• August 18, 2022 noong dumating ako sa Canada. Kaya bale halos apat na buwan na ako rito. International student (“IS”) ako rito at katatapos lang ng first semester sa college kung saan ako nag-aaral. May mga kaklase akong Pinoy. Ikwekwento ko lang ang ilan sa mga naging karanasan ko at pananaw tungkol sa pagpunta ko sa Canada bilang IS. Duon sa mga napla-plano na maging IS sa Canada (para kalaunan ay maging permanent resident o Canadian Citizen) ay magbibigay po ako ng opinyon tungkol sa bagay na ito. Ibabahagi ko rin ang ilan sa aking naging mga karanasan.

    Tama ba ang desisyon na maging IS sa Canada? Mahirap sagutin ang tanong na ito. Walang tama at maling sagot sa tanong na ito kung tama bang maging IS sa Canada. Ito ay isang personal na desisyon na nararapat mong pag-isipan ng maraming beses. Isa kasi sa pathway upang maging permanent resident o maging citizen dito sa Canada ay ang maging international student.

    Bago ako umalis sa Pilipinas ay ilang beses ko ring pinag-isipan kung tama ba na umalis ako sa Pilipinas. Maayos naman ang trabaho ko sa ating bansa. Sa madaling salita, ay masasabi kong okay naman ang buhay ko sa ating bansa. Nami- miss ko nga ngayon ang night life at masasarap na pagkain sa Pilipinas. Nami-miss ko rin ang mag-bike tuwing may oras ako. Kaya ilang beses ko ring pinag-isipan kung tama ba na pumunta ako rito sa Canada para mag-aral o maging isang IS.

    Pero naisip ko na hindi mo malalaman kung tama ba o mali na umalis sa Pilipinas kung hindi mo susubukan. Malaking risk ang iwanan ang buhay na meron ka sa Pilipinas at makipagsapalaran sa ibang bansa. Gayunpaman, higit na malaking risk sa buhay ang hindi ka mag take ng risk! Kaya noong nabigyan ako ng pagkakataon na maging IS sa Canada ay naisipan ko ang mag-take ng risk.

    Ngayon na narito na ako sa Canada ay ikukwento ko ang mga naobserbahan ko rito at ilan sa mga karanasan ko upang mag-bigay ng ideya sa mga nagbabalak rin na mag-risk at pumunta rito sa Canada. Hanggat maari ay nais kong maging anonymous upang maging non-personal o objective ang mga ibabahagi ko sa inyo.

    Madali ba ang maging IS sa Canada? Magastos at maraming kailangang ayusing mga papeleles para mabigyan ka ng visa bilang isang international student sa Canada. Kapag nabigyan ka ng visa ay mahal ang tuition rito kumpara sa mga domestic students. Halos triple ang laki ng tuition ng mga IS kumpara sa mga permanent residents o Canadian Citizens.

    Madali ba mag-aral sa Canada? Depende sa course. Pag-dating mo sa Canada dapat mag-aral ka ng mabuti. Sa karanasan ko ay magagaling at fair ang mga teachers dito sa Canada. Kapag binigyan ka ng grade ay malalaman mo talaga bakit ganun ang natanggap mong grade. Mababasa mo kasi sa course shell mo bakit ganun ang natanggap mong grade. Kaya alam mo kung saang area ng subject ka magaling at kung saan ka pwedeng mag-improve. Talagang ipinaliliwanag ng mga professors ang kanilang itinuturo kaya marami ka talagang matututunan.

    Madali rin ang sumakay papunta ng school. Ito ang isa sa mga nagustuhan ko dito sa Canada particularly sa lugar ko sa may Scarborough, Toronto sa Ontario. Maayos ang kanilang transportation system. Hindi masyadong siksikan sa mga bus at train kumpara sa Pilipinas. Karaniwang gamit sa pagsakay ng bus at train dito sa Canada ay ang presto card.

    Kapag IS ka rito sa Canada ay may discount ka sa pamasahe sa bus at train. Mayroong tinatawag na “monthly pass” ang mga estudyante kung saan “unli” ang pagsakay sa bus at train sa loob ng isang buwan. Kaya kung may oras ka ay maari kang mamasyal sa maraming lugar dito sa Canada. Marami ring magagandang parks na maaari mong puntahan gaya ng Valley Land Trail at Morningside Park.

    Marami akong nais ikwento sa mga karanasan ko bilang IS dito sa Canada. Kung mayroon kang tanong o gustong malaman, pwede kang sumulat sa comment section. Hanggang dito na lang muna. Itutuloy ko sa mga susunod na blog ang tungkol sa iba ko pang karanasan bilang isang IS dito sa Canada.

  • Minsan sa sobrang stress mo sa iyong trabaho parang gusto mo ng umalis. Naiisip mo ng mag-resign. Minsan hindi mo na talaga matiis ang boss mo o ang mga katrabaho mo. Naiisip mo rin na para bang nawawalan ka ng oras sa sarili mo o sa pamilya mo kaya naiisipan mo na lang ang mag-resign sa iyong trabaho. Siguro naiisip mo rin na mag-negosyo na lang kasi kulang ang sweldo mo at dahil sa sobrang trapik at sa dami ng gastusin ay kulang na kulang na ang iyong kinikita.

    Kung ano man ang iyong dahilan kaya mo balak mag-resign sa iyong trabaho, dapat huwag kang magpadalos-dalos. Huwag kang basta-basta mag-reresign! Pag-isipan mo ito ng mabuti! Pag-isipan mo ng mahigit sa sampung beses bago ka mag-resign. Tandaan mo na mahirap ang mag-hanap ng trabaho sa ngayon. Alalahanin mong uli ang hirap na pinagdaanan mo noong naghahanap ka pa lang ng trabaho.

    Bago ka mag-resign ay mas mabuting maghanap ka muna ng ibang trabaho. Mas madali ang naghanap ng ibang trabaho kung may trabaho ka. Ang sabi nga nila, it is easier to find a job, if you have a job. Kaya bago ka mag resign ay mas magandang strategy ang maghanap ka na muna ng iyong malilipatan.

    Bago ka mag-resign i-relax o gawing kalmado muna ang iyong isipan bago ka gumawa ng isang mabigat na desisyon. Kung desidido ka na talagang mag-resign, dapat ay magbigay ka ng 30 days notice sa iyong employer ayon sa regulasyon ng Department of Labor and Employment (DOLE). Ibig sabihin dapat mga isang buwan pa lang bago ka mag-resign ay nakapagbigay ka na ng abiso sa iyong employer. Ang dahilan nito ay upang mabigyan ng pagkakataon ang iyong pinapasukan na makahanap ng iyong kapalit. Magiging maganda rin ang record mo sa iyong kumpanya kung magbibigay ka ng notice bago ka umalis. Kapag nagbigay ka rin ng notice ay masasabing wala kang sama ng loob sa pag-alis mo at ikaw ay isang totoong propesyonal na tao.

    Meron din mga exceptions ang batas sa pagbibigay ng notice sa iyong pag-reresign. Pero kung ang sitwasyon mo ay wala sa mga nasabing exceptions ay huwag mong kalimutang magbigay ng notice sa iyong employer. Mag-paalam ka ng maayos sa iyong boss. Do not burn bridges. Kapag umalis ka ng maayos at walang samaan ng loob sa iyong employer ay higit na magiging magaan ang paglipat mo sa bagomong trabaho.

    Kung mayroon kang karanasan tungkol sa iyong pag-reresign na gusto mong i-share o kung may tanong ka, opinyon o gustong ma-clarify ay mag-comment ka lang.

  • Naranasan mo na bang mahuli o masita ng MMDA Traffic Enforcer habang nagmamaneho ka ng sasakyan? Ikwento mo rito ang naging karanasan mo, kabayan.

    Kung driver ka ng sarili mong sasakyan o isa kang jeepney, taxi o grab driver ay malamang naranasan mo na ang mahuli o masita ng traffic enforcer ng MMDA. Kapag nangyari sa iyo ang ganito, ano ang una mong reaksiyon? Nagagalit ka ba sa enforcer at nakikipagtalo? Nakikiusap ka ba na sana ay patawarin ka na lang sa violation mo? O ikaw ba yung tipong nag-iimbento ng palusot para wag kang tiketan ng enforcer?

    Kapag nahuli ka ng MMDA traffic enforcer, ang dapat mong gawin ay kumalma ka lang at maging mahinahon. Irespeto mo ang traffic enforcer dahil ginagawa nya lang ang kaniyang tungkulin. Higit sa lahat, wag na wag kang mag-bibigay ng pera o anumang bagay para palusutin ka ng enforcer sa violation mo! Mas mabuti pang matiketan ka keysa dumagdag ka pa sa korupsiyon sa ating bansa.

    Kung kailangan mong mag- explain, magpaliwanag ka ng may-paggalang. Iwasan mo ang mag-taas ng boses o magalit. Huwag kang makipag-debate sa traffic enforcer. Ang kalye ay hindi ang tamang lugar upang makipagtalo.

    Ayon sa procedure o guidelines ng MMDA, kung sa opinyon mo ay mali ang inasal o ang pag-huli sa iyo ng traffic enforcer ay maari kang tumawag sa MMDA hotline 136 o kaya ay sa telephone number 882-41-51.

    Maari mong kuhanin ang pangalan ng traffic enforcer na nakalagay sa kaniyang nameplate. Tandaan mo rin ang oras at lugar kung kailan at saan ka nahuli.

    Pwede mong i-contest ang pagkakahuli sa iyo sa Traffic Adjudication Board, 4th floor MMDA Bldg. Orense street corner EDSA, Guadalupe Nuevo, Makati City. Kung mali naman ang inasal ng enforcer sa pag-huli sa iyo ay pwede kang mag-reklamo sa Technical Committee on Complaints (TCC) ng MMDA, 3rd floor MMDA Bldg. Orense street corner EDSA, Guadalupe Nuevo, Makati City.