayo sa Pilipinas. Ang mga parke rito, tulad ng mga parke sa Pilipinas, ay malinis, ligtas, at madaling puntahan. Hindi mo kailangang mag-alala habang naglalakad, dahil ang mga daanan ay malinaw at madaling sundan. Ang ganitong uri ng kapaligiran ay perpekto para sa akin, lalo na’t malaking bahagi ng aking buhay ang paglalakbay sa tulong ng dalawang gulong.


    Naalala ko pa noong dumaan ako sa Footbridge malapit sa SM Fairview, Quezon City ay napansin ko ang mga bike lanes. Noon pa man, malaking tulong na talaga ang mga bike lanes para sa kaligtasan ng mga siklista. Sa kasalukuyan ba, may mga bike lanes pa rin sa Quezon City? Ang tanong na iyan ay patuloy na bumabagabag sa akin dahil ang nami-miss kong gawin mula nang dumating ako rito sa Canada ay ang magbisikleta. Nakakamiss ang mga alaaala ko sa pagbibisikleta sa Neopolitan at sa iba pang lugar sa Quezon City. Bago kasi ako pumunta rito sa Canada para maging isang International Student, ang pagbibisikleta ay bahagi na ng aking pang-araw-araw na buhay. Naranasan ko ring magbisikleta sa MOA sa Pasay City, kung saan ang malamig na hangin mula sa dagat ay sumasalubong sa bawat padyak.


    Sa Canada, lalo na sa Toronto, napansin ko ang pagkakaroon ng maraming bike lanes. Kahit sa Downtown, Toronto, na isang sentro ng sibilisasyon, ay mayroong bike lane. Sana lahat ay mayroong bike lanes! Ito ay isang pangarap na sa tingin ko ay posible sa hinaharap. Isa sa mga pinakamalaking pagkakaiba na napansin ko rito ay ang pag-eengganyo ng gobyerno at ng komunidad sa paggamit ng bisikleta. Kung walang sariling bisikleta, maraming makikitang “Bike Share” stations sa daan. Ang mga ito ay puwedeng arkilahin. Malaking tulong ito para sa mga commuters dito sa Canada dahil nagbibigay ito ng flexibility. Ang kagandahan pa, ang mga bus dito sa Canada ay mayroong bike rack sa harapan kung saan puwedeng isakay ang iyong bisikleta. Bukod sa mga bus, ang mga subway rito ay mayroong designated space kung saan puwedeng isakay ang bisikleta.


    Sa kabila ng matinding lamig, may ilan pa ring mga nagbibisikleta. Ito ay nagpapakita ng dedikasyon at pagmamahal nila sa pagbibisikleta. Napansin ko rin na kahit sa mga parke, tulad ng Morningside Park, ay may mga nagbibisikleta. Tuwing nakakakita ako ng mga nagbibisikleta, nasasabi ko sa sarili ko na sana ay dinala ko ang aking folding bike. Ang folding bike ko ay perpekto sana rito dahil madali itong dalhin at itago. Magagamit ko sana ito sa pamamasyal sa Toronto at sa iba pang lugar sa Canada. Dahil dito, napaisip ako na bumili ng sarili kong bisikleta rito.


    Ang Pag-usbong ng Pagbibisikleta: Mula Panahon ng Pandemya Hanggang Ngayon


    Noong panahon ng pandemya, nag-boom talaga ang pagbibisikleta. Dahil sa pagbabawal sa pagsisiksikan sa mga bus at iba pang pampublikong sasakyan, maraming tao ang naisipang gumamit ng bisikleta pagpunta sa kanilang mga trabaho. Ito ang panahon na nauso ang “bike to work”. Sa bawat padyak, hindi lang kalusugan ang kanilang pinabuti, kundi pati na rin ang kapaligiran. Nabawasan ang polusyon at naging mas malinis ang hangin sa ating kapaligiran. Ito ay isang magandang epekto na sana ay magtuloy-tuloy. Sana, kahit tapos na ang pandemya, ay ipagpatuloy pa rin natin ang pagbibisikleta. Sana rin ay hindi tanggalin ang mga bike lanes sa Quezon City at iba pang lugar sa Metro Manila.


    Ang Pagtataguyod ng Kultura ng Bisikleta: Isang Pangarap para sa Pilipinas


    Ang kultura ng bisikleta dito sa Canada ay hindi lamang tungkol sa pagsakay. Ito ay tungkol sa isang buong ecosystem na sumusuporta sa mga siklista. Ang mga bike lanes dito ay hindi basta-basta. Sila ay bahagi ng isang malaking network na nagdudugtong sa mga parke, residential areas, at mga business districts. Ito ay ginawa upang maging ligtas at kumportable ang mga siklista. Ang ganitong klaseng imprastraktura ay nagbibigay ng kapayapaan sa isipan ng mga siklista at nag-eengganyo sa mas marami pang tao na subukan ang pagbibisikleta. Ang mga bike racks na makikita sa harap ng mga bus ay isang simpleng detalye, ngunit ito ay nagpapakita ng malalim na pag-unawa sa pangangailangan ng mga komunidad. Ang mga bus driver ay sanay sa proseso ng paglalagay ng bisikleta sa bike rack. Ito ay nagpapadali sa buhay ng mga commuters na nagbibisikleta. Ito rin ang dahilan kung bakit marami ang nahihilig sa pagbibisikleta.


    Sa aking pag-uwi sa Pilipinas, umaasa akong makita ang ganitong klaseng kultura. Ang pagbibisikleta ay hindi lamang isang libangan. Ito ay isang solusyon sa problema ng trapik, polusyon, at kalusugan. Ito ay isang pamamaraan para sa isang sustainable na pamumuhay. Ang mga nagawa noong panahon ng pandemya ay isang magandang simula. Marami tayong matututunan sa mga bansa tulad ng Canada. Sana ang mga bike lanes sa Pilipinas ay hindi lamang para sa show, kundi maging isang permanenteng bahagi ng ating imprastraktura.


    Ang Padyak na Humihinto, Ang Alaala na Nagpapatuloy
    Mula sa matinding sikat ng araw sa Pilipinas hanggang sa malamig na hangin ng Canada, ang bisikleta ay naging bahagi ng aking paglalakbay. Mula sa mga daan sa Neopolitan na puno ng mga alaala hanggang sa mga bike lanes sa Downtown, Toronto, ang bisikleta ay patuloy na nagbibigay ng kasiyahan at pakinabang. Ang pag-aaral ko rito ay hindi lamang sa loob ng silid-aralan. Ang mga simpleng bagay tulad ng kultura ng pagbibisikleta ay nagbibigay sa akin ng bagong pananaw sa mundo. Ang mga nakikita ko rito ay nagpapalakas sa aking paniniwala na ang pagbabago ay nagsisimula sa simpleng hakbang.


    Sa bawat padyak na ginagawa ng mga siklista rito sa Canada, nakikita ko ang isang komunidad na nagtutulungan para sa isang mas magandang kinabukasan. Ang pagbibisikleta ay hindi lamang tungkol sa paglalakbay mula sa isang lugar patungo sa isa pa. Ito ay tungkol sa isang pagbabago sa pamumuhay. Ito ay isang pagkilala na ang kalusugan, kalikasan, at komunidad ay magkakaugnay.


    Ang pangarap ko ay hindi lamang ang magkaroon ng sariling bisikleta dito. Ang pangarap ko ay makita ang Pilipinas na mayroong isang malawak na network ng bike lanes na nagdudugtong sa bawat siyudad at probinsya. Ang pangarap ko ay makita ang mga tao na nagbibisikleta nang may kapayapaan sa isipan, alam na ang kanilang kaligtasan ay garantisado. Ang pangarap ko ay makita ang Pilipinas na mas luntian at malinis, na may mas kaunting trapik at mas masayang mga tao.
    Sa huli, ang kuwento ng bisikleta ay hindi lamang kuwento ng dalawang gulong. Ito ay kuwento ng kalusugan, kalikasan, at pag-asa. Ito ay kuwento ng isang simple ngunit malaking pagbabago. Ito ay kuwento ng isang paglalakbay na nagpapatuloy, isang paglalakbay na sana ay maging bahagi na ng ating kultura. Sana, sa pagbalik ko sa Pilipinas, ang bisikleta ay hindi na lamang isang alaala, kundi isang pang-araw-araw na realidad.

  • Isang bagay na maipagmamalaki natin bilang Pilipino ay si Jose Rizal. Very proud nga akong malaman at mapuntahan ang rebulto ni Rizal dito sa Canada. Sabi nga nila, halos saan mang sulok ng mundo ay mayroong rebulto si Rizal.

    Noong nandun ako sa Earl Bales Park kung saan matatagpuan ang rebultong ito ni Rizal ay naalala ko rin noong binisita ko ang bahay ni Segunda Katigbak sa Batangas. Si Segunda ang isa sa mga naging girlfriend ni Rizal.

    Nakakatuwa talagang isipin na kahit dito sa Canada ay mayroong rebulto ang ating pambansang bayani. Hindi lang sa Earl Bales Park sa Ontario, Canada may monumento or nakatayong rebulto si Rizal. Mayroon din sa ibang parte ng Canada. Kapag may pagkakataon ay nais ko rin makita ang iba pang mga monumento ni Rizal dito sa Canada.

    Ayon sa ating kasaysayan, noong bata pa raw si Rizal ay sinabi niyang magtatayo ang mga tao ng monumento para sa kanya. Alam nating lahat na ang sinabing ito ni Rizal tungkol sa pagtatayo ng mga rebulto nya ay nagkatotoo.

    Noong binisita ko ang rebulto ni Rizal ay naalala ko rin ang Rizal Law. Alam mo ba kung ano ang Rizal Law? Ang Rizal law ay ang batas kung saan required ang pagbabasa ng Noli At Fili sa mga paaralan sa Pilipinas.

    Ang unang nobela ni Jose Rizal na “Noli Me Tangere” ay isinulat niya sa Madrid, Spain at na publish ito noong 1887 (or 137 years ago). Ang “El Filibusterismo” naman ay nalathala noong 1891 (or 133 years ago). Sa madaling salita, mahigit isang siglo na ang mga nobelang ito ni Rizal. In other words, Rizal’s novels are more than a century old!

    Kahit mahigit isang daang taon na ang mga nobela ni Rizal, yung mga pananaw, aral, at istorya sa Noli at Fili patungkol sa buhay sa Pilipinas ay mahalaga at may saysay pa rin hanggang ngayon. Marami pa rin tayong matutunan sa pagbabasa ng Noli at Fili.

    Ikaw naalala mo pa ba ang kwento tungkol sa magkapatid na Crispin at Basilio? May kilala ka bang naging katulad ni Sisa ang kapalaran? Uso pa ba ang katulad ni Maria Clara ngayon? May maihahalintulad ka ba kay Padre Damaso? Sino kaya ang makabagong Crisostomo Ibarra sa Pilipinas?

    Nag eenjoy talaga ako tuwing binabasa ko ang Noli at Fili. Habang binabasa ko ang mga nobelang ito, it seems like travelling back during the Spanish times. Parang bumabalik ka sa nakaraan. Ito ang time na malinis pa ang Ilog Pasig. Siguro ganito kalinis ang Ilog Pasig noong panahon ni Rizal. Sana dumating ang araw na masagip natin ang Ilog Pasig sa kasalukuyan nyang kalagayan ngayon.

    Totoo kaya na noong panahon ni Rizal ay sa Ilog Pasig nananalamin ang mga kadalagahan? Noong panahon daw ni Rizal ay malinaw at malinis talaga ang Ilog Pasig. Sana ay maging matagumpay ang mga proyekto ng gobyerno na linisin ang Ilog Pasig.

    Ang monumento ni Rizal sa Earl Bales Park ay matatagpuan sa Bathurst Street. Ang Bathurst Street ay kilalang lugar sa Canada kung saan marami ang mga Pilipino. Dito rin ginaganap ang “Taste of Manila”. Isa itong event kung saan maraming mga Filipino Street Food at iba pang mga pagkaing Pinoy.

    Proud talaga ako sa ating Pambansang Bayani na si Jose Rizal. Kahit mahigit isang siglo na ang lumipas ay kinikilala pa rin ang kanyang kabayanihan. Sana sa paglipas ng panahon ay hindi natin makalimutan si Rizal.

  • Tuwing may pagkakataon ay naglalakad ako dito sa neighborhood sa Canada. Ginagawa ko ang paglalakad para na rin mag-exercise at mabawasan ang stress. Dito sa neighborhood sa Toronto, Ontario ay maganda ang maglakad. Mayroon mga walkways na pwede kang maglakad at ikutin ang buong neighborhood.

    Tuwing naglalakad nga ako natutuwa ako sa mga nakikita ko. Mayroon akong nakitang Squirrels, Raccoons, Rabbits, Fox at Coyote. Alam mo ba ang kaibahan ng Fox at Coyote? Ang Fox ay mas maliit kumpara sa Coyote. Parehas silang mukhang mga aso. Species sila ng wild dogs.

    Ito ang isang maganda sa Canada. Malinis ang hangin at malamig. Maayos din ang daan at hindi mausok. Hindi rin masyadong matrapik at maayos mag-commute. Sa simpleng paglalakad ko sa Canada, masasabi ko na kahit paano ay worth it na ang pumunta sa Canada.

    Lilinawin ko lang na tuwing sinasabi ko ay sa “Canada” ibig kong sabihin ay dito lang sa area ng Toronto, Ontario or sa mga lugar lang na narating ko at hindi sa buong Canada. Malaki kasi masyado ang Canada. 33 times na mas malaki ang Canada sa Pilipinas! Ibig ko pong sabihin ay may mga lugar din dito sa Canada na hindi maayos o kagandahan. Wala namang perpektong lugar.

    Ang tanong lang, worth it ba ang risk at gastos na pumunta o mag – migrate dito sa Canada? Hindi lang naman ang malinis na kapaligiran, sariwang hangin, opportunities at good healthcare system ang maaring maging dahilan para masabing sulit ang pagpunta sa Canada. Maraming factors ang dapat isa alang-alang .

    International Student ako ngayon dito sa Canada. Habang nag-aaral ako ay marami akong masasabing mga dahilan kung bakit okay ang mag-aral dito sa Canada. Totoo. Magastos ang maging isang International Student. Mahal ang tuition at mataas din ang renta ng mga bahay dito sa Canada.

    Noong una akong nag-groceri dito sa Canada, sa “No Frills”, ay pakiramdam ko mahal ang bilihin. Namahalan ako kasi nag-ko convert pa ako from Philippine Peso to Dollar. Noong bagong dating ako sa Canada ay hindi ko maiwasan ang mag-convert. Dito ko rin napagtanto na halos wala ng value ang pera natin kumpara sa Canadian dollar. Kaya kapag dumating ka sa Canada ay talagang maninibago ka.

    Mahirap mag-adjust kapag dumating ka sa Canada. Marami kang pagsubok na pagdaraanan lalo na kapag winter. Noong una exciting pa ang snow. Pero kapag ilang beses mo na itong nararanasan ay nagiging ordinaryo na lang. May mga pagkakataon din na nagkakaroon ng tinatawag na Snowstorm. Kapag may Snowstorm ay mataas ang snow sa daan at sobrang lamig.

    Kapag dumating ka sa Canada ay “back to zero” ka. Balik sa simula! Para kang bumalik sa pinakababa ng hagdan. Ang isa sa pinakamahirap gawin ay ang magsimula at tapusin ang iyong nasimulan. Dapat handa kang ituloy ang iyong nasimulan. Laban lang! Kapag napagod ka, pahinga lang! Tapos laban uli. Wag kang susuko.

    Kahit mahirap ang magsimula dito sa Canada ay masasabi kong “worth it” ang pag-punta dito. Kahit sabihin nating hindi lahat ng sumusubok pumunta dito sa Canada bilang International Student, trabahador or immigrant ay hindi nagiging matagumpay, kung may chance ka why not take the risk?

    Maikli lang ang buhay at malawak ang mundo! Imposibleng mabago mo ang sistemang ginagalawan mo sa Pilipinas pero kayang kaya mong baguhin ang sistema ng buhay mo. Isa pa, kung hindi ka naman maging successful sa Canada pwedeng pwede ka naman bumalik sa Pilipinas. At least, you tried. Wala kang “what if” sa buhay.

    Gayunpaman, bago magdesisyong pumunta rito sa Canada (bukod sa tourist visa) ay pag-isipan mo ng ilang beses. Kapag decided ka na, paghandaan mo ng maigi. Inuulit ko, hindi madali magsimula dito sa Canada. But, staying in your comfort zone will not improve your life for the better.